February 8, 2017 8:01 AM Wednesday
Nakaupo at nakasandal si Detective Domingo sa office chair habang hawak ang kapirasong plastik kung saan nakasilid ang pulang laso. Tila malalim ang iniisip nito habang nakatitig.
"Domino?" tanong niya sa sarili matapos basahin ang nakasulat sa pulang laso.
Hindi niya talaga maisip kung ano ang trip ng suspek sa paglalagay nito ng laso sa paa ng biktima. Sa lahat ng kasong hinawakan niya, ngayon lang siya naka-encounter ng ganito na mismong kriminal ang parang nagtuturo ng daan patungo sa hustisya. Sinuri na rin nila ang laso na ito ngunit wala naman silang nakitang finger print.
"Meron na naman palang hawak na kaso 'yong mayabang na team leader ng kabila."
Napailing si Mr. Domingo nang marinig niya ang tinig ng kapwa niya detective sa kabilang cubicle.
"Siguradong magpapasikat na naman 'yan."
Si Detective Morales, ang matagal nang may inggit kay Mr. Domingo mula pa lang noong unang taon niya rito sa istasyon nila. Wala naman siyang natatandaang may ginawa siyang hindi kanais-nais dito. Basta dumating na lang ang araw na bigla na lang niyang nalaman na nag-aapoy pala ang galit at inggit ni Detective Morales sa tuwing nagkakaroon siya ng achievement. Isa pang dahilan ng pagkasuklam sa kanya nito ay ang closeness nila ni Lia. May pagtingin si Detective Morales sa dalaga, kaya sa tuwing makikita sila nito na magkasama, halos magkiskisan ang mga bagang nito sa galit. Ani Detective Morales; ang lahat ng para sa kanya dapat ay inaagaw ni Mr. Domingo. Hindi naman kasi maitatanggi na lagi siyang nasasapawan ni Mr. Domingo sa maraming bagay.
Magaling din naman na detective si Mr. Morales, naging team leader nga rin siya ng kabilang grupo, hindi niya lang talaga magamit nang husto ang husay niya dahil masyado siyang nagpapatalo sa insecurities niya. Kaya hanggang ngayon, hindi katrabaho ang turing niya kay Mr. Domingo kundi isang kakumpitensya.
Tumayo si Mr. Domingo at tinanaw ang cubicle ni Mr. Morales na katapat lang ng sa kanya.
"At siguradong may maiinggit na naman." Puno ng kumpyansa sa sarili ang pagkakasabi ni Mr. Domingo habang nakatingin sa kinaroroonan ni Mr. Morales. Sakto namang nakatingin ito sa kanya.
"Yabang mo talaga, e, ano?" ani Mr. Morales, tumayo ito't bahagyang lumapit sa cubicle ni Mr. Domingo.
"O, ano? Mapipikon ka?" pagpatol niya.
Tahimik lang ang ibang katrabaho nila habang naghihintay sa mga susunod pang mangyayari. Napapailing naman si Lia sa dalawa, sanay na siya sa mga ito kaya parang isang ordinaryong asaran na lang ito para sa kanya.
"Alam mo, hindi ka naman talaga magaling, e. Sadyang madali lang talaga i-solve ang mga kaso mo, parang one plus one lang," buwelta ni Mr. Morales na halata namang pinipilit lang maging kalmado.
"One plus one lang sa akala mo, pero dahil nangongopya ka lang sa kaklase mo no'ng kinder ka, hindi mo napapansin ang buong equation. One plus one times three divided by two over negative three minus negative two plus positive seven, hindi pang-kinder, hindi mahirap pero hindi rin makukuha ang sagot sa isang tingin lang lalo na sa mga katulad mo, ganyan ang sistema ng mga kasong hinahawakan ko, oo madali lang para sa 'kin kasi detective ako mag-isip. E, ikaw? Kaya bang i-solve ng isang kinder 'yon? Besides, kung madali lang ang mga hawak ko, bakit kaya hindi sa 'yo napupunta ang mga 'yon? Tutal, kinder ka naman." Bawat linyang binitiwan ni Mr. Domingo ay talaga namang nagsumiksik sa kokote ni Mr. Morales. Lalo itong napikon dahilan para magsarado ang mga kamao nito na tila anumang oras ay handa nang dumapo sa mukha ng kaharap.
Hindi naman talaga mapagpatol si Mr. Domingo, sadyang nasa mood lang siyang sakyan ngayon ang asar-talo niyang katrabaho.
"Hambog ka talaga, a!" Nasa aktong lalapitan na ni Mr. Morales si Mr. Domingo nang may dumating na matandang lalaki, si Chief Lagman.
"Tama na 'yan!" Kapwa napatingin ang dalawa. "ano ba kayo? Lagi na lang kayong ganyan, a! Kapag hindi talaga kayo tumigil, ipapatapon ko sa ibang istasyon ang isa sa inyo!"
"Siya, chief! Alisin mo na 'yan dito," ani Mr. Morales.
"Tumigil ka. Ikaw ang laging nanggugulo kay Domingo. Umayos ka." Lalong nanggalaiti si Mr. Morales nang maramdaman niyang tila kakampi ito ng kaaway niya.
"Pero, chief..."
"Huwag ka na magsalita. Magtrabaho na kayo. Maraming kaso ang naghihintay ng hustisya, huwag n'yo sayangin ang oras ninyo sa walang kabuluhan," ani Chief Lagman sa dalawa. Kalmado at sang-ayon si Mr. Domingo subalit kabaligtaran ito ni Mr. Morales.
Umalis na ang chief nila, bumalik na rin silang muli sa kanya-kanya nilang pinagkakaabalahan. Wala nang nagawa pa si Mr. Morales kundi ang manahimik na lang at dibdibin ang mga narinig.
Napapailing na lang si Mr. Domingo sa table niya.
"Naku naman, bakit hindi na lang kasi niya tanggapin," bulong niya sa sarili.
Itinago na lang niya sa ilalim ng table ang plastik na may lamang laso. Wala na siyang pakialam kay Mr. Morales. Back to work na. Trabaho lang, walang personalan.
"Detective Domingo, natanggal na ang lock ng cellphone ni Ms. Jonalyn Alcantara." Isang tinig na naman ng lalaki ang nagmula sa likuran niya. Napaharap siya sa nagsalita, si Detective Careon na kasapi rin ng grupo niya na hawak ang plastik na kinalalagyan ng cellphone ng biktima.