Iniyakan ni Jake ang balikat ni Rayne habang magkadikit ang kapwa nila katawan. Hindi niya na napapansin ang mga taong nakatingin sa kanila. Masyado siyang dinadala ng emosyon patungo sa panandaliang kawalan ng pakialam sa paligid.
Samantala, unti-unti namang lumapit si Hans sa isa pang bangkay na nasa kanan ni Mike. Hindi pa man nito natatanggal ang telang nakatakip dito ay batid na niyang babae ito.
Tumingin muna si Hans sa mga kasamahang babae, maging sa dalawang lalaki ring nasa gilid na ang isa ay naka-jacket at pantalon habang ang isa nama'y nakasuot ng mahabang damit na kulay puti.
Ginaya ni Hans ang ginawa ni Jake. Dahan-dahan niyang ibinaba ang takip sa mukha ng bangkay na babae.
"God!!!"
Napasigaw at napatalikod na lang siya nang malamang si Jenny ang babaeng nakahiga at nakapikit ngayon sa harapan nila. Wakwak ang leeg nito at ang ulo ay masasabi nang malapit nang humilaway sa katawan.
"Base sa aming pagsusuri, namatay si Ms. Manawag sa paggilit ng leeg niya. Nakitaan din namin siya ng pasa sa bandang sikmura at sugat sa paa na halatang nakatapak siya ng matulis o matalim na bagay. Samantalang si Mr. Hernandez naman ay nakitaan namin ng damage sa iba't ibang parte ng mukha niya. Nasa limampu't siyam naman ang balang bumaon sa buo niyang katawan na siyang kinamatay niya."
Lalong nanikip ang dibdib nila sa sa sinabi ng lalaking nakaputi.
"Diyos ko po, sino ba ang gumawa niyan?" tanging wika ni Patty sabay yakap kay Maia.
"Sino ang gumawa nito?! Detective, sino?!" Kumalas si Jake kay Rayne. Galit na galit niyang tinanong ang lalaking katabi ng nakaputi.
Tumingin muna ang detective sa kanila bago nagsalita.
"Lumalabas sa imbistigasyon namin na iisang tao lang ang may gawa nito. May mga ribbon din sila sa paa na may nakasulat na pangalang Domino. Katulad na katulad sa kaso ni Ms. Alcantara," pahayag ni Detective Domingo.
"Wala pa bang malinaw na impormasyon kung sino ang gumawa nito sa kanila? Pati kay Jona?" Sumingit na si Hans.
"Wala pa. Blangko pa ang kasagutan. Basta isa lang ang suspect natin, 'yong nakamaskara. Malakas ang posibilidad na kilala niya kayo. Napatunayan ko ito dahil sa sinabi ni Mr. Tolentino na muntikan na rin silang patayin kagabi."
"Paanong kilala?" patuloy ni Hans.
"Pansinin n'yo na lang, lahat ng pinapatay niya ay konektado sa inyong lahat. Malakas din ang paniniwala kong hindi lang siya basta-basta. Itinapon niya ang bangkay ni Mr. Hernandez at Ms. Manawag sa lugar kung saan maraming dumaraan na sasakyan. Ibig-sabihin, malakas ang loob niya," dagdag pa ni Mr. Domingo.
"Teka nga, detective. Wala man lang bang nag-iikot na pulis doon sa ilog?! Dapat nakita nila 'yon!" Hindi pa rin mawala ang galit sa tinig ni Jake. Gigil na gigil siya. Gusto niyang patayin din ang pumatay sa mga kaibigan niya.
"Iyon din ang pinagtataka ng team namin. Hayaan n'yo, makakaasa kayong mabibigyang linaw natin ang lahat. Mahuhuli din natin siya. Mahuhuli din natin si Domino."
Sinuntok na lang ni Jake ang dingding. Agad naman siyang inawat ni Hans at Rayne. Muli niyang tinapunan ng tingin ang kaibigang si Mike na tila natutulog lang. Magkakahalong emosyon ang namumutawi sa kalooban niya, galit, lungkot at pangamba. Gusto niyang gumanti pero hindi niya alam kung paano at kung sino ang gagantihan niya. Ito ang nakakainis kapag iniisip niya iyon. Sa ngayon, wala siyang ibang magagawa kundi ang tanggapin ang nangyari sa dalawa at maghintay sa magiging resulta ng imbistigasyon.
---***---
Dahil sa sobrang sama ng loob, humiwalay si Jake sa mga kaibigan niya. Nauna siyang umalis na hindi alam kung saan patutungo.
Samantala, magkakasama naman ang apat ngayon sa loob ng taxi. Pauwi na sila. Dahil sa mga nangyari, ngayon lamang napansin ng mga babae na hindi pa pala sila nakakapagpalit ng kasuotan.
Tahimik lang ang lahat habang pinagmamasdan ang mga nadaraanan.
Hanggang sa mga sandaling ito, naguguluhan pa rin si Rayne sa mga nangyayari. Tahimik naman ang buhay nila noon, pero mula nang mawala si Jona, kulang na lang ay sumunod sila roon. Sunod-sunod na kamalasan ang nagdaan. Kamalasang hindi nila alam kung ano ang dahilan kung bakit sa kanila pa dumidikit.
Naudlot ang pagmumuni-muni ni Rayne nang makita ang malaking karatula sa labas kung saan nakalagay ang pangalan ng kanilang barangay. Agad niyang inabisuhan ang driver para pahintuin.
"Girl, kaya mo na? O hatid ka na namin?" tanong ni Maia na lumingon pa sa likuran.
"Kaya ko na, salamat." Mararamdaman ang pagiging malamya sa sagot ni Rayne.
Nginitian na lang siya ng mga kaibigan niya. Pagkatapos ay bumaba na rin siya at saka naglakad papasok sa lugar nila.
Tirik ang araw. Mag-isa siyang naglalakad sa ilalim ng init ng tanghaling-tapat. Diretso lang ang tingin niya habang tinatahak ang kalsada. Para siyang ginahasa dahil sa itsura niya. Tulala, balisa at medyo magulo pa ang buhok dahil sa pagmamadali kanina.
Nasa tapat na siya ng basketball court nang may tumawag sa kanyang pangalan. Hindi niya iyon narinig noong una. Saka lamang siya natauhan nang may humawak na sa balikat niya.
Dahan-dahan niyang pinihit ang leeg. Nakita niya ang isang lalaking lagi na lang niyang nakakausap sa tuwing magkakasabay silang magbukas ng bintana.
"Rayne?" sambit ng lalaki.
"D-dom?" ani Rayne.
"Ano ang nangyari? Bakit ganyan ang hitsura mo?" tanong ni Dom. Humarang pa ito sa harap ni Rayne upang usisain ang mukha ng dalaga.
"W-wala. Puyat lang," pagkakaila niya. Pinagpatuloy na lang niya ang paglalakad.
"Ihatid na kita," sabi pa ng binata at sinabayan siya sa paglalakad.
"Salamat." Sandali niya pang tiningnan si Dom. May napansin siyang pasa sa kaliwang pisngi ng binata na siyang nag-udyok sa kanya para siya naman ang magtanong.
"B-bakit?" pagtataka ni Dom.
"Anong nangyari sa mukha mo?" tanong naman ni Rayne at muling itinuon ang mga mata sa dinaraanan.
"A, e, ano, wala 'to. May nakaalitan lang kanina sa court," nag-aalangang sagot nito.
"Nakipag-away ka?" ani Rayne. Naramdaman niyang huminga pa nang malalim si Dom bago sumagot.
"Hindi ako lumaban. Magagantihan ko rin naman siya sa tamang oras. At kapag nangyari 'yon, sisiguraduhin kong iyon na ang huling araw niya."
Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Dom na ikinalito naman ni Rayne. Bigla siyang kinabahan sa hindi malaman na dahilan.
"Joke lang. Masyado ka kasing seryoso. Ano bang dinadala mo? May namatay ba?" dugtong pa ni Dom.
Huhupa na sana ang kabang nadarama ni Rayne nang sabihin nitong isang biro lang iyon, subalit mukhang mas lalong nadagdagan pa. Nagsumiksik na naman kasi sa utak niya ang karumal-dumal na sinapit ng mga kaibigan niya.
Nanginig ang mga labi niya. Tumulo na ang mga butil ng pawis na hindi init ang dahilan kundi ang labis na takot. Takot sa tuwing sasagi sa isipan niya ang taong nakamaskara na nais pumatay sa kanila.
Hinawakan siya ni Dom sa magkabilang balikat. Muli nitong tinitigan ang mukha niya. Napapapikit na siya na sinasabayan pa ng pagkahilo. Hindi nagtagal, tuluyan na siyang sinalo ng dibdib ng binata. Nawalan na siya ng malay.