Chapter 20

744 50 9
                                    


Makalipas ang anim na araw.

Hindi pa rin lubos na malinaw ang ibang mga detalye sa imbistigasyon na isinasagawa ng mga detective. Marami na silang nalaman sa pagkatao ni Jenny Manawag, napatunayan nilang hindi nga ito basta-basta pagdating sa antas ng pamumuhay. Mabait at masipag sa pag-aaral ang dalaga base sa mga impormasyong nakolekta nila sa iba't ibang taong nakasalumuha nito. Sa pagiging masayahin daw nito ay tila hindi nito alam kung paano magalit. Ganito siya inilarawan ng mga kakilala niya. Pero, hindi pa rin naaalis sa isipan ng mga detective ang maaaring kaugnayan nito sa killer, kaya hanggang ngayon, patuloy nilang hinahalukay ang lahat ng puwedeng makapagpalinaw sa kaso. Hindi rin isinantabi ng team nila Mr. Domingo ang anggulong may kinalaman din ang nobyo ng dalaga na si Mike Hernandez. Kinalkal din ang pagkatao nito. Ngunit katulad ng dalaga, hindi na rin ito makita ng mga pulis.

Nakuha na rin nila Mr. Domingo ang resulta ng autopsy. Tama nga ang isinalaysay ng witness na si Mhy San Lazaro na ngayon ay nasa ilalim ng Witness Protection Program. Nagkaroon ng pasa sa bandang sikmura ang biktima at tatlong bukol sa ulo na dulot ng pagsuntok ng suspect. Malalim din ang pagkakabaon ng kutsilyo sa leeg na talagang siniguradong mamamatay ang biktima.

Mula Canada ay nakauwi na rin ng Pilipinas ang mga magulang ng kaawa-awang si Jona. Halos atakihin sa puso ang mga ito nang bangkay na nilang maabutan ang anak. At ngayon, tanging abo na lang ng dalaga ang hawak-hawak nila habang nakatingin sa larawan ng itinuring na nilang prinisesa.

Binalot naman ng kalungkutan ang ilang malapit sa buhay ni Jona, mga close friend at mga naging kaklase. Biglaan ang nangyari, ang masakit pa, brutal ang pagpatay.

Samantala, sa kabila ng mapait na nangyari kay Jona ay hindi pa rin nagpapigil ang selebrasyon na taon-taon ay isinasagawa ng batch nila noong senior high. Nagkalat ang mga korteng puso sa venue at siyempre ay hindi pahuhuli ang mga kulay pulang bulaklak sa gilid-gilid. Mas maraming dumalo ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Marahil ay mas dumami na rin talaga ang nagkainteres sa buhay pag-ibig. Kanya-kanyang kasuotan ang lahat, magkakaibang porma maipakita lamang ang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng araw ng mga puso. Marami ring pakulo ang inihanda para sa gabing ito. At ang valentines party na ito ay pakana lahat ng pinakamayaman nilang kaklase na si Maria Licentria na anak ng isa ring bigating negosyante. Halos apat na taon na nila itong pinagdiriwang. Ang layunin ni Mariaーfor fun. Wala na sigurong magawa sa yaman.

Bago nag-umpisa ang program ay nag-alay muna ng isang panalangin ang lahat para sa namayapa nilang ka-batch na si Jona. Habang nagdadasal ay napapaiyak pa ang iba.

Ilang sandali pa, muling humataw ang pinaghalo-halong tugtog at ang iba't ibang kulay ng ilaw na siyang tumatama saan mang sulok ng bar.

Nagsayawan ang mga tao sa gitna samantalang nanatili lang sa isang table si Rayne at Patty. Halata naman sa mukha nila na nabo-boring silang panoorin ang mga feeling malalambot ang katawan na nasa dance floor.

Itinukod na lang ni Rayne ang kaliwang siko sa lamesa at saka dumampot ng ilang piraso ng chips.

"Tsura ng mga 'to, mukha namang mga robot sumayaw." Unang nagsalita si Patty habang salubong ang kilay.

"Pabayaan mo sila, trip nila 'yan," walang ganang sabi ni Rayne. Hindi naman masyadong malakas ang music kaya nagkakarinigan pa rin sila.

"Sandali nga, nasaan na ba sila Hans at Jake?" tanong ni Patty matapos uminom ng orange juice.

"Papunta na 'yon, sana maisama ni Hans si Jake para kumpleto tayo," ani Rayne.

"Sus. Kumpleto tayo o kumpleto gabi mo?" panunukso ni Patty sa kanya.

"Gusto ko lang siya makita. Siyempre na-miss ko rin 'yon kahit ang sungit-sungit sa 'kin no'n. Huli ko siyang nakausap no'ng birthday pa ni Jona." Isang pilit na ngiti lang ang pinakawalan niya.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon