CHAPTER 3.21

26 5 0
                                    


“BITIWAN mo 'ko!” sigaw ni Abi.

“OK,” tugon ng tiktik, hindi man ito nakakalipad ay tumatalon naman nang napakataas.

Napatili na lang si Abi nang ihagis siya ng tiktik papasok sa isang silid ng office of the CIC na may basag-basag na salamin.

Himas ang nasaktang balakang at hindi iniinda ang iba pang nararamdamang sakit, pinilit niyang tumayo at tumakbo upang makalayo sa Office of the CIC. Ngunit ni hindi siya nakalabas ng silid na iyon dahil humarang sa kanyang harapan ang tiktik na bumihag sa kanya.

“Hindi ako makapaniwala noong una kitang makita,” panimula nito, “ikaw nga pala iyan, Abigail... ang prinsesa ng mga mandarago. Ano'ng nangyari sa iyo?” Sininghot siya nito kaya agad siyang umiwas. “Hindi ka na isa sa amin.”

Kung hindi siya nagkakamali ay si Kaio ang isang ito, ang anak ni Supremong Oscar. Nakatakda sana siyang maging asawa nito kung hindi lamang siya nabihag ng mga synthetron. Nang makatakas naman siya at makabalik sa kanilang pugad, nagkaroon ng hindi pagkaka-unawaan sa pagitan nila dahil natunton ng Archangels ang kuta ng tiktik na si Ricardo at nahuli ang karamihan sa mga ito, nang dahil sa naging kapabayaan niya at ng kanyang mga kasama. 'Di hamak na mas marami ang bilang ng mga tiktik kaysa sa mga mandarago, kung kaya imbes na magkasagupa sila ay nagtago na lamang ang kanilang angkan sa Volsungga Region, kung saan muling nagtagpo ang landas nila ni Roue, ang synthetron na tinakasan nila noon sa Stravos. Ang huli niyang balita ay maayos nang muli ang samahan ng lahat ng aswang at doon na nga sa rehiyon nagpugad.

Speaking of Roue...

“Paraanin mo ako!” Sinubukan niyang lagpasan si Kaio ngunit syempre pa ay hinarang siya nito.

“Bakit ko naman gagawin iyon, mahal kong prinsesa?” Inilawit nito ang mahabang dila at tinitigan siya mula ulo hanggang paa. “Kay bango ng iyong samyo, amoy na amoy ang iyong pagiging tao...” Muli itong suminghot. “Paano mo iyon nagawa?”

Hindi kaya interesado ring maging tao si Kaio? “May alam akong paraan, Kaio.” Hindi siya sigurado, pero maaari sigurong subukan. Malakas ang kutob niyang dugo nga iyon ni YiHan.

“Ano? Paano?” tanong nito.

“Si YiHan, si YiHan ang solusyo—”

“Kung ganoon, kailangan niyang mamatay!” Akmang lalabas na ito kaya kumapit siya sa naglalangis nitong braso.

“S-sandali! A-anong mamatay—”

Sinakal siya nito at iniangat sa sahig. “Kung siya ang solusyon sa pagiging purong tao ng mga aswang, nararapat lang siyang mamatay!” deklara nito, “siya ang uubos sa aming lipi!”

Hindi siya makasagot dahil hindi na siya makahinga. Inaabot niya ang mukha nito ngunit hindi niya magawa, sinubukan niyang abutin ang mga braso nito upang lumaban ngunit hindi rin niya kaya. Kahit ang hawakan ang kamay nitong sumasakal sa kanya ay para bang napakahirap gawin. Para siyang nawawala sa katinuan, hindi niya alam ang gagawin.

“Pagkatapos ko sa 'yo ay isusunod ko ang YiHan na iyon!” wika pa ni Kaio. “Kung nalaman ko lamang nang mas maaga ay hindi kami tutulong na magamot siya!”

Lumaylay na ang kaniyang mga braso, nanlalabo na ang kaniyang paningin. Salamat na lang siguro na hindi siya nilapa ni Kaio—kung lapain man siya nito, at least hindi na niya madarama pa. Nawawala na nga yata siya sa sarili dahil tila nakikita na niya si Roue.

“Synthy...”

Napaubo na lang siya nang mabitiwan siya ni Kaio. Tila nagliwanag din ang kanyang paningin bagaman medyo nahihilo. Nanghihina siya pero alam niyang ligtas na siya. Ewan. Si Roue ba talaga ang nakikipagbuno kay Kaio?

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon