Trisha
Naghihimagsik ang kalooban niya ng makarating sa bahay. Diretso siya sa kwarto at dumayb sa kama niya kahit hindi pa siya nakakapagpalit ng damit pambahay.
Tumitig siya sa kisame at hinayaang umagos ang masaganang luha sa mga mata niya.
Mahal niya pa rin si Kevin at nagseselos siya sa babaeng kasama nito. Mga realisasyon na nagdudulot sa kanya ng sakit.
Akala niya manhid na siya ngunit hindi pa pala.
Ang pagluha niya ay nauwi sa paghagulhol. Hirap na hirap na siya kaya kailangan niya ng mailabas ang bigat ng kalooban.
Wala siyang kakampi at maaaring pagkatiwalaan kundi ang sarili niya. Niyakap niya ang sarili habang patuloy na umiiyak.
Nakatulugan niya na ang pag-iyak. Nagising lang siya sa katok ni Aling Violy. Nag-alala ito ng makitang pugto ang mga mata niya ngunit nagdahilan siyang masakit ang ulo kaya ganoon ang itsura niya.
"Kaklase mo daw ang nasa salas. Inihatid ang naiwan mong gamit. Kakausapin mo ba?"tanong nito.
Napipiho niyang si Dustin ang tinutukoy nito at hindi niya alam kung papaano nito natunton ang bahay nila. Gumuhit ang inis sa mukha niya.
Lumabas siya ng silid na hindi nag-abalang ayusin ang sarili. Hinarap niya si Dustin. Napatayo ito mula sa pagkakaupo nang makita siya. Bumadha ang pag-aalala nito sa mukha ng mapansin ang itsura niya.
"Trisha, inihatid ko ang books mo. Are you okay?"
"Okay ako kung aalis ka na."malamig niyang sabi. Direkta niya itong itinaboy kahit kabastusan iyon.
"Sorry."anito sa mababang tinig. Iniabot nito ang apat na libro sa kanya ngunit tinitigan niya lang iyon kaya napilitan itong ilapag iyon sa ibabaw ng coffee table. "Aalis na ako."paalam nito.
Bago pa ito makalabas ay hinagilap nito ang kamay niya at pinisil. Iyon ang eksenang naabutan ng mom niya.
Nagulat ito pero ngumiti.
"Good evening po mam, Ako po si Dustin Arevalo. Classmate po ako ni Trisha at nanliligaw po ako sa kanya."pakilala ni Dustin sa sarili.
Abot hanggang tenga ang ngiti ng mom niya ng makipagkamay dito.
"Tita Hanna na lang."anang mom niya. Nagkamay ang dalawa.
"Excuse me."sabi niya bago walang lingon likod na iniwan ang dalawa upang magkulong sa kwarto niya.
Makaraan ang ilang saglit ay pumasok sa kwarto niya ang mom niya upang pagsabihan siya dahil sa inasal.
"Bakit hindi ka man lang humarap ng maayos sa manliligaw mo?"sita nito. "Mabait siyang bata bakit hindi mo sagutin?"
Galit niya itong tiningnan. "Ayoko sa kanya."
"Ano bang klaseng sagot iyan Trisha!"
"Kung pipilitin nyo ako I'm sorry pero ayoko talaga dahil sasaktan niya lang ako. Lolokohin tulad ng ginawa nyo kay Dad. Di ba kaya siya naaksidente ng gabing iyon-
"That's enough Trisha!"saway ng mom niya sa galit na tinig.
"Bakit ayaw ninyong marinig? Totoo naman na kaya umalis si Dad kahit naulan ay upang hanapin ka niya kahit nadiskubre niyang niloko mo siya at pumatol ka sa ibang lalaki habang nasa abroad siya. At ang bunga ng pagkakasala mo ay inuwi mo pa sa bahay natin."sigaw niya.
Malakas na sampal ang dumapo sa pisngi niya. Ngayon lang siya sinaktan ng mom niya. Nang-uusig ang mga matang tinitigan niya ang ina.
"I hate you. Galit na galit ako sa iyo mom!"naghihisteryang sabi niya.
"Kaya gumanti ka at pinatulan mo si Kevin?"sumbat nito sa kanya. Nag-aapoy ang mga mata nito sa galit.
Napatda siya sa narinig. Wala sa intensyon niyang gumanti sa ina nang mahulog ang loob niya sa half brother niya. Minahal niya lang ito ng kusa. Maaaring noon pa mang una nilang pagkikita, hindi niya lang agad narealize dahil natabunan ng galit ang puso niya para dito.
"You're the worst Trisha. Ibinigay ko sa iyo ang lahat. Tiniis ko ang malalamig mong pakikitungo sa akin dahil inaamin kong kasalanan ko kung bakit nawala ang dad mo. Pero ang gumanti sa ganitong paraan ay hindi ko inaasahan mula sa iyo."
Nagtangis ang mga bagang niya. "Hindi kita kinagantihan mom. Nagkataon lang na nahulog ako."sabi niya kaya malakas na sampal ang natikman niya ulit dito.
Sinapo niya ang nasaktang pisngi. Para namang nagising ang mom niya kaya humingi ito ng paulit ulit na patawad.
"You don't have to. Kasalanan ko naman talaga. So please lang, I moved on na kaya huwag ninyo na akong ipares sa iba."walang emosyong sabi niya.
"Trisha, anak-"
"Please mom, pagud na pagod na ako. Iwan nyo na muna ako."pakiusap niya kahit hindi naman nakikiusap ang tinig niya.
Bumalatay ang sakit sa mukha ng mom niya ng iiwas niya ang kamay ng akmang hahawakan siya nito. Malungkot itong lumabas ng silid niya.
Kumirot ang puso niya para dito dahil nasaktan niya ito pero nasasaktan din naman siya.
Masaya sana sila ngayon kung buhay pa ang dad niya.
Paulit-ulit niyang itinatangis ang dahilan ng pagkawala nito.
Sa abroad nakabase ang dad niya. Kada ikalawang taon lang ito umuuwi, tuwing November hanggang January. Nang time na umuwi ito ay tatlong buwan ng nasa bahay nila si Kevin. Tanggap niya nang
kapatid ito. Medyo malapit na rin sila ni Kevin noon. Sabay silang nanonood ng TV at nagkukwentuhan after school. Magkatitigan lang sila ay kataka-takang naiintindihan na nila ang isa't isa. Komportable na siya sa presensya nito.Pero nag-away ang dad at mom niya dahil sa pagtira ni Kevin sa kanila. Rinig na rinig niya ang sumbatan ng mga ito. Hindi ganoon ang nakagisnan niyang pamilya. Hindi naman dating nag-aaway ang mga ito.
Kahit kasagsagan ng lakas ng ulan ay pinalayas ng dad niya si Kevin kahit panay ang makaawa ng mom nila.
Parang basang sisiw si Kevin na kinalakadkad ng dad niya sa labas at pinagsarhan ng gate nila.
Takut na takot siya noon para kay Kevin kaya pagkapasok ng dad niya sa bahay nila ay sinalisihan niya ito at pinuntahan si Kevin kahit wala siyang dalang payong. Nakatayo lang ito sa labas ng gate. Wala kang mababakas na takot o galit sa mukha nito.
Ngumiti ito ng makita siya. Mahigpit niya naman itong niyakap kahit basang-basa ito. Umiyak pa siya ng itaboy siya nito papasok ng bahay nila.
Maya-maya lang ay lumabas ang mom nila na may bitbit na maleta. Nagpaalam ito sa kanya na aalis ito kasama si Kevin. Natilihan siya dahil bakit hindi siya kasama.
Sinabi niyang sasama siya ngunit sinabihan siya nitong pumasok siya sa loob. Wala siyang nagawa kundi sundin ang utos nito kahit labag sa loob niya.
Maghapong umulan ng malakas. Nasa loob siya ng bahay habang nakamasid sa malungkot niyang dad.
"Baby, iniwan na tayo ng mom mo."sabi ng dad niya na umiiyak.
Naawa siya dito. Niyakap niya ito ngunit hindi iyon sapat para pagaanin ang loob nito.
Umalis ito para hanapin ang mom niya.
Nang magising siya kinabukasan ay nasa bahay na ulit ang mom niya at si Kevin kaya natuwa siya ngunit masaklap na balita ang hatid ng mom niya.
Nabangga ang dina-drive ng dad niya na kotse sa isang malaking truck kaya dead on the spot ito.