Kanina pa hinihintay ni Maia ang nobyong si Tyron habang ilang ulit na tinatanaw ang mga nagsasayawan. Nagpaalam sa kanya si Tyron na iihi lang subalit mag-iisang oras na yata ay hindi pa ito nakababalik. Hindi rin nito sinasagot ang mga tawag ni Maia. Sinubukan na rin ng dalaga na lumabas at puntahan ang nobyo sa sasakyan nito subalit wala naman siyang naabutan doon.
"Naba-badtrip na talaga ako, e," sabi ni Maia. Halos masira naman ang half mask sa kamay niya dahil sa higpit ng kanyang pagkakahawak.
"Nasaan na ba kasi 'yang Tyron na 'yan?" tanong ni Patty habang nasa table sila.
"Sabi sa 'yo, e. Dapat kasi kinilala mo muna, landi ka kasi agad. Malay mo may extra activity na ginagawa 'yang syota mo," sabi naman ni Hans na mahahalataan ang pang-iinsulto sa tinig.
"Hindi ka nakakatuwa, Hans." Tiningnan niya si Hans nang matalim.
"O, baka naman isang drum ihi niya." Sinundan pa ito ni Hans ng pagtawa.
"Tumigil ka na nga," suway ni Patty kay Hans sabay kurot sa tagiliran.
"Aray ko!" Napailag ito. "tanggapin na natin kasi na may mga taong hindi na babalik. Tingnan n'yo si Rayne at Jake, nasaan na? Nag-check in na yata," dugtong ni Hans.
"Bahala sila mag-check in, wala akong pake." Biglang tumayo si Maia. Iniwan niya ang dalawa sa table at saka muling lumabas ng bar. Nagkatinginan na lang si Hans at Patty.
Nagpunta siya ulit sa sasakyan ni Tyron. Idinidikit pa niya ang mukha sa salamin upang tingnan sa loob kung nandoon nga ba ang nobyo niya. Pero wala talaga, kaya nagsarado na naman ang kanyang kamao na sinundan pa ng magkakasunod na pagmumura.
Napabuntong-hininga na lang siya, sumandal siya sa sasakyan ng binata at pilit pinakakalma ang sarili.
"Hayop!" aniya.
Muli niyang sinuyod ang madilim na paligid, at sa kaliwang banda, nahagip ng tingin niya ang lalaking palapit sa kanya na nanggaling pa sa likod ng puno.
"Hoy!" sigaw niya roon.
Agad niya itong nilapitan habang pilit itinatago ang pagkagigil.
"Maia..."
"Gago! Kanina pa ko naghihintay sa 'yo! Saan ka ba nagpunta?!" galit na sabi ni Maia kay Tyron.
"I'm sorry," malungkot na tugon ng binata.
"Sorry? Sarap mong sampalin, e. Inamag na ako ro'n!"
Tumingin nang malumanay si Tyron kay Maia.
"Magkausap kami ni Daddy sa phone kanina, nagwawala kasi si Lola, hinahanap ako, gusto niya akong makita ngayon. Ilang minuto akong pinilit ni Daddy, kaya nawala ako nang matagal."
Hindi agad nakapagsalita si Maia nang marinig ang dahilan ni Tyron. Tila nakaramdam siya nang kaunting konsensya sa katawan.
"S-sorry. P-pero, anong nangyari?" tanong ni Maia na unti-unti na ring bumababa ang inis na nararamdaman.
"Hindi ko pa ba nasabi sa 'yo na may diperesnya sa pag-iisip si Lola?"
Napaisip si Maia at pilit na inalala kung may nasabi na ba sa kanya si Tyron tungkol doon.
"W-wala."
"Ako ang paborito ni Lola, sa tuwing nagwawala siya, ako ang hinahanap niya. Maia, sorry, pero kailangan ko umuwi na Pasig ngayon." Hinawakan pa ni Tyron ang dalaga sa magkabilang balikat.
"Sorry din. Hindi ko alam."
"Ihahatid na kita," ani Tyron.
"Hindi na. Puntahan mo na ang lola mo, sabay na lang kami nila Patty." Isang pilit na ngiti lang ang pinakita ni Maia.