Chapter 38

609 40 3
                                    


Halos tatlumpung minuto na ang nakalipas nang dumating si Mr. Domingo kasama ang dalawang pulis. Naabutan nila si Hans at Jake na talagang hinintay ang kanilang pagdating habang binabantayan ang sasakyan.

Agad na pinakita ng dalawa kay Mr. Domingo ang ebidensyang nadiskubre nila. Kinuha naman ni Mr. Domingo ang kulay puting guwantes at saka sinuri ang maskara, kapansin-pansin ang kaunting dugo na nasa pisngi ng maskara at gano'n din naman sa kutsilyo. Pinagsama ng detective ang dalawang mabigat na ebidensya sa iisang plastik at saka inabot sa isang pulis.

"Ano pa ang alam n'yo kay Tyron?" tanong ni Mr. Domingo kay Hans at Jake.

"Wala na. Hindi naman namin siya kilala. Pero sa tingin ko, si Maia, marami siyang alam tungkol sa lalaking 'yon," sagot ni Jake.

"Nasaan siya?"

"Umalis si Maia, hindi kasi siya naniniwala na si Tyron ang killer." Si Hans naman ang nagsalita.

"Okay, sige, ganito. Tulungan n'yo kaming mahanap ang kaibigan ninyo para sa ilang katanungan, ipapahila na lang muna namin itong sasakyan na 'to," ani Mr. Domingo at tinanguan pa ang dalawang kasama.

"Detective, mas mabuti sigurong puntahan na ninyo si Tyron sa tinitirhan niya, walang ibang matatakbuhan 'yon. Tutal, meron naman kayong nakuhang ID sa sasakyan niya," suhestiyon ni Jake.

"Huwag muna, nais ko munang makausap ang nobya niya. Malabo ring magpunta 'yon sa pamilya niya dahil alam niyang maaari din tayong pumunta roon." Nagkatinginan ang dalawang pulis sa likod.

"Sige, detective. Balitaan n'yo na lang po kami. Sana, malutas na ang kasong ito, sana mabigyan na ng hustisya ang mga kaibigan namin," pahabol ni Jake.

"Ginagawa namin ang makakaya namin, huwag ka mag-alala, malapit na."

---***---

Pagbalik ni Mr. Domingo sa istasyon ay agaran nilang hinanap ang social media account ni Tyron at madali rin naman nila itong nakita. Hindi naka-private ang mg larawan ng binata kaya naging malaya sa pang-i-stalk ang mga detective.

Walong mata ang nakatutok sa screen ng monitor habang isa-isa nilang tinitingnan ang mga pictures ng binata sa album nito. Si Mendes ang nakaupo sa office chair habang nasa likod naman niya sina Mr. Domingo.

Sa kanilang paglalayag sa account ni Tyron ay iba't ibang ideya ang nakalap nila. Lalo na nang mapadako sila sa album ng binata kung saan nakasuot ito ng jersey at may hawak na bola. Palatandaan lang na ang height nito ay ginagamit din nito sa larong basketball. Dahil dito, lalo lang inisip ni Mr. Domingo na si Tyron at Domino ay iisa dahil na rin sa parehong tangkad nito.

"Tingnan mo rin 'yang isa," utos ni Mr. Domingo sabay turo sa isa pang album na may titulong 'Me and my kitties'.

Nasa dalawampu mahigit na larawan ang nakita nila roon na kasama ni Tyron ang iba't ibang kulay ng pusa. Bakas ang pagmamahal ng binata sa mga pusang iyon base na rin sa pagiging sweet nito sa mga larawan.

"Sandali lang. Kung si Tyron ay si Domino, bakit mukha yatang ang hilig niya sa pusa sa mga pictures na 'to? E, 'di ba ang sabi ni Mr. Tolentino sa atin ay napatigil si Domino sa pagtangkang pagpatay sa kanila nang biglang may nakita itong pusa?" nagtatakang tanong ni Mendes sa mga kasama.

"Taktika," tanging sambit ni Mr. Domingo.

"Paanong taktika?" ani Careon.

"Tulad nga ng nauna kong sinabi, planado ni Domino ang lahat. Matalino siya. Marahil ay alam na niyang si Mr. Tolentino ay may koneksyon na sa 'kin kaya sinadya niyang ipakita na kunwari ay takot siya sa pusa, batid niyang kapag napansin iyon ni Mr. Tolentino ay agad itong magsasabi sa atin, istilo niya iyon para malihis na naman tayo."

Tumango si Careon at Kalaw sa sinabing iyon ni Mr. Domingo ngunit naguguluhan naman si Mendes.

"Gano'n siya kagaling?" nag-aalinlangang tanong ulit nito.

"Mendes, hindi natin alam kung ano siya at saan siya nagmula. Hindi ko pa rin alam kung bakit gano'n niya kalinis kalkulahin ang lahat," tugon ni Mr. Domingo.

"E, kumusta na pala ang paghahanap sa suspect?" sabat ni Kalaw.

"Hindi na nakita ng mga guwardiya si Tyron. Pero hanggang ngayon, patuloy pa ring naghahanap ang puwersa natin."

---***---

Hindi alam ni Maia kung saan siya patutungo, ang nais niya lang ay takasan at kalimutan ang katotohanan na pilit ipinamumukha sa kanya ni Jake.

Nahihirapan siyang tanggapin ang ideyang isang killer ang nobyo niya kahit pa sinasampal na siya ng katibayan. Unti-unti na siyang sinasakop ng pagsang-ayon subalit may maliit pa ring porsyento sa utak niya na siyang pumapanig kay Tyron. Pagmamahal, isa rin ito sa bumubuhay ng pag-asa sa damdamin ni Maia kaya hanggang ngayon, hindi niya magawang kalimutan ang binata. Aminado naman siyang hindi pa niya lubusang kilala ang binata pero talagang minahal na niya ito. Nakakatanga mang isipin pero, tila hindi niya kakayanin na mawala sa kanya ang pinakamamahal na nobyo.

Umupo si Maia sa gilid ng kalsada habang pinagmamasdan ang mga nagdaraanang sasakyan. Hindi na siya naabutan ni Rayne at Patty kanina dahil mabilis siyang nawala sa paningin ng mga ito.

Pagkatapos ng sandaling pagpapahinga ay naglakad na siyang muli. Tulala lang si Maia habang tila walang ganang inihahakbang ang mga paa.

Nasa kalagitnaan ng pagkabalisa si Maia nang makarinig siya ng paulit-ulit na pagbusina. Nang lingunin niya ito, nakita niya ang kulay pulang kotse na halos dumapa na ang body nito sa lupa, kapansin-pansin din ang laki ng apat na gulong nito na nag-iiba ang kulay kapag natatamaan ng liwanag.

"Maia! Anong ginagawa mo diyan?" tanong ng isang babaeng nasa loob ng magarang kotse.

Sandali niya itong minukhaan, sa ilang segudo lang ay naalala na niya itoーsi Maria.

Ngumiti lang si Maia kay Maria dahil wala siya sa mood na magbahagi ng pinoproblema niya. Isa pa, masyadong sensitibo ang dinadala niya kaya mas mainam na hindi na lamang ito sabihin sa iba.

"Sakay na!" pag-iimbita ni Maria habang nakahawak sa manebela.

"Hindi na, gusto ko mapag-isa," pagtanggi niya.

"Gabi na kaya, baka mapano ka, baka sumunod ka kina Jona niyan?" pagbibiro ni Maria na hindi naman ikinatuwa ni Maia.

"Ayoko nga." Hindi na niya pinansin pa si Maria at ipinagpatuloy ang paglalakad.

"Aware ka naman sa mga nangyayari, 'di ba? Dali na. Concern lang ako." Muling umandar ang sasakyan at pumantay ito kay Maia.

Tiningnan ni Maia si Maria na pursigido talagang pasakayin siya. Aminado siya na medyo kinabahan siya sa biro ni Maria kaya kinalabit na siya ng pangamba.

"Hatid na kita," patuloy ni Maria.

Wala na talaga siyang balak na tanggapin ang alok ni Maria subalit sadyang nananaig ang pagkabahala niya. Napabuntong-hininga na lang siya at saka lumapit sa kotse.

"Sige na, salamat."

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon