Sa loob ng isang hindi kaliitang kuwarto dinala si Jake para gisahin at batuhin ng mga katanungan. Kaharap niya ngayon si Mr. Domingo. Kinakabahan siya, hindi niya alam kung paano siya tutugon sa mga tanong na alam niya namang hindi na niya kailangang sagutin, dahil una pa lang, wala naman siyang kasalanan, iyon ang katwiran niya sa isip.
Nakadagdag pa sa kaba niya ay ang mga kasamahan ng detective sa labas na nanonood sa kanila. Nakabantay ang mga iyon habang nakasilip sa isang kuwadradong salamin na nakaharap sa kanilang dalawa.
Mayamaya lang, sinenyasan na ng detective ang mga kasama sa labas. Agad din namang sinuot ng mga iyon ang headset at saka seryosong humarap sa mga monitor.
Unti-unti nang nagbabagsakan ang mga butil ng pawis ni Jake. Bakit? Bakit siya kinakabahan kung alam naman niyang wala siyang ginawang masama?
"May mga record ka na pala, at tama nga ang hinala ko, anak ka ni Konsehal Tolentino," ani Mr. Domingo habang binabasa ang ilang papel na sa palagay ni Jake ay ilan sa mga personal information at records niya.
"Ba-bakit n'yo ba ko dinala rito? Hindi nga ako ang pumatay kay Jona! Ngayon ko nga lang nalaman ang tungkol diyan," giit ni Jake na ibinagsak pa sa lamesa ang mga nakasaradong kamao.
"Ikaw, Jake Tolentino ay nakasalang sa imbistigasyong ito, anumang sabihin mo ay maaari naming gamitin laban sa 'yo, may karapatan kang manahimik kung hindi mo alam ang sagot sa mga tanong o sadyang ayaw mo lang sumagot, pero tandaan mo, ang pananahimik ay hind rin pagsasabi ng totoo. May karapatan kang ipagtanggol ang sarili mo at itanggi ang mga kasalanang iniuugnay sa 'yo, karapatan mo rin ang kumuha ng abugado... wala kang ibang dapat gawin kundi sabihin ang totoo," paliwanag ni Mr. Domingo.
Hindi maintidihan ni Jake ang mararamdaman niya. Inis? Pagtataka? Pagkalito? Halu-halo na. Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi siya makapaniwala na heto siya ngayon. Nakaupo sa harap ng isang alagad ng batas at baka ilang sandali na lang din ay maaari na siyang ideklarang kriminal.
Seryosong tumitig sa kanya ang detective bago magsalita.
"Jake Tolentino, nasaan ka noong mga sandaling pinatay ang biktima? Nasaan ka kagabi? tanong ni Mr. Domingo.
"Puwede ba?! Itigil na natin 'to! Hindi ko alam ang sinasabi ninyo!" pagmamatigas niya.
"Kung nais mong linisin ang pangalan mo, ilahad mo ang mga impormasyong magsasabing hindi ikaw ang pumatay kay Jonalyn Thera Alcantara, kung ipagpapatuloy mo ang ganyang ugali sa gitna ng imbistigasyon, lalo mo lang kaming pinaniniwala na ikaw nga ang salarin." Bahagyang huminahon si Jake sa sinabi ng kaharap niya. Napag-isip-isip niya na tama nga ito. Hindi niya kailangang umiwas sa imbistigasyon kung hindi naman pala siya ang pumatay.
"Si-sige!" napipilitan niyang sagot.
"Sagutin mo ang una kong tanong."
"Nasa Melodream Bar ako sa Makati kagabi, mag-isa akong nag-inom doon, hindi ko kasama si Jona," buong kumpiyansa niyang sagot habang nakatingin sa mga mata ng kausap.
Melodream Bar? Kilala ni Mr. Domingo ang may-ari ng bar na iyon. Nag-iisa lang kasi iyon at madalas ay doon siya nagpupunta kapag gusto niyang makapag-relax.
"Anong oras ka dumating doon at anong oras ka umalis?" patuloy ng detective.
"Palubog pa lang araw no'n, sa palagay ko, mga alas-singko, p-pero, hindi ko alam kung alas-diyes o alas-onse na ako lumabas doon dahil medyo nahihilo na ako." Nagsalubong ang kilay ni Mr. Domingo.
Paano nangyari iyon? Kung gano'n? Anong ibig-sabihin ng ebidensyang hawak nila ngayon? Sabi ni Aling Josefa, bandang alas-siyete naglakad papuntang parking lot si Jona. Pagdating naman ng bandang alas-diyes ng gabi, natagpuan ang bangkay nito. Hindi nga ba si Jake ang saralin o sadyang imbento lang ito?
"Pinapalabas mo talagang wala ka sa pinangyarihan ng krimen at hindi nga talaga ikaw ang pumatay sa biktima?"
"Malamang! Wala naman talaga akong ginawa!" matatag na buwelta ni Jake.
Sandaling huminto si Mr. Domingo at tila may dinukot sa loob ng envelope na kanina pa nasa ibabaw ng lamesa.
"May nakuha kaming ebidensya laban sa 'yo, paano mo masasabing hindi ikaw ang pumatay kung ikaw naman ang nagsabing papatayin mo ang biktima?" Gumuhit ang isang nakakainsultong ngiti sa mga labi ni Mr. Domingo.
Lalong nag-init ang ulo ni Jake, pero ang kaliwang bahagi ng utak niya ay nilalamon na ng pagkalito.
"A-anong ebidensya ba 'yan?!" ani Jake.
Pinakita ni Mr. Domingo ang isang malapad na cellphone kay Jake.
"Mula alas-sais hanggang alas-siyete, tini-text ka ng biktima. Base sa mga text messages niya, pinaglaruan mo siya, niligawan mo siya dahil wala lang. Gusto mo lang mang-trip. At sa dami ng text messages niya para sa 'yo, isa lang ang ini-reply mo sa eksaktong oras na 7:24 PM, nang matanggal namin ang lock ng cellphone niya, naka-unread pa ang reply mo, meaning,
maaaring abala siya sa isang bagay kaya hindi niya napansin ang reply mo, maaaring papaandarin na sana niya ang kotse, at doon na nagsimula," salaysay ni Mr. Domingo habang hawak ang cellphone ni Jona na katapat din ng mukha ni Jake. Binabasa niya ito. At katulad nga ng sinabi ng detective, mayroon siyang isang tugon sa lahat ng sinabi ni Jona.Naiatras niya ang mukha niya nang mabasa ang text na...
"Tumigil ka na, kundi, papatayin kita," mula sa kanya.
Muling sinuntok ni Jake ang lamesa. Galit na galit siya. Hindi maaari!
"Putang ina! Hindi ako 'yan!" Halos magwala na si Jake sa kinauupuan.
"Pero number mo ang nandito, tama ba?" pagpapatuloy ni Mr. Domingo.
"Oo, pero hindi ako nag-text niyan! Kagabing nasa bar ako, nawala ang cellphone ko! Putang ina hindi ako 'yan! Kalokohan!"
Nagkaroon na naman ng bagong dahilan itong si Jake. Pero, hindi gano'n kadaling maniwala ang kausap niya. Kailangan niya pa ring patunayan iyon.
"So, nawala naman ngayon ang cellphone mo? Siguro naman kung nawala ang phone mo, hindi 'yon mabubuksan ng iba kasi ugali ng mga taong may itinatago ay ang maglagay ng password."
"Ewan ko kung paano 'yon nabuksan ng... ng gagong 'yon kung sino man siya! Maniwala ka sa 'kin, papatunayan ko!"
"Edi sinasabi mo ngayon na may ibang nangialam ng cellphone mo? Kung gano'n, sino? Pinahawak mo ba 'yon sa iba?"
"Hindi ko 'yon pinahawak sa iba. P-pero, hindi ko rin alam kung anong oras nawala 'yon, basta no'ng pauwi na ko, saka ko lang na-realize na nawala ang cellphone ko, nasa kotse na ko nang mapagtanto ko. Dito ko lang 'yon sa bulsa ko inilagay, e. Sa harap, right side!" depensa ni Jake na bahagyang natataranta.
"Paano mo ako mapapaniwala kung puro ka lang salita?" Umayos ng upo si Mr. Domingo at saka muling ngumiti na tiyak naman ni Jake na isang pang-iinsulto iyon.
"Papatunayan ko! Kung gusto n'yo, samahan ko pa kayo sa bar na pinuntahan ko kagabi. I-review ninyo ang CCTV kung anong oras ako pumasok at lumabas doon, at baka makita n'yo rin kung sino ang dumukot sa cellphone ko. Maniwala kayo sa 'kin! Wala akong alam sa binibintang ninyo!"
Napatango na lang si Mr. Domingo. Tama. Kailangan nilang mapuntahan ang bar na iyon para mapatunayan kung nagsisinungaling nga ba ito o hindi.
"Mabigat ang ebidensyang hawak namin, kapag napatunayan naming nagsisinungaling ka... kulong ka bata," animo'y nananakot na sabi ni Mr. Domingo. Style na niya ito, sa ilang taon na niyang detective, madalas niyang nahuhuli ang suspect kapag nilalamon na ito ng kaba. Kailangan niyang mas gawing emosyonal pa si Jake at nang sa gano'n ay mapaamin niya ito o kahit dumulas man lang.
"Hinding-hindi ko magagawa 'yon kay Jona. Oo, niligawan ko siya kahit wala akong nararamdaman sa kanya. Pero hindi ko siya pinaglaruan, napilitan lang akong ligawan siya... tsaka wala akong galit kay Jona, isa lang, isa lang ang kilala kong maaaring gumawa sa kanya ng gano'n, taong may malaking galit sa kanya..."
Nadagdagan ang interes ni Mr. Domingo nang marinig niya iyon. Hindi siya paniwalain, pero sa palagay niya ay may mga ideya pang nagtatago sa likod ng mga linyang pinakawalan ni Jake.
Sandaling napatingin si Mr. Domingo sa mga kasamahang nasa labas.
"Bakit ka napilitang ligawan siya? At sino ang sinasabi mong may malaking galit sa kanya?" ani Mr. Domingo.
