Trisha
Hindi nakakaligtas sa kanya ang mga matatalim na tingin ni Vanna na kung punyal lamang ay kanina pa siya bumulagta sa binabagtas nilang daan patungo sa dagat.
Nauunang maglakad ito kasabay nila Jasmin at babaeng nagngangalang Tina. Ngayon niya pa lang nakita si Tina kaya nahihinuha niyang bago lang itong kaibigan ni Vanna. Kaagapay ng mga ito si Kevin. Panay ang biruan ng mga ito.
Nasa bandang likuran siya kasabay na naglalakad si Gilda. Nasa trentahan na ang babae at katiwala nila auntie Claire. Pinasama ito sa kanila para may mag-aasikaso ng mga pagkain at gamit nila.
Kanya-kanya silang bitbit ng bag maliban sa kanya na sukbit sa balikat ni Kevin ang tote bag niya.
Wala siyang dala maliban sa sarili niya ngunit napapagod siya ng husto. Masanting na ang sinag ng araw at hindi nakakatulong ang suot niyang sumbrerong gawa sa buli para proteksyunan siya sa init. Nahihilo siya.
Malayu-layo pa ang lalakarin nila. Sa pinakadulo kasi ng baryong ito ay malawak na karagatan. Tabsing ang tawag dahil nagtatagpo ang maalat na tubig ng dagat at tabang.
Lumalakas ang pagtibok ng puso niya kaya hinihingal siya.
Umaalun-alon na din ang paningin niya.
Napansin niyang mabibilis na ang paglalakad nila Kevin dahil excited maligo sa dagat.
Binagalan niya ang paglalakad upang makabawi ng lakas. Hindi naman siya napansin ni Gilda dahil abala ito sa bitbit na basket ng pagkain at sa kung anumang iniisip nito.
Naupo siya sa may lilim ng punong mangga upang makapahinga. Tinanggal niya ang sumbrero at ipinaypay sa sarili.
Mainit na talaga ang panahon dahil kahit dito sa probinsya na madaming puno ay napakatindi ng init kahalintulad nang sa Manila.
Nilampasan siya ng mga batang tantiya niya at nasa edad 8-10. Nagtatawanan ang mga ito at nagkukulitan. Nakapaskil sa mukha ng mga ito ang saya.
Siya, kailan ba siya naging masaya tulad ng mga ito?
Iyong walang pinoproblema dahil bata siya?
Marahil, walang kasagutan siyang matatagpuan dahil matagal ng lumipas ang kabataan niya.
Ilan pang barkadahan ang lumampas sa kinaroroonan niya. May ilang napapatingin at ngumingiti sa kanya. May ilang nagtangkang kumausap ngunit sinupladahan niya.
Gusto niyang mapag-isa.
Lumingon siya sa babagtasing daan.
Ni hindi na niya maaninaw sila Kevin. Marahil nasa dagat na ang mga ito at nagkakasiyahan."Trish, ayos ka lang?"tanong ng humihingal na si Kevin. Galing ito sa pagtakbo. Puno ng pag-aalala ang mukha nito. Tagaktak din nang pawis ang buong katawan.
Nagulat siya dahil binalikan siya nito.
Itinukod nito ang magkabilang kamay sa mga tuhod para magkapantay sila.
"Okay ka lang ba?"
Pinili niyang huwag sumagot.
"Kaya mo bang tumayo? My God di ko man lang napansing naiwan ka namin. Paano kung may nangyari sa iyo?"
Nanatili lang siyang nakatitig dito upang sauluhin ang itsura nito na puno ng pag-aalala sa kanya.
Masarap sa pakiramdam kahit papaano na may nag-aalala para sa kanya.
She stop caring a long time ago pero bakit siya ang nanabik na pakitaan ng care ng ibang tao? Iyong genuine na pag-aalala tulad ng kay Kevin .
"Pare ang bagal mo, uso pa ba ang torpe ngayon?"narinig nilang sigaw ng isang lakaking halos kasing edad din nila. Nagtawanan ang mga kasama nito dahil sa sinabi nito.
Hindi sila pinasin ni Kevin. Mukhang naka-focus lang ito sa kanya. Inilahad nito ang isang kamay sa kanya para tulungan siyang tumayo.
"Pare,daanin mo sa santong paspasan para di na makawala!"sabi ulit ng lalaki na umani ng mas malakas na tawanan ng itulak si Kevin patungo sa kanya.
Pareho silang nagulat ni Kevin lalo ng mapahiga siya sa damuhan at makubabawan siya nito. Mabuti na lamang at naituon nito sa magkabilang gilid niya ang mga kamay nito dahil kung hindi tiyak na mapipisak siya. Malaking bulas pa naman si Kevin para sa 17 years old.
Mulat na mulat ang mga mata nila na nakatingin sa isa't isa.
At nag-uunahan ang pagtibok ng puso niya dahil sa hindi niya mawaring ekspresyon ng mukha ni Kevin.
"Tss. Diyan na nga kayo. Maglampungan kayo maghapon!"anang lakaking barbaro bago umalis kasunod ang mga kampon nito.
Naiwan naman sila ni Kevin na parehong confused ang mga itsura.