CHAPTER 2.17

56 7 1
                                    

"SAAN ka nanggaling?" ang bungad ni Mikhail kay YiHan nang makabalik siya sa kampo ng Archangels dalawang araw makalipas ang una niyang pagsama sa laban ng mga ito.

"N-naligaw po ako sa gubat... N-nagpahinga lang ako dahil sa m-mga sugat," tugon niya, napaghandaan na niya ang magiging katanungan nito at ng iba pang Archangels.

Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. "Mukhang maayos na ang lagay mo, inakala namin na namatay ka sa pagsabog."

Alanganin ang kaniyang ngiti. "O-opo nga, s-salamat na rin siguro sa mga k-kemikal na itinurok sa'kin sa Stravos. M-medyo—"

"H'wag kang maniwala d'yan Mikhail, nasaksihan ko mismo ang kakaiba niyang lakas, hindi tao 'yang Ythuriel na 'yan," sabad ni Seraphiel na kadarating lamang.

Hindi malaman ni YiHan kung paano papabulaanan ang sinabi nito, kahit kailan talaga'y hirap siyang magsinungaling. "A-ano... Seraphiel. Ano bang sinasabi mo?"

Ngumisi ito at pumwesto sa tabi ni Mikhail. "Nakita ko. Magpapalit ka dapat ng anyo 'di ba? Ang kaso ay naroon ako sa gubat kaya hindi mo nagawa."

"Bakit kung magsalita ka'y parang normal ka? Hindi ba't isa kang aswang—"

"Ythuriel!"

Nagulat siya nang sawayin siya ni Mikhail. Gayunpama'y nagpatuloy siya. "Totoo po ang sinasabi ko, maaaring hindi kayo maniwala dahil bago lamang ako rito, pero alam ko ang nakita—"

"Tama na, Ythuriel, alam ko ang tungkol d'yan," kalmadong saad nito na ikinagulat niya.

"Alam ninyo..."

"Oo, aswang si Seraphiel. Alam ko 'yon, sampu ng lihim ng iba pang Arkanghel, ngunit wala na akong pakialam pa roon, as long as they're on my side and we have the same mission. They're welcome to be on my group. Kaya ikaw, kung anuman ang sikreto mo, sabihin mo na. Hindi kita itataboy kung maipapangako mo ang katapatan mo sa grupo," mahabang salaysay ni Mikhail.

Nawalan siya ng kibo. Pagkatapos ay napatingin siya kay Seraphiel na ngayo'y sinsero na ang ngiting nakapaskil sa mga labi, parang hinihimok siyang sabihin na ang inililihim niya.

Napabuga siya ng hangin. "Bale po kasi..."

**********

NAKAHINGA nang maluwag si Ythuriel matapos niyang isalaysay kay Roue o Riouel ang pinagmulan ng gulo sa buhay niya, mula sa pagkakaroon niya ng sakit na cancer noong teenager pa siya, pagpasok sa Stravos Research Facility, pagkamatay ng kuya Renzel niya, pagsalin sa kaniya ng talisman, pagiging PX670-352, ang hirap ng mga eksperimentong pinagdaanan niya, ang totoong dahilan ng pagsabog sa Stravos hanggang sa mapabilang siya sa Archangels.

Ikinuwento rin niya maging ang pagsisinungaling ni Mikhail ukol sa pagkamatay daw nina Iris; na hindi talaga pinabayaan ng gobyerno ang grupo ng mga ito, nadisgrasya lang sina Iris ngunit nasa maayos na kalagayan na...

"Ikaw, Seraphiel, bilang aswang ka rin naman, sa palagay mo, saan nagpunta si Kinuel?" tanong niya.

Pumikit si Seraphiel, halatang inaantok pa. "Malamang, kinain n'ya si Mikhail—"

"Seraphiel?! Ang morbid mo!" angal niya.

"What? Tanggapin n'yo na, aswang si Kinuel, baguhang aswang, ang mga ganoon, hindi nakakapigil kumain ng tao—"

"Kilala ko si Cap, hindi s'ya ang tipo ng tao na mabilis mawalan ng kontrol—"

"Siguro, bilang tao, magaling talaga s'ya sa pag-kontrol sa sarili n'ya, eh pa'no kung aswang na s'ya?" nakangisi pang sabi ni Seraphiel.

Iiling-iling na tumayo at lumabas ng diner na tinambayan nila si Roue.

Sinundan niya ito. "Ako na ang humihingi ng dispensa sa ugali ni Seraphiel, talagang nakakapikon ang isang iyon, ngunit kung makakasanayan mo naman, ay makakasundo mo s'ya."

YiHan Book 1, 2 & 3 [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon