Trisha
Hindi natuloy ang pagpunta nila sa dagat dahil sa biglang pagbuhos ng napakalakas na ulan. Natuwa siya dahil doon. Nasa terrace siya at katabi sa upuan ang aguela nila. Nanonood sila sa malalaking patak ng ulan.
Humalakhak ang Lola nila nang patakbong sumugod sa ulan sina Cole at Jess. Kapwa nakasuot lang nang jersey shorts ang mga ito at walang damit pang-itaas.
Parang mga baliw na sumasayaw sa ulanan.
Naghabulan ang mga ito hanggang sa mapagtripan siyang hilahin.
"Ayoko!"mariing tanggi niya.
Hawak ni Cole ang isang pulsuhan niya habang hila naman ni Jess ang kabila. Nang hindi talaga siya matinag sa kinapupuwestuhan niya ay parang bride na binuhat siya ni Cole kahit nagpupumiglas siya.
Patakbo siyang dinala nito sa ulanan habang malakas ang tawanan ng mga ito pati ng lola niya.
Umirit siya nang malakas nang mabasa ng malamig na ulan ang katawan niya.
Ibinaba siya ni Cole sa lupa ng paghahampasin niya ito sa dibdib. Tawa lang ito ng tawa habang naiiyak na siya sa inis.
"Huwag kang KJ Trisha. Ngayon lang umulan ngayong Mayo. Blessings ito."ani Cole. Tinangka nitong hawakan siya ngunit umiwas siya.
Basang-basa na siya dahil sa walang humpay na malalaking patak ng ulan. Inis na inis siya sa mga ito na tuwang-tuwa pa gayong para na siyang basang sisiw.
Tinangka niyang umalis sa ulanan ngunit hinarangan siya ni Jess. Napatuwid pa ang likod niya nang buhusan siya ni Cole ng tubig sa ulunan gamit ang magkasalikop na palad nito na may ipong tubig.
"Hey!"narinig niyang pagalit na sabi ng tinig ni Kevin.
Tinakbo siya nito upang daluhan. Umakyat ito sa itaas ng bahay kanina dahil may iniutos dito ang Lola nila. Hinubad nito ang suot na asul na T-shirt at itinakip sa tapat ng dibdib niya na bakat ang suot niyang itim na lacy bra dahil basang-basa na ang suot niyang kulay puting racer back shirt.
Yumakap siya dito at umiyak ng tuluyan.
Inakay siya nito pabalik sa terrace. Nanginginig na ang buo niyang katawan.
"Bullshit, papatayin nyo ba si Trish?!"galit na sigaw ni Kevin sa mga pinsan nilang natahimik.
Pinangko siya ni Kevin at dinala sa banyo. Ito na ang nagbuhos sa kanya ng tatlong tabo ng tubig bago siya iniakyat sa kwarto niya. Naghanap ito ng makapal niyang damit at tinulungan siyang magbihis bago siya ibinalot sa kumot.
Panay lang ang iyak niya.
Pinahiga siya nito at pinakalma. Nagpaalam ito na ikukuha siya nang mainit na pagkain para mabawasan ang panginginig niya.
Lumabas ito ng kanyang kwarto. Naulinigan niyang naroroon sina Cole at Jess. Kinakamusta siya na singhal lang ang isinagot ni Kevin.
"Sorry di namin alam na di siya pwedeng malamigan ng husto."ani Cole.
"From now on get away from her!"ani Kevin bago padabog na naglakad.
Nawala ang mga tinig. Para naman siyang idinuduyan sa antok ngunit di niya kayang ipikit ang mga mata dahil lamig na lamig siya.
Pagbalik ni Kevin ay kasama na nito ang Lola nila pati si Manang Lisa. Sinalat ng Lola nila ang noo niya at napaantanda ito.
"Madali ka Lisa, maghanda ka ng bimpo at malamig na tubig. Napakataas nang lagnat ni Trisha."
Nagmamadaling tumalima ang matanda. Si Kevin naman ay inilalayan siyang bumangon. Sinubuan siya nito ng kutsara na may gatas.
Wala siyang gana at panlasa. Hindi niya malunok ang mainit na likido. Masakit ang lalamunan niya.