Chapter 55

602 40 18
                                    



October 4, 2016 Tuesday 7:23 PM

Binalibag ni Primo ang laptop na nasa table at pinaggugulo ang mga papel na nakapatong din. Galit na galit nitong pinagsisipa ang office chair niya.

"Bakit gano'n ang desisyon ni Daddy?! Bakit?!" tanong niya sa kapatid na nasa gilid.

"Kuya, calm down. Walang magagawa 'yang pagwawala mo, e!" sabi ni Ria.

"Hindi ako makapapayag! Hindi ako makapapayag na siya ang mauupong ikalimang supremo! Hindi! Papatayin ko siya!" Napasabunot na lang sa sariling buhok si Primo habang pabalik-balik na naglalakad.

"Hindi mo puwedeng gawin 'yon, Kuya. Kapag ginawa mo 'yon, mapapahamak ka. Si Patrick na ang nakatakda, hindi nila hahayaang may humadlang doon. Kuya, tanggapin mo na lang."

"Tanggapin? Sa tingin mo matatanggap ko 'yon? Ako ang anak ni Daddy, ako ang anak ng punong supremo pero bakit mas pinili niya pa ang ampon niya?! Bakit?! Ako ang anak niya! Hindi si Patrick!"

Matagal nang gustong patayin ni Primo si Patrick dahil sa labis na inggit. Pero dahil pinipigilan siya palagi ni Ria ay hindi niya iyon magawa. Sa kabila ng kanyang kakaibang sakit ay nagagawa niya pang isipin ang maaaring gawin sa kanya ng buong samahan. Ayaw rin naman niyang masira ang kapatiran na binuo ng kanyang ama ng dahil lang sa kanya. Subalit, sadyang hindi niya maunawaan ang ginawang desisyon ng kanyang ama na si Patrick ang iupo sa nabakanteng puwesto. Iyon ang kinasasama ng loob niya.

"Please, huwag, Kuya. Hayaan mo na siya!"

"Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Ria?! Ako ang karapat-dapat!"

Ano nga ba ang dahilan at bakit nais niyang mapabilang sa limang supremo ng kanilang kapatiran? Wala naman siyang pakialam sa mga benipisyong makukuha niya, ayaw niya lang talagang maungusan siya ni Patrick.

"Gusto mo ba talaga maging supremo?" halata ang lungkot sa tinig ni Ria.

"Ginusto ko lang dahil ayaw kong si Patrick ang hirangin, ayoko!"

Tiningnan ni Ria si Primo sa mga mata.

"Kapag ikaw ang naging supremo, mawawala ako, Kuya."

Sandaling huminto ang pag-aalburuto ni Primo dahil sa kanyang narinig.

"Tatlo na lang tayo nila Daddy sa pamilya natin. Bago maupo si Daddy bilang punong supremo ay nawala si Mommy, dahil iyon ang kailangan. Mas pinili niyang si Mommy ang mawala kaysa tayong dalawa."

Unti-unting huminahon si Primo. Napaisip siya.

"Kuya, paano kung magbago ang isip ni Daddy? Paano kung biglang ikaw ang piliin niya, nila. Kuya, magiging supremo ka nga pero mawawala ako. Ako ang magiging handog mo, Kuya."

Kusang pumatak ang mga luha ni Ria sa katotohanang maaari siyang mamatay kung sakali mang mangyari ang naiisip niya.

Hindi maaaring si Primo ang maging ikalimang supremo. Isa sa patakaran ng kanilang kapatiran na kapag may ihahalal na bagong supremo ay kinakailangan ng handog. At ang handog na iyon ay nararapat lamang na kadugo ng sinumang nagbabalak na maging supremo. Ayaw rin ni Ria na si Primo ang ihalal, ayaw niyang mawala.

"Hindi mo ba ako mahal, Kuya? Inggit na lang ba ang iisipin mo? Hindi mo ba naiisip na kapag naging supremo ka ay mawawalan ka ng kapatid?"

"Sorry, m-mahal kita. Kaya lang naman ako nagkakaganito ay dahil ayaw kong si Patrick ang makinabang doon. Ampon lang siya. Inaanak lang siya ni Daddy."

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon