CHAPTER 3.13

23 5 0
                                    


PAGPUTOK ng araw at pagkabukas ng inn ay agad na nagsilabas sina ND, hahanapin nila sina YiHan. Wala siyang ideya kung nasaan ang mga ito, walang sumasagot sa mga tawag nila kina Roue. Talagang iniwan sila ng mga ito.

Pero bakit? Posible bang nalaman ng mga ito ang pinaplano nila ni Iris? Nagkasundo na sila noon na hindi ibibigay sa kinauukulan si YiHan, nang ikuwento nito at ni Roue ang naging karanasan nito sa Stravos ay talagang nagulat sila. Sobrang pahirap pala ang ginawa rito, at kung hindi dahil sa isang aksidente na hindi ito ang may gawa ay hindi ito makakatakas.

Kahit siya ay nahabag dito. Noong una ay talagang tutol siya na itago nila si YiHan, pero dahil nga sa kwento nito ay nabago ang isip niya. Kahit pa nga naniniwala siyang ito ang makakatulong para malunasan ang ilang aswang o Level 10.

Pero sa mga natuklasan niya sa pagkatao nito ay unti-unting nawala ang simpatya niya sa lalaki. Ito pala ang kapatid ng aswang na ex ni Catty.

Galit siya sa lalaking iyon dahil sa isang buwan pa lang na relasyon ng mga ito ay pinakialaman na agad si Catty. Nabuntis nito ang babae. Ipinalaglag ni SIC Romano ang bata dahil sa takot na baka aswang din iyon. Ang pagkamatay ng mag-ama nito ang humila kay Catty sa matinding depresyon.

Malungkutin pa rin ito nang magkakilala sila, hirap na hirap nga siyang paamuin ito, kaya laking tuwa niya nang sagutin siya nito. Nang ilahad nito ang mga pangyayari sa buhay nito ay galit na galit siya sa Renzel na iyon. Inilagay nito sa alanganin si Catty nang dagitin nito noon. Paano na lamang kung may masamang nangyari dito? Pagkatapos ay buntis pa?

Sinira ni Renzel ang buhay ni Catty, pagkatapos ay ang kapatid naman nitong si Hansel ang sumira sa buhay ng kapitan nila. Salot sa kanila ang magkapatid na iyon, kung kaya naman, kung si YiHan nga ang lunas sa pagiging aswang o Level 10 ay handa siyang i-surrender ito sa kinauukulan, para din iyon sa ikabubuti ng lahat.

Para maibalik si Catty at Knox.

"ND?"

Tinig ni Iris ang nagpabalik sa isipan niya sa kasalukuyan. "Oh?"

"Hayaan na lang kaya natin sina YiHan-"

"Joke ba 'yan?"

Huminga nang malalim si Iris at nilingon si Jessa na nakikipagkuwentuhan kay Jessa sa unahan ng Harrier. Silang dalawa ni ND ay nasa likuran. "Naaawa kasi ako kay YiHan, isa ako sa naging doktor niya noon sa Stravos, kung nakilala mo lang sila ni Renzel-"

"Nobel Prize ang isipin mo, Iris-"

"How about our friendship-"

"Para kay Captain at Catty itong gagawin natin, they're our friends."

"P-pero kasi-"

Tinapik niya sa balikat si Iris. "Alam kong nakokonsensiya ka, isipin mo na lang ang dami ng matutulungan natin kung isasakripisyo natin si YiHan. Iisa lang siya, kumpara sa libo-libong maliligtas."

Tumahimik na lang si Iris.

"NASAAN tayo?" pupungas-pungas na tanong ni Seraphiel pagkabangon sa bunkbed. Nasa katabing kutson niya si Roue na nagbabasa ng magazine.

"XX22 Runway, nagkampo na raw kayo rito noon, sabi nina Abdiel," tugon nito.

"Ah, oo..." Sumilip siya sa bintana at nakita ang mga lalaking kasama nila na nag-eehersisyo sa isang panig ng lugar habang si Abi naman ay hindi maintindihan kung paano paaapuyin ang gatong para sa iluluto nito. Napailing na lang siya sa pagka-ungentleman nina Aster, pero hindi rin naman siya bumaba para tulungan ito. "Ano 'yang binabasa mo?"

"Medical Hour. Napulot ko lang diyan."

"Ah, kay Yeshiel 'yan. Medicine undergrad iyon eh, sayang nga. Dalawang taon na lang ang bubunuin niya, kaso kinapos," aniya.

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon