CHAPTER 3.17

23 4 1
                                    


NAKASUNOD sina ND kina Thomas at Carl, ayon sa dalawa ay dumating na ang mga Synthetron na nangolekta ng mga aswang. Mahigit isang dosena raw ang nakuha ng mga ito. Inuumpisahan na raw ang extraction ng langis ng mga iyon, inunang kuhanan ang mga sugatan, samantalang ang mga hindi sugatan at walang malay ay inipon sa isang kwarto. Doon sila patungo.

“Sa totoo lang, prof, illegal ang order na ginawa natin,” ani Carl.

Tumango-tango si Iris, alam niya. Kahit papaano ay may batas pa rin na pumoprotekta sa mga aswang. Tao pa rin naman kasi ang mga ito at nabibiktima ng Level 10s. Ayon sa batas. Hangga't walang sinasaktang normal na tao ang mga ito ay hindi dapat kantiin. Kaya ang nangyari kagabi ay ilegal at maaari silang makasuhan.

“Can't the House of Blanks make an exemption?” tanong ni ND, “para sa ikatatagumpay naman ng research kay YiHan ang paghuli sa mga aswang.”

Nagkibit-balikat si Thomas. “Siguro nga, pwede naman. Naroon sila, there are nine left.” Itinuro nito ang silid na may dalawang Synthetron na bantay.

Sumilip sila sa salaming bintana at nakita roon ang mga walang malay na tiktik.

“Parang napakadali namang nahuli ang mga iyan,” komento ni Iris.

“Well... The Synthetrons said na-shock ang mga aswang sa pagdating nila,” sagot ni Carl.

“Sapat na siguro ang langis na makukuha mula sa kanila—wait...” Tinitigang mabuti ni ND ang isang tiktik na patagilid na nakahandusay. Wala itong pang-itaas, nakayapak, naka-itim na pantalon, katulad lamang din ng ibang lalaking tiktik, ngunit ang umagaw sa atensyon niya ay ang dog tag nito. Kahit na maliliit ang titik na nakaukit doon ay pilit niya iyong binasa. At nanlaki ang kaniyang mga mata nang maunawaan ang mga unang letra ng pangalan nito. “Si Cap! Si Captain Barton ang isang 'yon!”

Halos ingudngod ni Iris ang sarili sa salamin nang marinig ang sinabi ni ND, nandilat din ang mga mata nito nang mamukhaan si Knox. Kahit mukha pa itong tiktik ay may kaunting-kaunti namang resemblance sa tunay nitong itsura. “Captain... Knox—Knox! Thomas, buksan ninyo ang pinto, si Knox ang isang 'yon! Palabasin ninyo si Knox!”

Maging si Tina at Jessa ay nagulat din nang makilala si Knox.

“Prof, sorry, but we cannot release him, kailangang synthetrons ang—”

“Synthetron! Tumawag ka ng synthetron, ND!” utos ni Iris na agad namang sinunod ng lalaki na tumakbo para tawagin ang pinakamalapit na synthetron.

“T-teka muna, prof,” ani Carl. “Ang tinutukoy ba ninyong Captain Barton ay ang nawawalang team leader ninyo?”

“Siya nga. Ayun siya.” Itinuro ni Iris ang lalaki na wala pa ring malay. Naluluha siya sa kalagayan nito. Paanong ang mabuti at tahimik na kapitan nila ay naging isang halimaw? May bahid pa ng dugo ang bibig at mahahabang daliri nito. Kumain ba ito ng tao?

“Ang tagal naman ni ND?” ani Tina na nakatanaw sa direksyon kung saan tumakbo ang lalaki na mayamaya lang ay paparating na nga kasama ang tatlong synthetron.

“Dr. Eusebio, anong emergency?” tanong ng isa sa mga ito.

“Pakibuksan ng container and release that... that one.” Itinuro ni Carl si Knox, tila nag-aalinlangan pa itong sabihin na aswang o tiktik ang lalaki.

Napakunot ang noo ng mga synthetron at nagkatinginan. “Huh?” tila iisang tao na wika ng mga ito.

Tumango si Carl na sinegundahan naman ni Thomas. “Bilis na, we know what we are doing. Besides, kaya nga kayo nariyan 'di ba? Para in case na may mangyaring hindi inaasahan eh makokontrol ninyo.”

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon