Chapter 53

565 46 13
                                    


Walang ideya si Jake kung saan patungo ang van na sinasakyan niya ngayon nang muli siyang magkamalay. Tanging kadiliman lang ang bumati sa kanya nang idilat niya ang kanyang mga mata dahil sa kulay itim na telang nakasaklob sa ulo niya. Saka niya lang naramdaman ang dalawang tao na nasa gilid niya nang gumalaw siya. Gusto niya sanang alisin ang nakalagay sa ulo niya subalit napagtanto niyang nakagapos pala ang kanyang mga kamay sa likuran niya.

"S-sino kayo?" tanong ni Jake at nagpumiglas pa.

Agad naman siyang sinikmuraan ng lalaking nasa kaliwa dahilan para mapahinto siya.

Mayamaya lang, biglang huminto ang sinasakyan nila. Kasunod nito ay ang pagbukas ng sliding door. Puwersahang kinaladkad si Jake ng dalawang lalaking makisig ang katawan at saka naglakad sa hindi niya alam na patutunguhan.

"H-hindi a-ako takot mamatay, m-mga gago!"

Handa na siya sa puwedeng mangyari. Pero kung tutuusin, natutuwa pa nga siya. Hindi dahil matatapos na ang mga problema niya sa buhay kundi dahil nailigtas niya ang kanyang mga kaibigan. Sa buong buhay niya, marahil iyon na ang kanyang pinakamagandang nagawa.

"Atleast, mamamatay ako dahil may kailangang mabuhay," sabi niya sa isipan.

Ilang saglit pa, narinig ni Jake na may kumalabog.

"Ipasok n'yo na 'yan!" sigaw ng isang lalaki.

Lumagapak sa pader ang katawan ni Jake nang itulak siya sa loob.

"Yari ka kay Domino mamaya," sabi naman ng isa na sinundan pa ng pagtawa.

Hindi na pinansin iyon ni Jake. Isinandal na lang niya ang pagod na likod sa pader at saka magkakasunod na paghinga ang pinakawalan.

Mapanghi at haluan pa ng amoy patay na daga ang nalalanghap niya ngayon. Hindi siya sanay sa mga ganitong lugar kaya halos masuka-suka siya. Gano'n pa man, kailangan niyang magtiis. Wala siyang pagpipilian, ito lang.

"Tama na!!!"

Isa pang tinig ang kumalabit sa isipan niya. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang boses na iyon, basta sa palagay niya ay mayroon pang bihag bukod sa kanya.

---***---

Dahil sa panghihina ay nakatulog si Jake at halos tatlong oras na iniwan ang reyalidad. Dakong alauna na ng madaling araw nang magising siya sa kulungan na kanyang kinalalagyan. Naimulat niya ang kanyang mga mata nang muling kumirot ang sugat sa noo at paa na ngayon ay natuyo na ang dugong nanggaling doon. Bahagya siyang napadaing at sinubukang gumalaw. Lumapit siya sa rehas na bakal upang silipin kung may tao ba sa labas. Wala siyang nakita roon ngunit nanatili siya sa kinatatayuan.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, muling sumagi sa kanyang isipan ang mga huling sandali na kausap niya si Rayne. Sa sitwasyong ito na tila nakadungaw na sa kanya ang kamatayan, parang may kung anong bagay ang nagtutulak sa kanya para lumaban. Ang mga sinabi ni Rayne ay tila nagbibigay sa kanya ng dahilan para mabuhay.

"Pakawalan n'yo ko rito!" sigaw niya subalit walang tumugon. Tanging boses lang niya ang kanyang narinig nang paulit-ulit dahil sa echo.

Sinubukan niyang ikuskos ang lubid na nakatali sa kamay niya sa pahalang na bakal sa rehas, subalit nabigo pa rin siyang maputol iyon. Masyadong makapal ang lubid na iyon para sa wala namang katalim-talim na bakal.

Naghanap siya ng maaaring makatanggal sa pagkakagapos niya pero sadyang nakadikit ang kamalasan ngayon sa kanya. Walang kahit ano ang makikita sa loob ng kulungan kundi ang mga plastic bottle lang at ilang lumang damit.

"Ingay mo!" Isang malaking boses ang narinig ni Jake. Nang idako niya ang tingin sa bandang pinto ay iniluwa nito ang tatlong lalaking nakaitim na halos magsiputukan na ang mga muscle sa braso.

"Bakit n'yo ba 'to ginagawa? Anong kasalanan namin sa inyo?!" tanong niya sa tatlo nang makalapit na ang mga ito.

"Huwag kami ang tanungin mo, siya," sagot ng isa. Nagsitabihan ang mga ito at isang matangkad na lalaking nakaitim din at nakamaskara ang dumaan sa gitna palapit kay Jake.

"Nice to see you again," sabi ni Domino habang nakapamulsa.

Hindi agad nagsalita si Jake. Binosesan niya ito at inaalala kung saan niya narinig ang tinig na iyon. Hindi talaga siya nagkakamali, alam niyang narinig na niya ang boses nito. Ang iniisip niya lang talaga ngayon ay kung bakit at ano ang dahilan ng lahat ng ito.

"I-ikaw nga," ani Jake na hindi makapaniwala.

"Ako nga. Unpredictable ba?" Hindi man nito tanggalin ang maskara ay batid nitong alam ni Jake kung sino siya.

"Bakit mo 'to ginagawa? Anong kasalanan namin? Ano?!" galit na galit na sigaw ni Jake sa kaharap. Kung hindi nga lang siya nakakulong ay siguradong sinuntok na niya ito sa mukha.

"Sabihin na lang nating nagkaroon ng ibang plano na bukod pa sa pinakaplano. Ang dating usapin ay nabuhay at ito'y ginawang mas makulay na pagbabalik sa pinakamababaw na rason. Mababaw na siyang nakakapagbigay kaligayahan sa akin... at sa kanya."

"Anong... anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Jake.

"Ano sa tingin mo?"

"Gago! 'Di ka magtatagumpay!"

Natatawa na lang ang mga alalay ni Domino sa gilid dahil sa tapang na pinapakita ni Jake.

"Isa lang naman ang dahilan kung bakit naririto ka ngayon... gusto kitang tulungan na maunawaan ang buhay sa paraang hindi ka mabubuhay. kaya... bye bye!" Kumaway pa ito nang dahan-dahan.

"Walang hiya ka! Pinatay mo sila! Hayop! Demonyo!"

"Kaya ka nabubuhay ay para bigyang kahulugan ang kamatayan."

Habang tumatagal ay lalong nagiging nakakatakot ang tono ng pananalita ni Domino. Ilang saglit lang ay nakita na lang ni Jake na kinuha na nito ang samurai na nakasukbit sa likuran.

"Noong bata ako, madalas akong makakita ng pusa sa kalye. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit iba ang naririnig ko kapag humuhuni sila, parang nakakarinig ako ng boses ng lalaking nagsasabi na dadalhin niya ako sa langit. Siya ba 'yong... sinasabi ninyong Diyos?" Napahalakhak pa ito.

"Dahil baliw ka! Baliw! Siraulo!"

"Diyos na sinasabing nandiyan lang? Pero nasaan siya ngayong kumakaway na sa 'yo ang kamatayan? Wala... kaya, boom!" Muling nagtawanan ang tatlo sa gilid. "Okay na sana, e. Nalaman mo na ang kahinaan ko, but still, ako pa rin ang panalo," patuloy nito.

"Kahit ano pang sabihin mo, wala akong pake sa mga kwento mo! Gago! Mamamatay ka rin! At nasisiguro kong sa impyerno ang punta mo!"

"Well. nais ko lang sagutin ang tanong mo kung bakit nangyayari ang lahat ng 'to."

Naglakad si Domino sa gilid at sumandal sa pader saka inilapag ang hawak na patalim.

"Sabi ni Dad, pinanganak daw akong parang maraming problema sa pagkatao. Isa na ro'n ay ang gusto kong may nasasaktan. Nagsimula 'yon noong aksidente kong mapatay ang alagang manok ng aking lolo. That feeling na... sa halip na kabahan ako, parang ang saya-saya ko pa?" Napapailing na lang ito.

Hindi na magtataka si Jake kung bakit ito nagkekwento ngayon. Sa palagay kasi niya, may personality disorder ang taong ito. Para nga itong isip-bata ngayon na akala mo ay narrator sa isang dulaan kung umasta.

"At kapag nangangati ang kamay ko... gusto kong pumatay." Muling hinawakan ni Domino ang patalim at saka lumapit sa harap ni Jake.

Ilang sandali lang, hinawakan nito ang maskara at akmang tatanggalin. Nanlaki ang mga mata ni Jake, kinakabahan siya sa hindi matukoy na dahilan.

"It's me..."

At tuluyan na nitong inalis ang maskara sabay binitiwan. Nakangiti ito nang nakakaloko at makikita sa mga mata nito ang labis na kasamaang binabalak.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon