Chapter 41

585 38 6
                                    


Alas-siyete na ng umaga nang makalabas si Mendes ng ospital. Dinumog siya ng media at inulan ng mga katanungan. Ni hindi na rin niya nasagot ang lahat ng iyon at mas piniling sumakay na lang sa kotseng nakaabang sa kanya.

Pagdating niya sa istasyon ay dumiretso siya sa opisina ni Chief Lagman. Kumikirot-kirot pa ang kanyang balikat nang pumasok siya roon.

Umupo siya sa harap ng hindi pa naman katandaang lalaki na seryosong nakatingin sa kanya. Mukhang alam na niya ang sasabihin nito subalit hinihintay niya pa ring sa bibig mismo nito manggaling ang mga naiisip niya.

"Mendes..." Umayos ito ng pagkakaupo. "kaugnay sa nangyari ang sasabihin ko."

"Ano po 'yon, Chief?"

Huminga nang malalim si Chief Lagman.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Dahil sa nangyari, naisip kong ipasa sa ibang istasyon ang pagha-handle ng kaso nina Ms. Alcantara, Ms. Manawag at Mr. Hernandez."

Awtomatikong nagsalubong ang kilay ni Mendes sa kanyang narinig. Tutol siya roon, hindi siya makapapayag na mapunta ang pinaghirapan nila sa iba.

"Pero, Chief! Hindi 'yon puwede. Nandito pa ako," buwelta niya.

"Mag-isa ka na lang, Mendes. Kakayanin mo ba 'yon? Kung apat nga kayo ay nahihirapan kayo, ikaw pa kayang walang kasama? Tsaka, tingnan mo nga ang sarili mo," dagdag pa nito.

Muling sumakit ang balikat ni Mendes nang piliting magpanggap na hindi hadlang ang sugat niya sa balikat.

"Naumpisahan na namin ito, Chief. Hindi naman gano'n kadaling ipasa na lang ito sa iba, tsaka, malapit na naming mahuli ang suspect, hinahanap na lang."

"Iyon nga, tutal kaunting tiis na lang ay matatapos na ang kasong hawak ninyo, mas mainam na ipasa na lang natin sa iba kaysa maudlot pa. Hindi mo kakayanin na isa ka lang. Nag-aalala rin ako sa 'yo kaya mas mabuting magpahinga ka muna, bibigyan kita ng sapat na panahon para magpagaling."

"Pero Chief! Daplis lang naman 'to, e!"

"Mendes... huwag ka nang makulit. Ang kailangan ko ay ang solidong pagtatrabaho. Hindi iyon kayang gawin ng isang may diperensya. But don't worry, kapag nahuli na ang suspect, hindi masasayang ang pinaghirapan ninyo dahil sa inyo naman ike-credit."

"Chief naman!"

"Sige na. Mag-stay ka muna sa family mo at magpagaling. Mag-a-assign din ako ng tatlong pulis para sa seguridad mo," ani Chief Lagman.

Wala nang nagawa pa si Mendes. Napapailing na lang siya at walang ganang tumayo. Labag talaga sa kalooban niya ang desisyon ni Chief Lagman. Hindi naman mahalaga sa kanya kung kanino ike-credit ang achievement kung sakali. Mas gusto niya lang talaga tapusin ang kanilang nasimulan, at nais niya rin sanang ialay ang tagumpay sa dalawang kasamahan na namayapa.

Lumabas siya ng opisina nang lugmok. Muli niyang naalala si Careon at Kalaw at tila hanggang ngayon ay naririnig niya pa ang mga tinig nito kagabi habang magkakasama sila.

Napasandal siya sa dingding at saka yumuko. Pinunasan niya ang kaunting luha na nagbabadyang bumagsak mula sa kanyang mga matang namumugto.

Naglakad siya patungong CR, doon na lamang niya ilalabas ang sama ng loob. Pagpasok niya roon ay dali-dali niyang sinipa ang isang pinto. Sinundan iyon ng pag-iyak at mangilan-ngilang pagmumura.

Ngayon niya na lubusang nadarama ang sakit ng mawalan ng tatlong kaibigan na itinuring na niyang kapatid. Sa tagal na niyang kakilala ang mga iyon, hindi maikakaila na naging bahagi na rin ang mga iyon ng buhay niya. Kung alam niya lang na mangyayari ito ay pinigilan na sana niya.

Naitukod na lang niya ang kaliwang kamay sa pader at saka tumitig sa ibaba. Napahinto siya sa pag-iyak nang may makita siyang mga bakas ng mga paa na nakasapatos. Base sa nakita niya ay nasisiguro niyang marumi ang sapatos ng kung sino man ang nagmamay-ari ng mga bakas na ito. At mukhang hindi pa nakakapaglinis ang janitor dito. Minsan lang din kasi gamitin ang CR na ito kaya ilang araw pa ang lumilipas bago ito pagtuunan ng naglilinis. Subalit, hindi na pinansin ni Mendes iyon at nagpasyang lumabas na lang.

---***---

Kumagat na ang dilim, nagsikain na ang lahat pero si Maia, maghapong nagmukmok sa kanyang silid habang walang sawang iniiyakan ang yakap-yakap na unan. Hindi siya nakakaramdam ng gutom, sa halip, puro pag-aalala at lungkot lang ang naghahari sa buo niyang pagkatao.

Hanggang sa mga sandaling ito ay umaasa pa rin siyang magre-reply si Tyron sa halos limampung mensahe na ipinadala niya.

"Anak! Kumain ka na!" Ito na ang pang-walong balik ng kanyang ina pero hindi man lang niya ito pinagbubuksan ng pinto.

"Pumunta ka lang sa kusina kapag nagutom ka na, a!" dugtong ng ina niya.

Katulad ng ginawa niya buong araw, inisa-isa na naman niyang tingnan ang mga larawan nila ng binata. Habang ini-slide niya pakaliwa ang daliri sa screen ng cellphone ay sumisinghot-singhot pa siya.

"I miss you..." tanging bulong niya sa sarili niya.

Muli, rumagasa na naman ang masagana niyang luha sa kanyang magkabilang pisngi. Binitawan niya ang cellphone sabay takip ng mga palad sa mukha.

Tumagal ng halos dalawang minuto ang pag-iyak niya. Nahinto lang ito nang marinig niya ang kanyang ringtone. Hindi na sana niya uusisain iyon dahil batid niyang sila Rayne lang naman ang nag-text pero tiningnan niya pa rin iyon.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang mabasa ang pangalang kanina niya pa nais masilayan. Agad niyang dinampot ang cellphone at binasa ang mensaheng pinadala ni Tyron.

"Punta ka ngayon sa Ermita, dito sa Carmona Building, nandito ako. Hihintayin kita."

Bumilis ang tibok ng puso ni Maia. Magkahalong kaba at pagkasabik ang naramdaman niya sa mga oras na ito.

Natataranta niyang binuksan ang cabinet at kumuha ng masusuot. Hindi na siya naghilamos pa at nag-ayos ng mukha. Wala na ring suklay-suklay.

Pagkatapos niyang kunin ang wallet ay agad siyang lumabas ng kuwarto.

"O! Saan ka pupunta, anak?" nagtatakang tanong ng ina niya nang makasalubong ito sa hagdanan.

Hindi niya iyon sinagot, patuloy lang siya sa pagmamadali at saka mabilis na umalis ng bahay.

---***---

Pumara ng taxi si Maia. Walang ano-ano'y sumakay siya at buong pag-asang sinabi sa driver ang patutunguhan niya.

"Manong, sa Carmona Building po, sa Ermita! Pakibilis po!"

Nalilito siyang tiningnan ng driver.

"Ano pong gagawin n'yo roon, Ma'am?"

"Huwag ka na pong magtanong! Kailangan ko makita ang boyfriend ko!"

"Matagal na pong sarado ang Carmona Building, Ma'am, sigurado po kayo?"

Tila ba wala na siyang pakialam sa sinasabi ng kanyang kausap. Mas naririnig niya pa yata ang pagwawala ng puso niya sa sobrang kasabikan.

"Basta ihatid n'yo na lang po ako ro'n!"

Naguguluhan man ay sinunod na lang ng matanda ang kanyang gusto. Katulad ng utos ni Maia, pinatakbo ng driver ang taxi na parang may buhay na dapat sagipin.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon