"Kuya!"Damang-dama ni Renzel ang pagkabutas ng kanyang laman sa bawat balang tumatama sa kanya, napapaatras siya sa bawat pwersadong pagtama ng malalaki at maliliit na metal sa kanyang katawan.
Oo nga't mahirap patayin ang gaya niya at kasabihan pang kumakain ng bala, pero ibang usapan na kapag daan-daang bala ang ipapakain sa'yo.
"Hold your fire!" sigaw ng isang Synthetron.
Tumigil ang putukan, nakalugmok na lamang siya at hinang-hina. Si Hansel ay karga ng isa pang synthetron, iyak ito nang iyak, habang ang mga miron ay unti-unti nang bumubuo ng bilog palapit sa kanya.
"Pakiusap lang po, 'wag kayong lumapit, hindi pa tayo sigurado kung safe na tayo—"
Hindi pa halos tapos magsalita ang crowd control leader ay muling nagkagulo at nagtakbuhan ang mga tao.
"Sa taas! May lumilipad!"
"Ano 'yan?!"
"Katapusan na ng mundo! Sinasalakay na tayo ng mga aswang!"
"An aerial fiend! Shoot it! Fire!"
Kahit nanghihina ay tumingala siya. Nakita niya ang isang aswang ang bumubulusok patungo sa kanya. Sa mabilis na pagkilos ay dinagit siya ng isang mandarago.
"Masama ang lagay mo," anito.
Napangiti siya, kilala niya ang amoy nito. "S-salamat... Abi..."
"Ano bang pumasok sa isip mo at nagpakita ka sa mga tao?!" tanong nito habang umiiwas sa mga bala.
Nang maalala ang dahilan kung bakit nya iyon nagawa ay pumalag siya sa pagkakadagit nito sa kanya. "Abi... Ibaba mo ako, si Leigh, si Hansel—"
"Baliw ka na ba?! Papatayin ka ng mga—AAAHHH!!!" Umusok ang likod ni Abi at nawalan ito ng ere nang matamaan ito ng malaking armas na hindi niya alam kung ano.
Bumagsak silang dalawa at nagpagulong-gulong.
"Roue! Cuzack! Nivla! Marco! Restraint the winged one! The rest, get that goddamned beast!" utos ng pinuno na si SIC Alegre.
Wala nang lakas na lumaban si Renzel, nang iposas siya ay hindi na siya nakapalag. Mula sa kinaroroonan niya ay naririnig niyang nakikipagmatigasan si Abi sa mga synthetron, partikular doon sa unang tumakbo rito.
"H-hansel..." anas niya nang pilitin siyang patayuin. Nanlalabo na ang kanyang paningin, sa dami ng dugo at langis na nawawala sa kanya ay hindi na magawang maghilom ng kanyang mga sugat. Mukhang katapusan na niya.
"Tayo! Tumayo ka nang maayos! Napakabaho mo!"
Napahiyaw siya nang halos pilipitin ng synthetron na may hawak sa kanya ang kaliwa niyang brasong may taga. Muli ay napaluhod siya.
"Tumayo ka sabi!" Tinadyakan pa siya ng mga ito.
"Neil, 'wag namang ganyan, hindi na nga siya makalaban," awat ng isa pang synthetron na nakilala niyang si Roid.
"Kuya! Ang kuya ko!"
Sa dami ng usyusero ay narinig niya ang boses ni Hansel, hinanap niya ito. Nakita niyang humulagpos ang manipis nitong katawan sa pagkakapigil dito ng synthetron at pasuray-suray na tumakbo sa direksyon niya.
"H-Hansel..." Nangilid ang luha niya habang nararamdaan ang unti-unting pagbabalik niya sa anyong-tao.
Tinangka itong pigilan ni Roid ngunit nakikiusap ang mga mata na tumingin siya sa kaibigan, hinayaan na nitong makalampas ang kapatid niya upang daluhan siya. Agad na yumakap sa kanya si Hansel. Naririnig pa niya ang ibang tao na nagsasabing patayin na siya agad dahil isa siyang salot, pinabayaan lang sila ng mga synthetron, marahil ay sa kadahilanang alam ng mga ito na hindi na siya magtatagal.
BINABASA MO ANG
YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]
Science FictionIn a world where fear and darkness reigns. There are only two rules: Fight or be eaten... First published in University of horror Stories Philippines on Facebook. written by jayehatake aka Sixth Hokage