Trisha
Maganda ang panaginip niya. Nasa loob daw siya ng hardin na napakadaming pulang rosas at iba't ibang kulay nang mga santan. Matingkad din ang sikat ng araw ngunit hindi masakit sa balat.
Nananakbo siya habang umaalingawngaw sa paligid ang tunog ng tawa ng dad niya.
Bitbit ang ilang kumpol ng rosas sa pinagsalikop na mga kamay ay lumapit siya sa ama.
Binuhat siya nito at umikut-ikot silang dalawa. Tumatawa pa silang bumagsak sa damuhan.
"Trish,wake up."
Naalimpungatan siya ng may tumamang mabango at mainit na hininga sa kanyang leeg. Napabalikwas siya ng bangon ng mapansing walang ilaw sa paligid at nasa hindi siya pamilyar na silid. Mapusyaw na sinag ng buwan ang nagbibigay ng liwanag sa kabuuan ng silid.
Sumiksik siya sa dulo ng kama at mahuhulog sana kundi siya maagap na nahatak ng taong gumising sa kanya. Napasubsob siya sa matigas nitong dibdib dahil sa ginawa nito. Nagtangka siyang pumiglas ngunit mariin siya nitong niyakap.
"Ako 'to Trish."pakilala ng tinig.
Natigilan siya ng rumihistro sa isip ang boses ni Kevin. Kaagad umakyat sa ulo niya ang dugo ng mapagsino ito.
"Pakawalan mo ako."mariing utos niya na kaagad namang sinunod nito.
Umahon ito sa kama at binuhay ang chargeable lamp sa may gilid ng kama niya dahilan para masilaw siya.
Lintik talaga!
"Pinapagising ka na ni Lola. Kanina pa sila kumain ng hapunan. Naisip nilang pagod ka sa biyahe kaya hinayaan ka munang matulog pero Trish masamang matulog ng hindi naghahapunan."
"Wala akong gana."
"Kakain ka. Hindi ako nag-abalang maghintay sa iyo para pareho tayong matulog na walang laman ang tiyan."
Galit na sinimangutan niya ang kapatid. Hindi niya kasalanan kung hindi ito kumain.
"Hala tayo ka na diyan o gusto mo pa bang buhatin kita?"pananakot nito.
Hindi niya maintindihan si Kevin kung bakit kumikilos ito ng ganito. Iyong mapagmando at sobra kung makalapit sa kanya.
"Baka nakakalimutan mong mas matanda ako sa iyo?"singhal niya dito upang ipaalala kung sino sa kanila ang mas matanda.
"Nang 1 taon."susog nito.
Nag-igtingan ang bagang niya sa narinig ngunit mas piniling manahimik kaysa umimik. Masakit kapag may nasasaling na sugat ng nakaraan.
Padabog siyang umalis sa kama. Itinulak niya palabas ng silid niya si Kevin.
"Wait Trish.."pigil nito sa kanya. Hinawakan nito ang magkabila niyang pulsuhan ng tig-isa nitong kamay at iniangat sa ere.
Aaminin niyang mas malakas na ngayon sa kanya si Kevin at mas matangkad pero hindi siya nito masisindak.
"Bitaw!"mariing utos niya.
"Hindi kita bibitawan hangga't hindi mo sinasabing kakain tayo sa baba."seryosong pahayag nito. At natakot siya sa matiim nitong tingin sa kanya. Hindi ito ang nakasanayan niyang Kevin.
"Okay let's eat."pagbibigay niya.
Marahan siyang pinakawalan ni Kevin.