Tila bumaba ang lebel ng emosyon ni Jake. Napabuntong hininga siya. Kaya niya kayang sabihin ang dahilan kung bakit niya niligawan si Jona? Kaya niya kayang tiisin ang kahihiyan? Dapat kayanin niya, dahil kung hindi, siya ang madidiin.
"Si Jenny Manawag, siya ang may
malaking galit kay Jona. Noon pa man, type na ng boyfriend ni Jenny si Jona. Ang boyfriend niya ay si Mike. Nilandi ni Jona nang sabihin ko sa kanya na type siya ni Mike. Mahal naman ni Mike si Jenny pero dahil hindi niya maibigay ang gusto ng boyfriend niya, naghanap si Mike ng matitikman," salaysay ni Jake.Walang imik si Mr. Domingo. Samantala, nagkakatinginan naman sa labas ang mga kasamahan niya.
"October 8, 2016, gabi noon. Dahil pareho kaming mapaglaro ni Jona at ako ang mas nakakakilala sa kanya, nakiusap si Mike sa akin na gawan ko ng paraan na magkaroon sila ng time, kahit isang gabi lang. Tarantado ako noon, sinunod ko ang gusto niya dahil matalik kaming magkaibigan ni Mike. Pareho ko silang kaklase noong senior high, maging si Jenny. At 'yon na. Successful ang plano. Natupad ang gusto ni Mike, nagkasama sila sa iisang kuwarto ni Jona nang gabing iyon. Ako, ako ang tumulong na maisakatuparan 'yon dahil sa condo unit ko nangyari 'yon." Tinitigan niya si Mr. Domingo. Konsensya, ito ang bigla na lang namutawi sa kalooban niya. Ngayon niya lang napagtanto na gano'n pala siya katarantado noon.
"Tapos? Anong connect ng panliligaw mo kay Jona?"
"Matapos ang gabing iyon, kinabukasan ay nag-text sa 'kin si Jenny. Ini-invite niya ako sa condo unit niya, naroon din si Mike ng mga sandaling 'yon. Anniversary pala nila. Hindi ko alam kung bakit sa dami naming magkakaibigan ako lang ang inimbitahan niya. Ang hindi ko alam, may pakay pala siya sa 'kin. Nag-inom kaming tatlo. Hindi pa namin nauubos ang isang bote, nahihilo na kaming dalawa ni Mike. Hindi ko alam kung bakit pero parang may nilagay siyang kung ano. Nagising ako sa unit ni Jenny umaga na. Pag-uwi ko, doon na nagsimula ang pangba-blackmail niya sa 'kin..."
Natigilan si Jake nang maalala ang bagay na ginagamit sa kanya ni Jenny para gipitin siya. Masabi niya kaya?
"Paano ka niya bina-blackmail?" tanong ni Mr. Domingo.
Huminga muna si Jake nang malalim. Wala siyang choice kundi ang sabihin, ito lang ang paraan para malinis ang pangalan niya. Wala nang hiya-hiya, bahala na.
"Hindi ko namalayan na habang tulog kami ni Mike, kinalkal niya ang cellphone ko. Hindi ko rin maalala kung paano niya nahulaan ang password ng phone ko. Noong una akala ko, mga text messages lang namin ni Mike ang pakay niya. Matagal na rin kasi siyang may hinala na may ginagawa kaming kalokohan ni Mike. Pero, hindi lang pala ang mga texts namin ang nakuha niya. Pati 'yong..."
Muli siyang tumingin kay Mr. Domingo.
"Ano?"
"Mga nude pictures ko..."
Nagkasalubong ang kilay ni Mr. Domingo.
"Nude pictures? Bakit ka may mga gano'n?"
"Kailangan ba talagang alamin ang dahilan?"
"Oo, lahat ng sasabihin mo ay makakatulong."
"Wala. Wala lang. Kapag boring ako, gano'n. Nagse-selfie ako sa sarili ko nang nakahubad." Nilakasan na lang ni Jake ang loob niya.
"Ang sinasabi mo ngayon, bina-blackmail ka ni Ms. Jenny Manawag kaya mo niligawan si Jonalyn Alcantara, tama ba?" ani Mr. Domingo.
Tila nabunutan ng tinik si Jake. Nabawasan na rin nang kaunti ang kaba na kanina lang ay naghahari sa buong pagkatao niya.
"Oo. Ako ang gusto niyang gamitin para makaganti kay Jona. Hindi ko alam trip ni Jenny kung bakit gusto niyang maging kami ni Jona samantalang ang habol niya naman ay makaganti. Basta ang sabi niya, ilalabas niya raw ang mga nude pictures ko kapag hindi ko nagawa ang step 1 to 3."
Lalong tumaas ang interes ni Detective Domingo sa kasong hawak niya ngayon dahil sa mga sinasabi ni Jake. Hindi pa naman siya lubos na nakukumbinsi sa mga sinasabi nito. Pero may parte ng utak niya na nagsasabing totoo ang mga sinasabi ni Jake. Alam niya rin naman ang kilos ng taong nagsisinungaling kaya kayang-kaya niyang alamin kung nag-iimbento lang ba ng kuwento itong si Jake. Subalit, sa halos mag-iisang oras na nilang usapan, never niyang nakita si Jake na umiwas ng tingin sa kanya. Eye to eye contact, at bawat sabihin nito ay talaga namang buo at ramdam ang kumpyansa.
"Ano ang mga step na 'yan?"
"Ang step 1, kailangan kong ligawan at pasagutin si Jona. Hindi pa niya sinasabi ang step 2 at 3 hangga't hindi pa nagiging kami ni Jona. Kaya wala akong choice, kundi ang sundin siya. Alam niya kasing takot akong madungisan ulit ang pangalan ni Daddy kaya tinatakot-takot niya ko."
Muling umandar ang pagtataka sa isip ni Mr. Domingo. Para sa kanya, hindi reasonable ang gano'ng paraan para makaganti.
"Ang step 1 ay kailangan mong ligawan si Jonalyn Alcantara at paglaruan?" tanong ni Mr. Domingo. Umiling naman dito si Jake.
"Hindi. Never kong pinaglaruan si Jona, ang pakay ko lang sa kanya ay mapasagot siya pero wala akong intensyon na laruin ang damdamin niya. Hindi kami talo. No choice lang ako," matatag na sagot ni Jake.
"Hindi ba't parang ang awkward isipin na panliligaw ang gagamitin niyang pangganti?"
"Iyon din ang iniisip ko. Pero sa palagay ko, may mas mahirap siyang ipapagawa sa 'kin sa mga susunod na step, wala akong ideya. Sumusunod lang ako."
"Gaano ka na niya katagal ginigipit?"
"Halos mag-aapat na buwan na rin ngayong February."
Sandaling tinapunan ng tingin ni Mr. Domingo ang mga kasamahan sa labas.
"Maniwala kayo sa 'kin. Alam kong nakapagtataka ang mga sinasabi ko pero ito ang totoo. Hindi ako ang pumatay kay Jona, kung meron mang maaaring makagawa no'n, si Jenny 'yon. K-kung gusto n'yo, makikipagtulungan ako malinis ko lang ang pangalan ko."
"Paano mo mapapatunayan ang sinasabi mong pangba-blackmail ni Jenny Manawag?"
Sandaling may dinukot si Jake sa bulsa niya.
"Wala na ang conversation namin sa dati kong phone dahil nawala 'yon pero meron kaming usapan sa facebook account ko," ani Jake habang may hinahanap sa cellphone niyang bagong bili.
Mayamaya lang, iniabot na ni Jake ang cellphone niya kay Mr. Domingo.
"Maikli lang 'yan, nandiyan ang ilang usapan namin kasama na ang nude pictures ko."
Inumpisahan na ni Mr. Domingo ang pag-scroll down. Gaya nga ng sinasabi ni Jake, naroon nga ang pag-uusap nila ni Jenny. Ilang sandali pa, narating na ng detective ang huling bahagi ng usapan nila. Nakita niya ang tatlong malalaswang larawan ni Jake. Napapailing na lang siya sa mga nalalaman niya. Pero, isang bagay ang muling nakapagpaisip kay Mr. Domngo; ang pangalan. Hindi kasi Jenny Manawag ang nakalagay sa conversation.
"Bakit Santa ang pangalan dito?" tanong niya kay Jake.
"Sinabi niyang palitan ko ang pangalan niya sa chat at maging sa text. Sinabi niya 'yon no'ng magkausap kami sa phone," ani Jake kay Mr. Domingo.
"I-screenshot mo 'to at ibigay mo sa team namin," ani Mr. Domingo.
"Handa akong makipagtulungan sa inyo. Mahalaga rin sa 'kin si Jona. Hindi ko 'yon kayang gawin sa kanya. Kung gusto ninyong puntahan ang Melodream Bar, sasama ako. Para hindi ninyo isiping magtatago ako."
Bilib din ang detective sa fighting spirit nitong si Jake. Pakiramdam tuloy ni Mr. Domingo ay wala naman talaga itong kaugnayan sa lahat ng nangyayari. Pero dahil kailangan nilang makasiguro, dapat ay pulido at kongkreto ang mga detalyeng makapagsasabi na hindi salarin si Jake, kaya hanggang sa mga sandaling ito ay nananatili pa ring persons of interest itong si Jake.
Dahil sa mga impormasyong inilahad ni Jake ay lalong nasabik si Mr. Domingo na matuklasan at mahuli ang kung sino man ang walang hiyang kriminal na pumatay sa biktima.