Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
"Alam naman niyang wala tayong sarili sasakyan tapos iiwan niya tayo!" inis na wika ni Maia habang nakatayo sila sa harap ng gate. Halos magsalubong pa ang kilay nito.
"Mag-commute na lang tayo," ani Patty.
"Commute? May masasakyan ba tayo palabas ng village na 'to? Nasa dulo tayo, ang layo pa ng lalakarin natin!"
"I mean, kapag nakalabas na tayo rito, saka tayo mag-commute," paglilinaw ni Patty.
"Ayokong maglakad, 'no! Hindi mo ba nakikitang naka-heels ako? Tsaka medyo may amats na rin ako, e," giit ni Maia.
Napapakamot na lang sa ulo si Rayne at Hans sa dalawa. Ubod naman kasi ng arte itong si Maia na akala mo ay anak ng hari. Sa kanilang magbabarkada, siya lang talaga ang hindi marunong magtiis, kaunting hirap lang, reklamo na agad.
"E, bakit ka kasi nag-heels? Sana nag-flat shoes ka na lang tutal flat ka naman," biglang singit ni Hans.
"Epal ka?"
"Buti pa si Patty, may future." Natatawa pang inakbayan ni Hans ang dalaga.
"Ang manyak mo, do'n ka nga!" Agad na inalis ni Patty ang braso ng binata.
Alas-nuebe na ng gabi. At kung hindi nila tatahakin ang kahabaan ng village palabas, baka abutin lang sila ng umaga. Kung bakit ba naman kasi biglang umali si Jake, ang nakakapikon pa, hindi man lang nagsabi. Ilang ulit na rin nila itong tinatawagan subalit hindi ito sumasagot. Wala ring reply sa mga text.
Hindi nila katulad si Jake. Ito ang mas nakatataas pagdating sa antas ng pamumuhay. Kaya sa tuwing may mga lakad sila, madalas ay sa binata sila nakadepende. Rich kid ang bansag nila kay Jake, mapera ba naman, e.
"Need help?" Napalingon sila sa boses lalaking nanggaling pa sa likuran.
Walang ganang tinapunan ng tingin ni Rayne ang lalaki at saka ibinalik ang atensyon sa ibang direksyon. Nandiyan na naman kasi ang presko; si Tyron.
"Kanina ko pa naririnig na wala kayong masasakyan, gusto n'yong sumabay?" alok ni Tyron.
"Ay nako, kuya! Hulog ka ng langit!" napapapalakpak na sabi ni Maia.
"No, thanks. Hihintayin na lang namin ang kaibigan namin." Nagsalubong ang kilay ni Maia sa ginawang pagtutol ni Rayne.
"Choosy ka pa? May masasakyan na nga tayo, e! H'wag ka na umasa kay Jake!"
"Araguy! Double meaning," gatong pa ni Hans.
"Oo nga, atsaka baka tulog na 'yon si Jake, gusto ko na rin makauwi kaya sige na. Kung ayaw mo, Rayne, maiwan ka," sabat ni Patty.
"Brad, hindi naman ba nakakahiya?" ani Hans.
"Hindi naman. Pauwi na rin naman ako."
"Bait mo naman. Thank you talaga." Binigyan ni Maia ng makahulugang tingin si Tyron.
"So, let's go?"
Napabuntong-hininga na lang si Rayne. Kahit naman tumutol pa siya ay hindi rin naman siya magtatagumpay. Wala siyang ibang magagawa kundi ang sumang-ayon na lang at tiisin ang pagiging pa-cool ni Tyron.
"Sandali lang, hindi man lang ba kayo magpapaalam kay Jona?" ani Rayne.
"Hayaan mo na 'yon. Hindi rin naman natin makakausap nang maayos 'yon dahil pagdadrama ang inaatupag niya ngayon," sagot ni Patty.
Sumunod na sila kay Tyron kung saan nakaparada ang Black Montero Sport nito.
Sa likod pumuwesto si Hans, Rayne at Patty, samantalang mas pinili namang umupo ni Maia sa front seat para makatabi niya si Tyron.
"Close friend kayo ni Jona?" basag ni Tyron sa katahimikan.
"Not really. Kaklase lang namin no'ng senior highschool." Si Maia na ang sumagot.
"Dapat lang sa kanya 'yon." Nagkatinginan ang tatlo sa likod sa sinabi ni Tyron.
"What do you mean?" ani Patty.
Sandali munang napailing si Tyron at saka kinabig ang manebela bago magsalita.
"Isa ako sa mga lalaking nahulog sa kanya, biktima ako ng pagiging player niya." Bahagya pang natatawa ang binata habang abala sa pagmamaneho.
"Talaga? Grabe talaga 'yan si Jona, e. Tapos kanina iiyak-iyak siya? Ngayon alam na niya ang feeling," sabat ni Maia.
"But wait, ano bang nangyari kay Jona?" tanong ni Tyron.
"Nag-usap sila ng friend namin tapos nang bumalik umiiyak na," paliwanag ni Hans.
"A, i see."
Hindi nagsasalita si Rayne. Hindi niya trip sumali sa usapan, ewan niya ba, naaalibadbaran siya kay Tyron. Pakiramdam niya, hindi safe maging kausap ang lalaking ito. Hindi siya komportable rito kahit mukha naman itong mabait sa paningin ng mga kaibigan niya.
"How about you, Miss Rayne?" ani Tyron sa dalagang nakatingin lang sa labas ng bintana.
"Noting," tipid niyang sagot.
"Teka, magkakilala kayo?" pagtataka ni Maia.
"Oo, kanina lang. Ang sungit nga niya sa 'kin, e."
"Nako, Brad, ganyan talaga si Rayne kapag hindi niya kilala ang tao," ani Hans.
"Wait lang nga. Mahiya naman kayo, nakikisakay tayo tapos hindi man lang tayo magpakilala," ani Maia.
"Oww, anyway, ako si Hans, at itong katabi ko ay si Patty, kilala mo naman na si Rayne. At 'yang katabi moー" Naudlot ang sasabihin ni Hans nang sumingit si Maia.
"Maia nga pala. Single at malaya. Fresh at mapagmahal." Tinapunan ng dalaga ng isang matamis na titig si Tyron.
"Landi mo, Maia," sabi ni Patty pero tinarayan lang siya ng kaibigan.
"Ikinagagalak ko kayong makilala," tugon ni Tyron sa kanila.
Nagpatuloy ang usapan nila. Habang tinatahak ang daan ay kung anu-anong topic na ang kanilang napag-usapan. Para bang matagal na silang magkakakilala, gano'n kadaling nakuha ni Tyron ang loob ng magbabarkada maliban kay Rayne na hanggang ngayon ay wala man lang imik.