CHAPTER 3.12

26 6 0
                                        


BELLA INN, OLD NCR
THURSDAY 0236HOURS

KALALABAS lang ni Tina sa banyo nang mapasilip siya sa bintana, salamin iyon dahil matitibay naman ang titanium at iron grills niyon, na kahit Level 10s ay hindi uubra. Kumunot ang noo niya nang mapansing umilaw sa bandang parking space.

Sino kayang sira-ulo ang lalabas nang dis-oras ng gabi? Ano, nagpapakamatay lang?

Babalik na sana siya sa pagtulog nang lumitaw ang nguso ng isang pamilyar na truck.

"Rachelle... Rachelle! Guys! Jessa! ND! Umaalis sina YiHan!" Niyugyog niya ang mga kasamang tulog na tulog na.

Si ND ang kaagad na pumulas at sumilip sa bintana. "Shit..."

"Ano'ng nangyayari? Tina?" pupungas-pungas na tanong ni Jessa.

"Sina YiHan, umalis," tugon ni ND na ipinusod ang buhok bago dinampot ang baril at lumabas.

"S-saan kaya pupunta ang mga 'yon?" kabadong tanong ni Iris habang nilalapirot ang sariling daliri.

"Ano, saaama ba kayo o tutunganga lang?" Muling sumungaw si ND sa pinto, tsaka lang kumilos ang tatlong babae.

Habang pababa ng hagdan ay panay ang tanong ni Tina at Jessa, takang-taka ang mga ito kung ano ang dahilan sa pag-alis nina YiHan.

"Baka k-in-idnap siya nina Aster para dalhin sa Mt. Claverio!" ani Jessa.

"Posible. Hindi natin alam ang tunay na motibo ng biglang pagdating dito ng isang 'yon—may kasama pang Archangels," sagot naman ni Tina.

Kinalampag ni ND ang pinto ng receptionist na natutulog na ng mga oras na iyon. "Pakibuksan, please! Pakibuksan ng pinto!"

"Sandali po..." tugon ng inaantok na tinig mula sa loob. Mayamaya'y lumabas ang isang lalaking magulo ang buhok. "Ano ho 'yon?"

Si ND pa rin ang sumagot. "Pakibuksan ang pinto, kailangan naming—"

"Pasensiya na, Sir, alas-siyete pa ang bukas niyan—"

"Lumabas ang kasama namin! Hahabulin lang namin, wala kayong pananagutan kung madisgrasya man kami—"

"Hindi, sir eh, paano naman ang ibang occupant dito kapag nasalisihan kami ng aswang o level 10—mamaya na lang kase—"

"Paano kung ang mga kasama namin ang lapain—"

"Eh, pasensiya na sir, hindi namin alam kung paano nakalabas ang mga kasama ninyo eh mahigpit ang security namin. Pasensiya na talaga." Iyon lang at iiling-iling na pumasok ang receptionist.

"Bwiset!" Sinuntok ni ND ang mesa sa harap niya.

"ND, wala naman tayong dapat ipag-alala kung tutuusin," wika ni Jessa. "Archangels, Synthetron at Level 10 ang mga nakasakay sa Rachelle, walang masamang mangyayari sa kanila."

"Pero paano nga kung k-in-idnap nina Aster si YiHan?" tanong naman ni Tina.

Hindi makaimik si ND, kung tama si Tina, ayos lang, mangyayari pa rin ang gusto nilang mangyari ni Iris, pero kung tama ang hinala niya na natunugan ni YiHan ang mga plano niya—"Bwisit talaga."

"Wait lang, guys," singit ni Iris. "Kasama kaya nila sina Roue at Abi?"

Tila naman noon lang napansin ng iba na wala nga ang dalawa.

BELLA INN, OLD NCR
WEDNESDAY 2111HOURS

"Sige na, Abi, mauna ka na sa taas, uubusin ko lang 'to."

"OK, inaantok na rin ako eh, ikaw, Jessa? Hindi ka pa ba—"

"Neh, sasamahan ko 'tong si Tina, baka gumapang paakyat sa kwarto natin eh."

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon