"KANINA ko pa napapansin na tahimik ka? May gumugulo ba sa 'yo?"Boses ni Knox ang naririnig ni YiHan mula sa kaniyang likuran. "Sobrang halata ba?"
"Oo, halatang-halata namin, ikaw lang ang hindi nakakahalata na nahahalata namin na may gumugulo sa 'yo... Pwede ka namang magkwento kung may problema ka, hindi ka man namin matulungan, at least, lumuwag man lang 'yung pakiramdam mo."
"Salamat..." Muli siyang tumanaw sa kanluran—sa papalubog na araw. "Nangyari na ba sa 'yo na... yung isang mahal mo sa buhay—kamag-anak mo eh... Madalas mong mapanaginipan?"
"Oo naman, ang mama ko—"
"Hindi. ang ibig kong sabihin... yung... Matagal nang patay...?" Nilingon na niya ang kausap.
Nakatingin din sa kanluran si Knox at naggigitgitan ang mga panga. "Matagal nang patay?"
Huminga siya nang malalim. "Oo, Kuya ko ang tinutukoy ko—"
"May kuya ka pala? Hindi mo nakwento sa 'min."
"Probably because kay Roue ko lang naikwento?" sarcastic niyang balik.
Ngumiti lang si Knox pero hindi nagkomento kaya nagpatuloy siya. "May isang buwan ko nang napapanaginipan si Kuya Renzel, yung araw na namatay siya at natuklasan ko na may lahi pala kaming aswang."
"So kung hindi pa siya namatay hindi mo malalaman ang tungkol sa pagiging aswang ninyo?"
"Ganoon na nga. Wala akong alam tungkol sa sikretong iyon ng pamilya namin—ang totoo, hindi ko nga alam kung buong angkan namin ang aswang o si kuya lang. Kasi alam mo, sa pagkaka-alala ko, may nahulog siyang..." Kumunot ang kaniyang noo at bahagyang nagkibit-balikat sa pilit na pag-alala sa nakaraan. "I don't know what it's called, siguro yun yung anting-anting na ipinapasa ng mga aswang para maisalin yung pagiging aswang nila sa iba."
"O, tapos?"
"Siguro nabalitaan mo 'yon? Yung aswang na nahuli sa Grand Central noon, kauna-unahang aswang to be exact."
Bigla siyang nilingon ni Knox, kunot na kunot ang noo nito. "Yung nahuli nina Aster?"
Muli, nagkibit-balikat siya. "Ewan kung sinong nakahuli kay Kuya, basta, napatay siya roon, h-in-ostage niya raw kasi si Ate Leigh, yung anak ni Senator Romano?"
"Senator Romano... Leigh... You mean Cattleya Romano?" nanlalaki ang matang tanong ni Knox.
"Oo, Cattleya Romano ang real name ni Ate Leigh. Girlfriend siya ng kuya ko—"
"Ano 'ka mo?"
"ND..." Agad na lumapit dito si Knox. Si Yihan naman ay walang malay na nakatingin lang sa bagong dating na tila may hindi nagustuhan sa kanyang sinabi.
"Girlfriend ng kapatid mo si Catty?" maasidong tanong ni ND.
Tumayo na rin siya sa kinauupuang bubong ng sasakyan. "Leigh. Leigh ang tawag namin sa kaniya—"
"Leigh. Cattleya. Catty. I am referring to the same person! Anong sinasabi mong girlfriend ng kapatid mo ang girlfriend ko?!"
Siya naman ang napakunot ang noo at uminit ang ulo. Pero mayamaya ay napa-isip din siya, siguro ay patay na noon ang kapatid niya nang magkaroon ng relasyon si ND at si Leigh. "Matagal na 'yon, ND. mahigit walong taon na ang nakararaan. Baka patay na ang kuya ko nang maging kayo ni Ate Leigh. Wala kang dapat ikagalit—"
"Anong wala?! Meron! Ang tarantadong kapatid mo pala ang nagpunla ng diyablo sa katawan ni Catty!"
Doon tila naging blangko ang lahat sa kaniya. Ano raw? Anong ibig sabihin ni ND? Anong nagpunla ng diyablo? Nilapitan niya ito at kinuwelyuhan ngunit agad siyang napigilan ni Knox at padaskol na itinulak na muntik na niyang ikahulog sa bubungan ng sasakyan.
![](https://img.wattpad.com/cover/104938238-288-k346074.jpg)
BINABASA MO ANG
YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]
Science FictionIn a world where fear and darkness reigns. There are only two rules: Fight or be eaten... First published in University of horror Stories Philippines on Facebook. written by jayehatake aka Sixth Hokage