Chapter 17

688 45 2
                                    


Inihatid na si Jake sa lugar kung saan siya unang binitbit ng mga pulis. Nagdadalawang isip siyang pumasok sa loob ng bahay nila. Nakatayo lamang siya sa harap ng gate nila habang nagtatalo ang puso't isipan niya.

Hindi pa siya nakaka-move on sa nangyaring imbistigasyon kanina. Malakas naman ang kutob niya na hindi pa nakakaabot sa ama niya ang tungkol doon pero may kung anong pumipigil pa rin sa kanya. Hindi siya mapakali. Pakiramdam niya ay may mangyayaring hindi maganda kapag pumasok siya sa loob.

Hindi na siya nakatiis. Patay-malisya siyang pumasok at dahil wala namang tao sa pool area ay dumiretso na lang siya sa sala. At doon, naabutan niya ang kanyang ama't ina na abalang nakatutok sa laptop ang mga mata. Nasa pinto pa lang siya ay nakikita na niyang hinahagod sa likod ng ina niya ang kanyang ama.

"Mom? Dad?" bungad niya sa dalawa.

Napatingin sa kanya ang mga ito. Nag-aalalang tumingin sa kanya ang inang si Mrs. Carmen habang mahigpit ang pagkakahawak sa kamay ng asawa.

"Panoorin mo 'to!" Nabigla si Jake nang sumigaw si Mr. Rojelio. Galit na galit at tila kaunti na lang ay ibabato na ang laptop. "tingnan mo 'yan! Hayop ka!" dagdag pa ng ama niya.

Hindi niya alam kung bakit ito nagagalit. Wala siyang ideya. Alam na kaya nito ang pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Jona?

Para makasiguro, natatakot man sa ama ay pinanood niya pa rin ang nasa laptop. Mula roon ay nakita niya ang dalawang lalaking nasa gitna ng traffic na halos magsuntukan na. At ang isa roon ay siya.

Naalala na niya ito; ang araw na napikon siya sa sobrang bagal ng pag-usap ng mga sasakyan. Mas lalo pa siyang nahiya sa ama niya nang mabasa ang nakalagay sa caption ng video.

"Anak ni Rojelio Tolentino, tarantado." Iyan ang nabasa niya roon.

Kinuha ni Mr. Rojelio ang laptop at saka buong galit na binato sa sahig. Agad itong lumapit kay Jake at saka nagpakawala ng dalawang suntok sa kaliwang pisngi ng binata.

"Rojelio! Tama na!" Sinubukang awatin ni Mrs. Carmen ang asawa.

"Wala ka nang ibang ginawa rito kundi magdala ng kahihiyan sa pamilya natin! Sinisira mo talaga ang image ko sa mga tao, ano?!" Kinuwelyuhan nito si Jake at saka puwersahang isinandal sa likod ng pinto.

"D-dad, sorry!"

"Tama na! Please. Rojelio!" Nakakuha ng tiyempo si Mrs. Carmen para hilahin palayo si Mr. Rojelio.

"Wala ka talagang kuwenta! Kapag ako tuluyang nasira sa mga tao, ewan ko lang kung anog magawa ko sa 'yo!"

Hindi na napansin ni Jake na unti-unti nang bumagsak ang mga luha niya. Napapalunok siya at tila dinudurog ng mga salita ni Mr. Rojelio ang kanyang puso. Naramdaman na naman niya, pinamukha na naman sa kanya kung gaano siya kawalang silbi sa pamilya nila.

"Akin na ang wallet mo!" ani Mr. Rojelio.

"D-dad, b-bakit?" tanong niya.

"Para pagdusahan mo ang mga katarantaduhan mo, magutom ka. Ipaparanas ko sa 'yo ang pakiramdam ng walang pera!" Hindi na niya pinigilan ang kanyang ama. Hinayaan na lang niya ito nang puwersahang dukutin sa bulsa niya ang pitaka, hindi pa nakontento, isinama pa pati ang susi ng kotse.

"Rojelio naman! Anak mo si Jake!"

"Wala akong anak na tanga, bobo at walang kuwenta!" dagdag pa nito. Kukunin na rin sana nito ang cellphone ni Jake subalit pumagitna na si Mrs. Carmen sa kanila.

"Rojelio, please, hayaan mong magpaliwanag ang anak natin."

"Hindi na, Mommy. Tama naman si Daddy, e. Wala akong kuwenta kasi lagi ko na lang dinudumihan ang gintong imahe niya." Muling nag-alburuto ang ama niya.

"Gago! Mabuti pa umalis ka na sa
pamamamahay na 'to!"

"Sige, Dad, aalis na ako rito. Sana lang, mapasaya kayo ng pagiging mabuting konsehal ninyo... pero hindi mabuting ama." Hindi na niya hinintay na bumuwelta pa ang kanyang ama. Naglakad siya palabas, tinangka pa nga siyang pigilan ni Mrs. Carmen subalit hindi niya iyon pinansin.

Ilang beses niyang pinagtatadyakan ang gulong ng kotse niya dahil sa labis na sakit ng mga salitang natanggap niya. Kulang na nga lang ay basagin na rin niya ang salamin.

Masakit, sobra. Mukhang mas malala pa yata ang tila mga nakakamatay na salitang tinusok sa puso niya.

"Bullshit! Fuck!" Hindi na niya napigilan pa ang sarili at sinuntok na rin niya ang unahang bahagi ng kanyang sasakyan.

Talagang kumapit sa kanya ang kamalasan. Puro problema ang dumikit sa kanya ngayon. Noong una, nabigo siya kay Jona, pangalawa, namatay naman ang dalaga at nasangkot siya, pangatlo, ito na nga. Tinatakwil na siya ng ama niya.

Wala na siyang ibang nagawa. Kinuha na sa kanya ang lahat maliban sa cellphone niya. Mukha siyang baliw na nakatulala habang naglalakad palayo ng bahay nila. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Basta't ang gusto niya lang sa ngayon ay ang makalayo sa lugar kung saan siya laging inilulubog ng taong isa sa dahilan kung bakit siya nasa mundo ngayon.

^~(^,,^)~^

Napabangon sa kinahihigaan si Hans nang mabasa niya ang private message ni Jake sa messenger. Kanina pa siya nakahilata sa kama niya habang binabasa ang description sa larawan ng isang babaeng pinatay kagabi lang. Maging siya ay hindi rin makapaniwala, ilang kakilala na nila ang nagsabing totoong wala na si Jona pero hanggang ngayon ay nagtataka pa rin siya kung paano at bakit.

Umupo siya sa gilid ng kama niya at saka binasa ang private message ni Jake sa kanya.

"Hans, puntahan mo ko rito sa waiting shed sa tabi ng super8, bilisan mo kailangan ko ng tulong mo, malapit sa school natin."

Nagkasalubong ang kilay ni Hans.

"Sige. Pero bakit? Buti naman nagparamdam ka na," reply niya subalit naka-offline na si Jake.

Kilala niya si Jake. Hindi nito ugali ang magbiro o mang-good time kaya malakas ang kutob niya na talagang kailangan siya ng kanyang kaibigan.

Tumayo na siya at saka nagpalit ng damit. Wala nang ligo-ligo, ni hindi na rin siya nakapagpaalam sa mga magulang niyang abala sa panonood ng drama.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon