"Yuko!" tanging sigaw ni Mendes.
Magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw. Lahat ng balang lumabas doon ay patungo sa direksyon nila. Nagkandabasag-basag ang salamin ng kotse ni Careon sa sobrang dami ng balang tumama roon.
Natamaan sa kanang balikat si Mendes bago siya tuluyang makadapa sa likuran. Hindi na niya alam kung anong nangyari kay Mr. Domingo sa labas basta't ang alam niya lang ay maraming sinalo si Careon at Kalaw sa front seat.
Ilang segundo lang ang itinagal ng pananambang sa kanila. Nanatili lang na nakadapa si Mendes dahil hindi niya maaaring ipaalam na buhay pa siya. Kitang-kita niya si Careon at Kalaw na wala nang malay at pilit na hindi inilalabas ang mga salitang nais niyang bigkasin.
"Ipasok n'yo na sa van 'yan!" Rinig ni Mendes na sabi ng isang lalaki.
Nang masiguro niyang paalis na ang mga nakamaskara ay palihim siyang dumungaw. Nahagip ng kanyang paningin si Mr. Domingo na ipinasok sa loob ng sasakyan bago humarurot.
"Careon!" Ilang beses pang tinawag ni Mendes si Careon subalit wala na itong pagtugon.
"Kalaw!"
Maging si Kalaw rin. Tila naligo ang mga ito sa sariling dugo. May kaunting usok pa na lumabas mula sa katawan ng mga ito dahil na rin sa init ng balang bumaon dito.
Kumikirot man ang kanyang balikat ay pinilit niyang makalabas ng sasakyan. Pagbukas niya ng pinto ay may isang pedicab driver na ang lumapit sa kanya.
"T-tulungan m-mo kami!"
Natatarantang inakay siya ng matandang lalaki patungo sa padyak nito.
---***---
"Isang pananambang ang naganap dito sa kalye ng Kabihasnan Parañaque kani-kanina lamang, base sa salaysay ni Detective Carlo Mendes ng Manila Police Station Homicide Division na siya ring biktima sa nasabing pananambang, may isang van daw na pumarada sa harapan nila lulan ang apat na lalaking armado, pinaputukan daw sila gamit ang matataas na kalibre ng baril. Sabi pa ni Detective Mendes na mapalad na nakaligtas sa insidente, dinukot ng mga armadong lalaki si Detective Bryan Domingo na noo'y nagpaalam lamang na iihi. Dagdag pa ni Detective Mendes, may kinalaman ito sa kasalukuyang kaso na hinahawakan ng kanilang grupo. Samantala, nasawi naman ang dalawa pa nilang kasamahan na si Detective Henry Careon at Detective Benito Kalaw. Ito muna ang pinakahuling balita para sa mga oras na ito."
Naalimpungatan si Hans sa mga sandaling ito at kukuha lang sana ng maiinom sa kusina nang abutan ang kanyang amang nanonood sa kusina.
Nagising ang diwa niya nang marinig ang sinabi ng reporter sa TV.
"Pa? Sino raw 'yong mga nasa pang-a-ambush?" tanong ni Hans sa ama para siguraduhin ang narinig.
"A, 'yong apat na imbistigador, tinambangan, e. Patay daw 'yong Careon at Kalaw, tapos 'yong Domingo, dinukot ng mga armado," sagot nito. "teka, bakit pala nagising ka?"
"Totoo ba 'yan, Papa?" hindi makapaniwalang tanong niya ulit.
"E, 'yon ang sabi sa report ng babae, e."
"Sila po ba 'yong mga taga-Manila Police Station?"
"Oo," nagtatakang sagot ng ama niya.
Napasabunot sa sariling buhok si Hans.
"Bakit ba?" tanong ng ama niya.
"A,e, basta po."
Nagsimulang magpalakad-lakad si Hans sa likod ng kanyang ama.
Hindi na niya hinintay ang pagtugon ng ama at dali-daling tumakbo patungo sa kanyang kuwarto.
Agad niyang tinawagan si Jake. Subalit, hindi ito nasagot. Madaling-araw na kaya siguro ay humihilik pa ito sa pagtulog.
---***---
Matapos interview-in ng media ay kasama ngayon ni Mendes si Detective Lia Valdez sa loob ng kuwarto. Mabuti na lamang at hindi siya napuruhan dahil mabilis siyang nakapaghanda.
Tulala, umiiyak at tila wala sa sariling nakaupo sa gilid ni Mendes si Lia. Nag-aalala siya kay Mr, Domingo, baka kung anong gawin ng mga dumukot sa kanya. Nakadagdag pa sa dinadala ng dalaga ay ang pagkamatay ng dalawang detective.
"Napakawalang hiya ng gumawa nito," sabi ni Mendes.
Dahan-dahan siyang bumangon at saka hinagod ang likod ng dalaga.
"Isa lang ang kilala kong gagawa nito." Tumayo si Lia at saka humarap kay Mendes.
"S-sino?"
"Sila Morales," buong paninindigang sabi ni Lia.
"Sila Morales?"
"Alam naman nating lahat na grabe ang inggit no'n sa grupo ninyo lalo na kay Bryan, nagbanta rin siya na pababagsakin nila si Bryan," patuloy ng dalaga.
Napaisip si Mendes. Batid niyang may hidwaan ang magkabilang grupo pero mas lamang ang paniniwala niyang hindi ang mga iyon ang may pakana ng pananambang sa kanila. Kundi si Domino.
"Pero, Lia. Hindi iyon ang naiisip ko. Palagay ko ay kagagawan ito lahat ng killer na si Domino. Alam niyang matinik na detective si Domingo kaya nanigurado na siyang magiging malinis ang lahat. Pakiramdam ko rin, hindi siya basta-basta." Napailing si Lia.
"Hindi. Malakas ang kutob ko na sila Morales ang may gawa nito. Kaya pala maaga silang nag-out lahat kanina. May gagawin pala silang hindi maganda!"
"Wala tayong ebidensya. Kahit pagbintangan mo pa sila, mababalewala rin 'yan kung puro lang tayo nakabase sa salita."
"Magsasagawa ako ng sarili kong imbistigasyon, hindi matatahimik ang kalooban ko hangga't hindi ko napatutunayan na sila ang dapat managot."
Bakas sa mga mata ni Lia ang galit at determinasyon.
Hindi na kumontra pa si Mendes sa dalaga. May punto naman ito, mas mainam na rin siguro na bigyan din niya ng pansin ang anggulong sinasabi ni Lia.
Naguguluhan na siya kung ano ang dapat niyang unahin. Maiiwan sa kanya ang kasong hawak nila sa tatlong biktima ni Domino, tapos ngayon, nadagdagan pa dahil sa insidenteng nangyari.
Natigil ang pag-iisip ni Mendes nang magbukas ang pinto. Pumasok ang isang babaeng maputi at mabilis na yumakap sa kanya.
"Ano bang nangyari?! Mabuti at ligtas ka!" sabi ng babae habang nakayakap sa nobyong si Mendes.
"Aray!" daing niya nang masagi ang kanyang kanang balikat.
"Sinabi ko naman kasi na umuwi ka na lang!" Maluha-luhang sabi pa ng nobya niyang si Bea.
"I'm okay. Sorry."
Naglapat ang mga labi nila habang si Lia ay nasa gilid na nakatingin sa kanila.
---***---
Umaga na nang magising si Maia. Papikit-pikt mata niyang hinanap ang cellphone sa pagbabaka-sakaling makausap ang nobyong kagabi niya pa nais makita.
Naidilat niya nang malawak ang kanyang mga mata nang makita sa screen ang walong missed call ng binata. Nakaramdam siya ng panghihinayang. Napabangon siya sa higaan at sabik na sabik na binabasa rin ang isang text message na pinadala ni Tyron.
"Maia, mahal na mahal kita, kaya..."
Napaluha na lang siya. Pakiramdam niya ay isang pamamaalam ang putol na mensaheng iyon. Muli siyang napahagulgol. Sinikap niyang tawagan ang binata subalit hindi na niya ito ma-contact.