"N-nandiyan na naman siya," pabulong ngunit punong-puno ng takot na sabi ni Rayne.
"Umalis na tayo!" ani Hans.
Hindi na sila nagsayang ng oras at sinimulan na rin nilang tumakbo. Kahit hirap na hirap si Jake ay pinilit niyang sabayan ang mga kasama dahil hindi siya puwedeng maging pabigat. Maaabutan sila kapag nagkataon.
Habang tumatakas ay nilingon pa ni Patty ang nilalang na ngayon ay tumatakbo na rin palapit sa kanila at iwinawasiwas ang patalim na hawak.
"Saklolo!" sigaw ni Hans subalit wala pa ring tumutugon sa kanila.
Hindi nila alam kung anong klase ng lugar ang kinalalagyan nila ngayon. Basta ang nakikita lang nila ay ang mga nakasaradong tindahan na mahahalata ang kalumaan.
Napahinto sila nang makita nilang napaluhod si Jake. Hawak-hawak pa rin nito ang dumudugong ulo senyales na ito ay dumaranas pa rin ng pagkahilo.
"Bro, tara na!" Muling isinukbit ni Hans ang braso ni Jake sa kanyang balikat samantalang sa kaliwang braso naman si Rayne.
Inakay nila si Jake. Dahil doon ay bumagal ang kanilang pagtakbo na nagbigay ng malaking tiyansang maabutan sila ni Domino.
"Malapit na siya!!!" tarantang sabi ni Patty na tila gusto na niyang maunang tumakbo. Pero dahil mahal niya ang kanyang mga kaibigan ay mananatili siyang kasama ng mga itoーsa kamatayan man.
Muli nilang sinulyapan si Domino, sa pagkakataong ito ay naglalakad na lang iyon. Ngunit kahit pa malaki pa ang agwat ng distansya nila roon, hindi pa rin sila naging kampante. Pinagsikapan nilang lumayo nang paunti-unti.
"Dito tayo." Sumuot sila sa likod ng tambakan ng basura. Madilim at talaga namang masakit sa ilong ang amoy. Hindi na rin sila nag-inarte pa at mabilis na ring nagtago.
"Anong gagawin natin?" Napapaluha na si Patty.
"Dito muna tayo. Huwag kayong maingay." Itinapat pa ni Hans ang kanyang hintuturo sa mga labi niya.
"G-guys..." sambit ni Jake habang napapangiwi.
"Jake, okay ka pa ba? Huwag ka susuko, a. Kaya natin 'to." Hinawakan pa ni Rayne sa magkabilang pisngi si Jake para palakasin ang loob nito.
"A-akin na ang pusa."
"Bakit, Bro?" nagtatakang tanong ni Hans.
"Haharangin ko siya, tapos t-tumakas k-kayo."
Awtomatikong umalma ang kalooban ni Rayne sa sinabi ni Jake. Hindi siya makapapayag na iwan nila ito. Hindi.
"Are you crazy?! Hindi puwede! Ikaw ang nagsasabing wala nang mababawas sa 'tin! Dapat walang maiiwan dito! Wala!" Naramdaman na lang ni Rayne na nabasa na ng likidong nagmula sa mga mata niya ang kanyang pisngi.
"Jake, huwag na," pagtutol din ni Patty.
"Guys look, hindi tayo m-makakausad k-kung mabagal tayo, let me do this. Kailangang may isang mag-sacrifice," pagmamatigas ni Jake.
"At hindi ikaw 'yon, Bro," buwelta ni Hans sa kanya.
"Kung hindi ako, si-sino?"
"Ako."
Napatingin si Patty sa sinagot ni Hans. Hindi rin siya makapapayag na si Hans ang maiiwan. Natatakot siya na baka kapag ginawa iyon ng kanyang nobyo ay hindi na nito muling makita pa. Ayaw niyang mangyari iyon.
"Pero Hansー" Hinigpitan ni Patty ang pagkakawak sa kamay ng nobyo.
"No, Hans. Ako dapat. Ikaw ang maglalayo sa kanila rito d-dahil m-makakatakbo ka nang maayos. Hindi ko sila kayang itakas, may sugat din ako sa paa."