Napahagulgol na lang si Jenny habang pinanonood si Mike na halos magkandalasug-lasog ang katawan dahil sa dami ng bala na natatanggap nito. Malaki ang galit niya kay Mike, pero ang lahat ng iyon ay tila naglaho nang masaksihan niya ang sinapit ng binata.
Sinasabayan ng magkakasunod na putok ang tugtog na nagpapasayaw sa lalaking misteryoso. Habang nagluluksa si Jenny ay siya namang pagdiriwang ng kaharap niyang nilalang.
Ilang minuto rin niyang pinanood si Mike na tila ginawang target shooting at ngayo'y butas-butas na ang katawan habang umaagos ang pulang likido mula rito. Hindi mabilang kung ilang bala ang inubos sa katawan ni Mike, basta isa lang ang nasisiguro ni Jenny, patay na ito.
Hindi niya mawari kung anong klaseng tao ang nakamaskarang lalaki. Sa nakikita niya, parang ang saya-saya nito habang dinadama ang napakagaang musika.
"Demonyo!!!" galit na galit na sigaw ni Jenny na bahagyang napapaluha.
Sandaling huminto ang lalaki sa pagsasayaw at saka muling umupo sa harap niya.
"Kaya ka nabubuhay ay para bigyang kahulugan ang kamatayan. Tutulungan kitang maunawaan ang buhay sa paraang hindi ka mabubuhay," anito.
"Wala akong kinalaman sa pagkamatay ni Jona! Bakit ba kami ang pinarurusahan mo! Gago!" Pinipilit na lang niyang maging matatag.
"Wala ka naman talagang kinalaman sa pagkamatay niya, biktima ka rin." Tumayo ito at saka inilabas ang samurai na kanina pa nakasabit sa likod nito.
Lalo namang nagpumiglas sa pagkakatali si Jenny nang makita na naman niya ang bagay na iyon.
"Patayin mo na ko! 'Yon din naman gusto mo, 'di ba?!"
Lumapit ang lalaki.
"Oo. Pero dahil nais kong may kulay ang pagkamatay mo, makikipaghabulan ako sa 'yo." Agad nitong tinanggal ang tali sa kamay at paa ni Jenny gamit ang patalim na hawak nito. Pagkatapos ay saka nito itinulak ang dalaga dahilan para masubsob ito sa sahig.
"Pasensya na. Papatayin ko naman kayo agad, pero nang malaman kong may tamis na namamagitan sa inyo, naisip ko na ang pait ay mas masarap kung dadagdagan pa nang sampung beses na pait."
Unti-unting bumangon sa pagkakasubsob si Jenny. Napatingin pa siya sa nakabukas na pinto.
"Takbo." Inilahad pa ng lalaki ang kamay sa direksyon ng pintuan.
Hindi na nagsayang pa ng oras si Jenny. Kahit medyo nahihilo pa ay pinilit niyang makatayo at saka tumakbo palabas ng kuwartong iyon.
Pero, paano siya makakaalis dito kung hindi naman niya alam kung saan ang tamang daan.
Tinatahak niya ang hallway. Sa palagay niya, nasa abandonadong gusali siya.
"Takbo, Jenny! Takbo!" katagang paulit-ulit niyang sinasabi sa isipan.
Bawat hakbang ay tila wala nang bukas. Kailangan niyang makaalis dito, wala na siyang pakialam kung saan siya dalhin ng mga paa, basta ang mahalaga, makalayo siya sa taong nais pumatay sa kanya.
Nilingon niya ang kanyang likuran. Mula roon ay natanaw niyang nakatayo lang ang lalaki habang muling kinukumpas sa hangin ang hawak na samurai.
Binilisan pa niya. Makailang ulit na rin siyang nadapa subalit hindi siya napapagod na bumangon.
"Shit! Saan?" bulong niya sa sarili nang marating ang dulo habang namimili ng dadaanan sa dalawang direksyon.
At dahil wala na siyang sapat na oras para mag-isip, lumiko na siya sa kanan.