(8)
Dear Crush,
Dalawang buwan ko na kayong di nakikita. Nasa bahay lang kasi ako at di pinapayagan na lumabas. Buong bakasyon mag-isa lang akong naglilibang sa bahay.
Si Papa at Mama ang nag-enroll sakin. Sana don din kayo pumasok. Ang aga kong gumising sa unang araw ng pasukan.
Hindi ako excited dahil sa mga bagong gamit ko, excited ako dahil makikita ko na kayo. Lalo ka na...
Hinatid ako ni Papa sa school. Nanibago agad ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Nasaan ba kayo?
May mga nagtitilian sa gilid kaya hindi ko na alam kung saang direksyon ba ang room ko.
Habang naglalakad ako patingin tingin ako sa bawat classroom na madaanan ko baka kasi andon kayo. Pero wala.
May nakita akong nagkukumpulang estudyante sa tapat ng isang bulletin board. Lumapit ako kaagad.
Nakitingin din ako at doon pala nakapost yong mga sections. Hindi ko makita dahil nagsisiksikan sila, bigla naman akong napaupo sa lapag dahil may nakatulak sakin. Sumakit ng konti yong likod ko.
"Miss, okay ka lang?" nanlaki ang mata nating dalawa. "Nasaktan ka ba?" nag-aalala mong tanong sakin.
Nakatitig pa rin ako sayo habang hinahawakan mo yong paa ko. Namiss kita.. Gumwapo ka lalo, Ace.
"Uy! tulala ka diyan? Okay ka lang ba? Ha? Eca?" sunod sunod mong tanong. Nabalik naman ako sa sarili ko.
"A-ah o-okay lang ako." inalalayan mo akong tumayo.
"Anong section ka? Siguro pilot noh?" nakangiti ka pa sakin kaya nakakatulala ka talaga.
"H-hindi ko pa nakikita eh." nauutal pa rin ako kapag kinakausap ka.
"Halika, sabay nating tingnan." hinila mo ako palapit doon sa board at nagpadala na lang ako dahil mukhang nawawala na ako sa sarili ko.
"Section 2 ako, ikaw?" sabi mo.
"Pilot." so hindi pala tayo magkaklase.
"Ang galing mo talaga!" tapos kinurot mo yung pisngi ko.
Masaya dapat ako dahil natupad ko yong pagiging pilot section student pero bakit malungkot pa rin ako? Nakikita ko yong saya na nararamdaman mo. Masaya ka para sakin.
"Asan sila?" pagtukoy ko sa mga kaibigan natin.
"Parating na rin yon, kumusta bakasyon mo?" iniisip ka. Ako ,iniisip mo rin kaya?
"O-okay naman, nasa bahay lang ako." nakatitig lang ako sayo.
"May dumi ba sa mukha ko?" tanong mo at hinawakan ang sariling mukha.
"Uhhh meron, ayan oh may lamok!" tapos tinapik ko ng malakas yong pisngi mo.
"Aray! may galit ka ba sakin?" natatawa mong sabi.
"Iniiwas lang kita sa dengue." palusot ko.
"Mamaya sabay sabay tayong maglunch, susunduin ka namin sa room mo." napatingin nanaman ako sayo.
"Ibig sabihin ba, magkakaklase pa rin kayo?"
"Oo, ikaw lang ang nahiwalay." malungkot mong sabi.
"Di niyo naman ako iisnabin kapag magkasalubong tayo dito sa hallway di ba?" nakakatakot kase, baka kalimutan niyo na ako.
"Ikaw talaga! Kung ano ano iniisip mo. Ang lapit lang nang pagitan natin,nasa iisang school tayo. At tsaka wala na akong baby kapag nangyari yon." Ang layo layo mo nga eh, sabi na nga ba kapatid lang ang tingin mo sakin.
"In case lang." simple kong sagot.
Nagsidatingan sila at nagkakumustahan pa. Nang magbell na ay nagpasya na kayo na umalis pero bumalik ka at tinawag ako.
"Hatid na kita, Eca!" hindi ko nanaman alam ang gagawin ko. Parang wala nanaman akong hanging malanghap. Oxygen please!!!
"Ba-baka malate ka!" sabi ko sayo, I'm trying to be fine and act normal in front of you.
"Para sayo." ginulo mo pa yong buhok ko.
Pagkarating natin sa harap ng room ko nginitian kita.
"Oh salamat sa paghatid, kita nalang tayo sa lunch later." pumasok na ako sa loob.
Pagkaupo ko sa may bandang hulihan ay nakita kita na nakatayo pa rin sa harap ng room namin. Akala ko ako yong tinitingnan mo.
May tinitingnan ka sa may bandang unahan. Sinundan ko ng tingin yong mata mo at nasaktan lang ako. Nakangiti ka habang nakatingin sa isa kong kaklase.
Sumulyap ulit ako sayo at sumenyas ka na aalis na. Tumango lang ako sayo. Tiningnan ko yong babaeng tinitingnan mo kanina. Maganda siya at palangiti.
Nang dumating ang teacher namin ay unti unti nang napunan ang mga upuan sa classroom. Nagpakilala kami isa isa.
Nakaramdam ako ng lungkot. Parang hindi ako kabilang sa mga kaklase ko ngayon. Walang kumakausap sakin. Walang nangungulit.
Habang nakatingin ako sa kawalan ay may umupo sa katabi kong silya. Hindi ko mabasa ang ekspresyon niya. Blanko ang mukha niya. Hindi siya masaya at hindi rin malungkot. Ang misteryoso naman.
Nang mag-angat ako ng tingin ay nagulat ako dahil nakatingin sa direksyon namin yong mga kaklase kong babae.
"Yan si Grio di ba?" sabi nung ilan sa kanila.
"Ang pogi niya noh? "
Kung ano ano pa ang narinig kong sinabi nila tungkol don sa lalaking katabi ko.
Tahimik lang ako na nakaupo sa upuan ko. Hindi ko namalayan na nakatingin na pala sila sakin. Kumunot lang ang noo ko.
"Hindi naman siya nerd na katulad nong nababasa ko, pero bakit wala siyang pakialam kay Grio?" hindi ko alam kung ako ba yong pinag-uusapan nila.
"Baka magkakilala sila."
"Baka nga, pero bakit di nag-uusap?"
"Lapitan kaya natin yong girl?"
Nahalata ko na ako nga yong pinag-uusapan nila. Laging silang tumitingin sakin sa tuwing magsasalita sila.
Lumapit sakin yong babaeng tinitingnan mo kanina. Nakangiti siya at yong mga kaklase kong lalaki eh binibiro siya pero tinatawanan niya lang.
"Hi,ang tahimik mo naman. Ako si Krea, ikaw anong name mo?" naiilang ako sa kanya. Ang amo amo ng mukha niya.
"Ah-h ako si E-eca." nahihiya kong sabi sa kanya.
"Shy type ka pala. Wag kang mahihiya, mamakapal lang talaga ang mukha ng mga kaklase natin." natatawa niyang sabi. Ngumiti ako ng tipid sa kanya.
"Ikaw si Grio di ba?" bumaling siya sa katabing kong tahimik lang din pero pinag-uusapan ng lahat ng naroon.
Nanlamig naman ang kamay ko ng hindi siya pinansin ni Grio. Ngumiti lang siya kay Grio tapos bumaling ulit sakin.
"Palit tayo ng upuan Eca." bulong niya tapos kinindatan niya ako at tumingin siya kay Grio.
Krea is really beautiful inside and out. Siya na ata ang bago kong iidolohin dito sa loob ng classroom.
Tatayo na sana ako sa upuan ko para lumipat pero parang naging yelo ako sa kinauupuan ko ng hawakan ni Grio ang kamay kong nanlalamig. Parang hindi ako makahinga. Hindi din ako makagalaw. Parang may super powers siyang patigilin ang lahat ng bagay.
"Wag kang lilipat, diyan ka lang." tuluyan na ngang naging yelo ang lahat ng sa akin.
Hindi ko maprocess sa utak ko ang sinabi niya. Hindi niya pa rin binibitawan ang kamay ko na nakapatong sa ibabaw ng desk.
Ilang boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa buong sistema ko. Ramdam ko ang init ng palad niya. Blanko pa rin ang ekspresyon niya.
