Chapter 54

554 37 18
                                    


Hindi nagkamali si Jake sa kanyang hinala. Ang taong nakita niya noon ay siya ring nasa harap niya ngayon. Nakahawak lang sa rehas si Jake habang napapanganga sa mga nasasaksihan niya. Ang buong akala niya kasi ay matino ang taong hindi niya kailanman inisip na isang kriminal pala. Ilang ulit niya ito noong nakikita sa tuwing magpupunta siya sa lugar kung saan patay-sindi ang ilaw na may iba't ibang uri ng kulay. Disente at mabait ang pagkakakilala niya rito base sa mga naririnig niya sa mga usapan noon, pero sa mga tagpong ito, lahat ng magandang impormasyon na alam niya tungkol dito ay nabura na ng katotohanan.

"Sir... Primo?" sambit ni Jake.

"Ako nga," anito sabay ngiti.

Lalong nag-alab ang galit ni Jake sa kanyang kalooban.

"Hayop ka! Paano mo nagawa 'to!? Akala ko matino kang tao! Demonyo!"

Si Primo. Ang owner ng Melodream bar na madalas puntahan ni Jake sa tuwing gusto niyang magpalamig. Ang lalaking minsan ay nakikisabay sa mga taong nagsasayawan na ilang sandali lang ay mawawala rin. Si Primo... ay si Domino.

Hindi makapaniwala si Jake. Hindi niya maisip na may ganitong pagkatao si Primo.

"Wala kayong kasalanan sa akin. Pero, pinupunan ninyo ang pangangailangan ko. Paumanhin, pero parang hindi ko kayang mabuhay nang walang pinapatay," seryoso nitong sabi.

"Wala kang kaluluwa! Dapat sa 'yo sinusunog sa impyerno!" Mahigpit ang pagkakahawak ni Jake sa mga rehas simbolo ng matinding galit.

"Sa impyerno ako nakatira, kami, kaming lahat." Tiningnan pa nito ang mga kasama.

"Walang hiya!!!"

"Gusto mo bang ikuwento ko kung paano ko pinaslang ang mga kaibigan mo?" Hinatak ni Primo ang upuan at saka umupo sa harap ni Jake.

Hindi nagsalita si Jake. Nagkikiskisan lang ang kanyang mga bagang habang nakasarado ang dalawang kamao.

"Let's start with Jonalyn Alcantara, right?" Isinandal nito ang likod. "Before she was killed, plantsado na ang lahat. You know, just, just like a game. Mula ro'n sa bar nang makabanggaan kita, hanggang sa parking lot. Excited kami no'ng mga sandaling 'yon kaya may ilang eksena na muntik nang sumabit. Idagdag pa natin ang napipilitan na si Patrick. But, that was a successful trip sa kabila ng lahat. Akala ko nga ikaw na ang madidiin dahil sa maskarang inilagay ko sa kotse mo. Pero hindi, tinapon mo lang ang maskara na 'yon. Mahal ang bili ko ro'n." Matutunugan ang pang-iinsulto sa tinig ni Primo.

"Sinong Patrick?" nagtatakang tanong ni Jake.

"Malalaman mo rin. H'wag kang magmadali. Sa ngayon, magkuwentuhan muna tayo. Magpunta naman tayo sa nagmamahalang si Mike Hernandez at si Jenny Manawag."

"Tumigil ka na!" sigaw ni Jake. Ayaw na niyang marinig pa ang sasabihin ni Primo kaya tinakpan nito ang mga tainga. Subalit, hindi iyon naging hadlang para kay Primo. Ipinagpatuloy lang nito ang pagsasalita.

"Katulad ni Jonalyn, wala rin silang kasalanan sa akin. Sinunod ko lang ang mga pangalang nakasulat sa papel. Minsan nga naisip ko, ano kayang pakiramdam ng sumalo ng maraming bala na katulad sa nangyari kay Mike Hernandez? Ano kayang pakiramdam nang dahan-dahang paghiwa sa leeg? Masakit siguro, ano?"

Matalim ang tingin nitong ipinupukol kay Jake.

"Ang pinakahuli... 'yong Maia yata 'yon, hindi ba ako nagkakamali?"

Nanatili lang na nakatakip ang tainga ni Jake habang nakapikit.

"Masyado siyang nagpadala sa emosyon, ang totoo niyan, pag-ibig ang pumatay sa kanya at hindi ako. Pero dahil pinakita niya ang labis na pagmamahal, I decided to give her a violet ribbon for being lovable." Tumayo si Primo sa kinauupuan at sinenyasan ang tatlong lalaki sa gilid.

Agad na kumilos ang tatlo. Binuksan ng mga ito ang kulungan at puwersahang hinila si Jake palabas. Hinawakan si Jake ng dalawa sa magkabilang braso at ang isa naman ay bigla na lamang sumuntok sa tiyan ni Jake.

"Stop," ani Primo. Sinampal nito si Jake nang malakas.

"D-duwag, t-takot sa p-pusa," ani Jake. Tumawa siya para asarin si Primo.

Umepekto naman ito. Halata sa mukha ni Primo ang pagkapikon. Awtomatikong nagkiskisan ang mga bagang nito.

"Hindi ako duwag!!!" Nakatanggap na naman ng suntok sa sikmura si Jake.

Sinakal siya ni Primo at galit na siya nitong idinikit sa pader.

"Hindi ako duwag! Hindi!!!"

Sa sobrang galit ay kinuha ni Primo ang samurai at akmang tatagain na si Jake subalit, inawat siya ng isa sa mga body guard niya.

"Sir, ang sabi ni Ma'am, hintayin daw natin siya!" anito na mabilis na pumagitna habang nakahawak sa dibdib ni Primo.

Magkakasunod na buntong-hininga ang pinakawalan ni Primo. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili.

"Nasaan na ba siya? Gusto ko nang patayin 'to! Nangangati na kamay ko!"

"Parating na raw siya, hintay na lang, Sir."

Nakaupo lang sa gilid si Jake habang nakahawak sa tiyan na bahagyang dumadaing.

"Hi-hindi n-na siya darating." Kahit masakit ang parteng bugbog sa kanya ay pinilit pa rin niyang humalakhak.

"Kapag dumating siya, hahatiin kita sa dalawampu. Ipamimigay ko sa mga kamag-anak at kaibigan mo ang iba't ibang parte ng katawan mo!"

"J-just do it," dugtong pa ni Jake.

"Dalhin n'yo na 'to sa white room. Tatlong machine gun ang itutok n'yo rito! Tatlo!" utos ni Primo sa tatlong lalaki.

Kinaladkad ng mga lalaki si Jake patungo sa white room na sinasabi ni Primo. Pagdating nila roon ay pinaupo siya ng mga lalaki sa upuan. Buong pagsisikap na iginapos ng mga ito si Jake na tila lantang-lanta na. Pagkatapos siyang itali ng mga ito ay napansin ni Jake ang isang machine gun na nakatapat sa kanya. Nakita niya rin sa sahig ang mga tuyong dugong nagkalat. Pumasok sa isipan niya na baka dito pinatay si Mike, sa mismong kinauupuan niya.

"Kunin n'yo na 'yong dalawa at itutok na rito sa gagong 'to." Utos ng isa sa mga kasama. Nang umalis ang dalawang lalaki ay naiwan itong nakabantay kay Jake.

"Kung ako sa 'yo, magdasal-dasal ka na. Inaatake na naman si Primo, sigurado, mayamaya lang patay ka na," sabi ng lalaking nasa harapan ngayon ni Jake.

"A-ano bang ka-kasalanan namin?" mahinang tanong ni Jake habang nakayuko.

"Hindi ka ba nakikinig kanina, bata? Wala nga kayong kasalanan."

Iniangat ni Jake ang tingin.

"Kung gano'n, bakit n'yo 'to ginagawa?"

"Hindi kumpleto ang buhay ni Primo kung wala siyang nasasaktan o napapatay. Malas n'yo lang dahil kayo ang natipuhang isangkot sa libangan niya." Nginisian lang nito si Jake.

"Anong klaseng ta-tao kayo, ang sasama n'yo."

"Isa kami sa tatlong sikretong lipunan."

Napalingon sila sa babaeng nasa pintuan. Nasa likod nito si Primo na masama ang tingin kay Jake.

Nawindang si Jake nang mapagtanto kung sino ang babaeng nakatayo sa pintuan. Kilala niya rin iyon. Hindi siya puwedeng magkamali dahil ilang taon niya itong nakasama noon.

Naglakad ang babae papunta sa harapan niya at nagpakita ng isang nakakatakot na ngiti.

"How are you, Jake? Nice to see you again," anito na hinimas pa ang pisngi ng binata.

"Paanong..." naguguluhang sambit ni Jake.

"Sinabi ko naman sa 'yong darating siya, 'di ba? Patay ka ngayon ka sa 'kin!" Lalapitan sana ni Primo si Jake subalit pinigilan ito ng babae.

"Wait."

"Ano? Nangangati na kamay ko!"

"Just wait, Kuya Primo." Muli nitong hinaplos ang mukha ni Jake.

"A-anong ibig nitong sabihin?" tanong ni Jake.

"Magpapaliwanag pa ba ako?"

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon