Gabi na nang dumating ang pamilya ni Rayne sa kanilang bahay. Nakaugalian na rin kasi ng pamilya niya na pagkatapos dalawin ang puntod ng lola niya ay mamamasyal pa sila.
Inulan ng sermon si Rayne sa kanyang ama habang panaka-nakanang gatong naman ang kanyang ina. Maayos kasi ang pagkakasabi niya na hindi siya aabutin ng madaling araw sa valentines party na kanyang dadaluhan, subalit dahil sa hindi inaasahang pangyayari, sinikatan siya ng araw.
Matapos tanggapin ang panggigisa ng mga magulang ay nagpunta na siya sa kanyang silid. Napadako ang tingin niya sa bintana nang maalala niya si Dom at ang lasong nakatali sa kamay ni Lyka, hindi rin mawala sa isipan niya ang bukod tanging painting kung saan naroon ang mukha ni Domino.
Pinipilit niya burahin sa kokote ang mga bagay na iyon. Pero kahit anong gawin niya, unti-unti siyang nauuto ng mga ideyang hindi niya dapat pinapansin.
"Hindi 'yon puwede," bulong niya sa sarili.
Batid niyang mali ang magbintang lalo na kung walang matibay na ebidensya. Ayaw man niyang sabihin na si Dom at Domino ay iisa, ito naman ang paulit-ulit na umaandar sa kanyang utak. Lasong nasa kamay ni Lyka? Painting ng mukha ni Domino? Sapat na ba ito para idiin niya si Dom? Ewan niya. Masyado na siyang naguguluhan. Sa mga nangyari sa kanila, hindi malabong paghinalaan na rin niya si Dom.
Matagal na rin naman niyang napapansin na tila may kakaiba sa pagakatao ng binata. Hindi niya lang matukoy kung ano iyon dahil madalas ay naiilang siya rito.
"Pero kung siya nga... anong dahilan?" aniya. Muli siyang dumungaw sa bintana at tinanaw rin ang bintanang kaharap. Wala ro'n si Dom pero nakabukas iyon.
Ibinagsak na lang niya ang katawan sa kama. Niyakap niya ang unan at saka pumikit. Sa pagdilim ng kanyang paligid, naalala naman niya si Mike at Jenny.
"Kumusta na kaya ang pamilya nila?" tanong niya na mas piniling hindi pakawalan sa bibig.
Biglang bumigat ang pakiramdam niya. Bumangon siya at umupo sa gilid ng kama at tahimik lang na tumitig sa ibaba.
Sa isang iglap lang, binalot na naman siya ng pangamba.
Sinubusukan niyang alamin ang dahilan kung bakit puro mga kaibigan nila ang pinapatay. Pero, para lang siyang nagbabasa sa isang papel na walang kasulat-sulat. Wala siyang mahanap na rason. Wala.
---***---
Isa-isang nililigpit ni Mr. Domingo ang mga papel na nakakalat sa table niya sa kanyang cubicle. Pauwi na rin kasi siya sa mga oras na ito.
"Uy." Napaangat ang ulo niya at nalaman niya na si Detective Valdez pala ito.
"O, Lia, bakit?" sagot niya.
Sinuklian muna siya ng dalaga ng isang matamis na ngiti.
"Puwede bang mag-dinner tayo?" tanong ni Lia.
"Oo na 'yan. Choosy pa ba?" sabat ni Kalaw na sandaling dumaan sa likod ni Mr. Domingo.
"Ahm, okay sige," pagpayag nito.
Awtomatikong lumapad ang ngiti ni Lia sa narinig.
Pagkatapos magligpit ni Mr. Domingo ay sabay na silang lumabas ng section nila. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa ni Lia habang naglalakad sa hallway.
Bago sila makalabas ng kanilang istasyon ay naabutan nilang nakatambay sa entrance ang grupo ni Mr. Morales. Nakatingin ang mga ito sa kanilang dalawa.
Isinawalang-bahala na lang ito ni Mr. Domingo at patay-malisyang nilagpasan ang mga iyon. Subalit hindi pa man sila nakalalayo ay agad nang hinawakan ni Mr. Morales si Lia sa braso.