Chapter 2.2

63 4 0
                                    


“KUYA, ayaw mong kumain?”

Nginitian lang ni Renzel ang kapatid at isinukbit ang sling bag. “Sa headquarters na, pinapakain naman ni Senator kaming mga tauhan niya. Ikaw ang kumain nang kumain para lumakas ka.”

“Ano bang sabi ni Doc, kuya?” nakangiting tanong ni Hansel habang maganang kumakain ng corned beef at sinangag, may dessert pa iyong leche flan kaya ganadong-ganado ang kapatid niya.

“Anong sabi? E, di magpalakas ka nga raw, para ma-PRad ka na.”

“Masakit ba 'yon?”

“Aba, malay ko? 'Di ko pa naranasan—saglit lang, may tumatawag—Hello po?”

“Aba, anong oras mo balak pumunta rito sa headquarters?” anang nasa kabilang linya, “pa-importante ka pa, a!”

Sinenyasan niya ang kapatid na kumaing mabuti at aalis na siya, tinanguan at nginitian siya nito.

“Ingat, kuya.”

Tumango rin lang siya.

“Sir, pasensiya na po, inayos ko lang 'yong mga kailangan ng ka—”

“Wala akong pakialam! Hoy, Yee, hindi porke malakas ka kay Mr. Senator, e mag-a-attitude ka na, alalay ka lang ng alalay niya, hindi kayo close ipinapaalala ko lang sa 'yo.”

“Opo, alam ko po,” mahina niyang tugon.

“Bilisan mo na! Ikaw na lang ang kulang sa entourage!”

“Opo, on the way na po.” Nagmamadaling pinaharurot ni Renzel ang luma niyang kotse. Iritang-irita siya sa secretary na iyon ni Sen. Romano. Laging mainit ang ulo niyon sa kanilang lahat. Kung minsan nga ay nangangati ang gilagid niya kapag binubulyawan siya nito, gusto niyang hilahin ang nakakapundi nitong dila habang nilalantakan ang atay nito.

Kaya lang kung mahuhuli siya sa salang pagpatay rito, parang napaka-senseless naman ng buhay niya.

Hindi niya ipapahamak ang lahing aswang para lang dito.

Isa pa ay paano si Hansel? Nasapo niya ang noo nang maalala ang kapatid.

Masinsinan siyang kinausap ng doktor nang palabasin si Hansel.

Napakaliit ng pag-asang maisalba pa sa cancer si Hansel. Stage 4 na ang Kidney cancer nito na nagmula sa Grawitz's tumor. Ayon sa doktor, malaki ang chance of survival ng isang may kidney cancer lalo pa't matatanggal ang apektadong kidney.

Ngunit sa kaso ni Hansel, napakahirap niyon. Nag-metastasized na kasi o kumalat na sa iba pang parte ng katawan nito ang cancer cells.

Hindi matiyak ng doktor kung malalampasan pa ni Hansel ang karamdaman nito. Ngunit handa siyang sumugal. Kinakaya ng kapatid niya ang sakit nito, lumalaban si Hansel, siya pa ba ang hindi? Kung kinakailangang magpa-alipin siya kay Sen. Romano upang tustusan nito ang pagpapagamot sa kapatid niya ay nakahanda siya...

*****

IILAN pa lamang ang tao sa HQ nang dumating si Renzel. Nakapaligid ang mga synthetron ng senador at ang mga tauhan naman nito ay kumakain pa.

“Ren! Kain!” bati sa kanya ng isa.

Tumango lamang siya at hinanap si Carlos ang secretary ng senador. Gago ang isang 'yon. Siya na lang daw ang kulang.

Nakita naman niya ito na nagmamando sa mga synthetron.

“Good morning, Sir,” bati niya.

Nilingon siya nito at itinaboy na ang mga synthetron. “Aba, 'andito na pala ang boss, sumunod ka sa 'kin, gusto kang kausapin ni Mr. Senator.”

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon