Chapter 8

1K 60 11
                                    


February 7, 2017 | Tuesday 10:26 PM

Binulabog ng isang krimen ang parking lot. Ang dating tahimik na Santa Monica Village ay nabalutan ng misteryo. Nagkumpulan ang mga tao at ilang grupo ng media, ang iba'y napapatakip sa bibig dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng biktima, ang iba naman ay nagbubulong-bulungan at paniguradong may mga sari-sariling haka-haka.

Isang babae ang natagpuang patay sa gilid ng kotseng asul. Nakatihaya ito at nakasuot ng maikling palda at simpleng sando na ngayon ay nabahiran na ng pulang likido.

Dahil sa insidenteng ito, agad na dumating ang mga pulis kasama ang isa sa mga pinakakilalang detective dito sa Maynila. Si Mr. Domingo. Marami na itong nalutas na kaso, hindi na nga niya mabilang sa daliri. Hindi maikakaila na talagang batikan na ito sa pag-iimbistiga. Sa pitong taon niya sa Homicide division, hindi pa niya naranasang pumalya. Kapag may mga ganitong kaso ay siya agad ang hinahanap, kung minsan nga ay kinaiinggitan na siya ng ibang pulis, dahilan para malagay ang buhay niya noon sa alanganin. Pero dahil mahal niya ang tungkulin, patuloy pa rin niyang sinusuot ang bawat misteryo sa likod ng mga kasong pagpatay.

Bahagyang umupo si Mr. Domingo sa gilid ng biktima. Kitang-kita niya ang natuyong dugo mula sa malaking hiwa sa leeg ng babae. Masuri niya itong pinagmasdan. Napapailing na lang siya sa hitsura ng biktima, halatang hindi nito tanggap ang pagkamatay base sa mga kamao nitong nakasarado.

"PO3 Perez," tawag ni Mr. Domingo sa isang pulis. Agad naman itong lumapit.

"Halughugin ninyo ang kotse na 'yan, baka may makalap tayong impormasyon diyan," ani Mr. Domingo sabay turo sa kotseng asul.

Batid ng Detective na pagmamay-ari ito ng biktima dahil sa susing nakalapag sa tabi nito at sa pinto ng kotse na nakabukas nang kaunti. 

Sinunod ni PO3 Perez ang utos kasama ang ilang mga pulis. Samantala, muling ibinalik ni Mr. Domingo ang atensyon sa bangkay.

Ngayon niya lang napansin ang pulang laso na nakatali sa kaliwang paa ng babae. Nakuha nito ang interes niya kaya mabilis niyang isinuot ang kulay puting guwantes.

Tinanggal niya ang pagkakatali ng laso at may nabasa siyang nakasulat mula roon na Domino.

Naningkit ang mga mata niya. Pagkatapos ay dumukot siya sa bulsa ng kapirasong plastik at doon maingat niyang isinilid ang pulang laso.

"Sayang, kagandang babae pa naman," bulong ni Mr. Domingo sa sarili habang nakatitig sa mukha ng babaeng wala nang buhay. "teka..." dagdag pa niya. Tila nagkaroon ng ilaw sa ulo niya nang mapuna ang namamagang mata ng biktima.

"Ilang araw na siyang umiiyak? Family problem o broken hearted?"

Iyan ang palagay niya. Kung isa nga sa mga sinabi niya ang dahilan, ano naman ang konesyon nito sa pagkamatay ng biktima.

Medyo buhol-buhol pa ang mga ideyang pumapasok sa utak niya. Napagtanto niyang mas applicable ang suicide para sa isang taong problemado, ngunit, halata namang murder case ito.

Nakakalito. Pero para kay Mr. Domingo, walang sikretong hindi sumisingaw kaya hindi niya ito titigilan.

Samantala, sa kalagitnaan ng eksena, isang matandang babae na nakasuot pangkatulong ang bigla na lang nagpumilit na makalapit sa biktima. Umiiyak ito at bakas sa mga mata ang labis na pagdurusa. Agad naman itong pinigilan ng mga mga pulis.

Tumayo sa pagkakaupo si Mr. Domingo at tinapunan ng tingin ang matandang halos himatayin na sa nerbyos.

"A-alaga k-ko 'yan!" Halos mautal-utal pa ang matanda dahil sa pangingibabaw ng kanyang paghikbi.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon