Chapter 16

91 5 0
                                    

"PASENSIYA na po sa mga damit ko, hindi pa kasi ako nakakapaglaba," ani ND kay Mikhail. Isinama niya kasi pabalik sa inn ang mag-ama.

Tipid itong ngumiti. "Ayos lang, hijo. Nagpapasalamat pa nga ako sa bukas-palad mong pagtulong sa amin ng aking anak."

Nilingon niya si Knox na wala pa ring malay na natutulog sa kama, napalitan na rin ito ng maayos na damit.

"A-ano po ba talagang nangyari? Hindi ko kasi maintindihan."

Huminga nang malalim ito. "I-ikaw ba... Paano mo nakilala si Kinuel?"

Napakamot siya sa ulo. "Hindi pa nga po pala ako nakakapagpakilala nang maayos, ako nga pala si ND, teammate ni Captain Barton, akala nga namin, wala na siya, sila ni Roue—Si Roue po? Kasama n'yo ba? A-at, bakit Kinuel ang tawag n'yo sa kanya?"

Hindi makakibo si Mikhail, hindi niya kasi inakala na ang tutulong sa kanila ay teammates pa ni Knox na pinagtaguan nila. Hindi niya namukhaan si ND, ang nagmamay-ari ng cowboy hat na ginagamit niya.

At ang masaklap, tauhan ito ng gobyerno, at malamang na ipaalam nito na buhay si Knox.

"Wala pong naiikwento sa'min si captain na may pamilya pa siya, lagi niyang sinasabi na mag-isa na lang siya sa buhay," dugtong pa ni ND.

"A-ah, ganoon ba? K-kasi nagkasamaan kami ng loob, kailan lang uli kami nagkita," dahilan ni Mikhail. Sa dami ng tanong ni ND ay hindi niya alam kung paano pagtatagni-tagniin ang mga palusot na naiisip niya, nangangamba din siya na malaman ni Knox ang totoo oras na magising na ito.

Ang laki ng problema n'ya. And'yan pa ang gulo sa Archangels.

Totoo nga ang kasabihan; 'when it rains, it pours'

Nanganganib na muling maghiwalay ang landas nilang mag-ama. "Kinuel..."

"Alam n'yo po, parang narinig ko na yung pangalang Kinuel, pamilyar..."

Napapikit si Mikhail, maaari ngang pamilyar ang codename ni Knox, dahil isa ito sa pinakasikat na Arkanghel.

"Gaano mo ba kakilala si Kin-Knox?" tanong niya.

Dinama ni ND ang noo ni Knox. "Ang tagal niyang gumising, wala namang lagnat," anito. "Uhm, sa totoo lang po, sa ipang taon namin na magkasama sa team, kilala ko lang siya, bilang leader."

"Hindi siya palakwento, at kung magkukwento man, kadalasan may kinalaman sa trabaho ang topic," pagpapatuloy ni ND.

"Ituloy mo, hijo. Gusto ko sanang malaman ang mga nangyari sa kanya sa nakalipas na mga taon," udyok ni Mikhail.

Napangiti si ND. "Maalalahanin siya... Mukha lang siyang mahigpit at mainitin ang ulo, pero siya ang pinakamabuting taong nakilala ko, parati niyang inuuna ang kaligtasan namin, minsan, nakakainis ang mga desisyon niya, pero inaalala lang pala niya kami. Ang pagiging maalalahanin nya ang naging dahilan kung bakit nagkahiwa-hiwalay kami, mabuti na rin pala na iniwan namin sila ni Roue noon sa Volsungga, kung nandoon kami, baka napahamak din lang sya dahil siguradong uunahin nya ang safety namin... Si Roue nga po pala? May kasama ba sya noong magkita kayo ule?"

"Ang synthetron," aniya.

Sunod-sunod ang tango ni ND. "O-opo! He's a synthetron!"

Napalunok sya. "Magkasama sila, pero nang magbagong-anyo si Ki—si Knox, naiwan namin siya."

Kumunot ang noo ni ND. "Nagbagong-anyo?"

Nanubig ang kanyang mga mata, may naisip na siyang plano. "Sa mga sinabi mo kanina, nakikita kong mataas ang respeto mo sa aking anak."

"Totoo po 'yan, ang totoo, sinusundan ko ang example niya ng leadership. Strict but soft."

Tumango-tango siya. "Kung ganoon, matatanggap mo pa rin kaya siya, kahit na... Isa na siyang tiktik?"

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon