Tahimik lang si Maia habang nakasandal ang ulo sa bintana ng sasakyan. Lumilipad ang isip niya sa kung saan-saan. Masyado nang inukupahan ng nakabibiglang mga kaganapan ang kanyang utak.
Ilang minuto na silang nasa byahe ngunit ni hindi man lang niya kinakausap si Maria.
"Okay ka lang ba? Mukhang problemado ka?" sabi ni Maria na sandaling nilingon siya sa gilid. Tinanguan naman ito ni Maia bilang pagtugon.
"Ang tagal nating hindi nagkausap tapos hindi mo man lang ako magawang kausapin," dagdag pa ni Maria na matutunugan ang pagtatampo.
Si Maria at Maia ay dating magkagrupo sa isang proyekto noong nasa senior high pa sila. Isa si Maria sa naging ka-close ni Maia noon pero dahil sa isang hindi inaasahan na pangyayari, nawala ang closeness nila. Naging magkaibigan pa naman sila, hindi na nga lang gano'n kalapit sa isa't isa.
Nakaalitan ni Maia si Maria dahil sa isang lalaki. Pakiramdam ni Maria noon ay inaagaw ni Maia ang nobyo nitong si Leori. Ka-close din kasi ni Maia ang binata dahil nakakasundo niya ito pagdating sa mga korean nobela at maging sa iba pang pelikulang mabenta sa masa.
Pero, nakalipas na iyon. Hindi na iyon pinagtuunan ng pansin ni Maria kahit pa sobra siyang nasaktan sa biglang pag-alis ni Leori dahil na rin sa naging issue. Hindi nakatuluyan ng dalaga ang binata dahil mas pinili nitong magpunta na lamang sa Italy para makaiwas sa gulo.
"Sorry. Magulo kasi ang isip ko," tugon ni Maia.
"Iniisip mo pa rin ba ang nakaraan?" biglang tanong ni Maria.
"Hindi, hindi iyon."
"O, ang mga kaganapan ngayon?" patuloy ni Maria sabay kabig sa manebela.
Hindi sumagot si Maia sa tanong na iyon. Tama naman si Maria, iyon talaga ang gumugulo sa kanya ngayon.
"Hindi naman kailangang mawala nila Jona, they don't deserve that kind of punishment," dagdag pa nito.
"Punishment?" pagtataka ni Maia.
"For me, punishment ang nangyari, sa palagay ko may galit 'yong killer sa kanila, napakabrutal kaya ng ginawa sa kanila."
Naramdaman na lang ni Maia na nagtayuan ang mga balahibo niya. Ngayon pa lang ay na-i-imagine na niya na paano kung sa kanya mangyayari iyon? Nanginginig ang laman niya. Ilang ulit siyang napalunok ng laway at saka muling ibinalik ang atensyon sa labas.
"I'm sorry. hindi ko na dapat in-open 'yon," ani Maria.
"Okay lang," sabi naman ni Maia.
"Pero, I miss Jona and her style kung paano niya landiin din si Loeri noon," napahagikgik sa tawa si Maria subalit agad din naman itong huminto.
Nanahimik na lang si Maia. Hindi na niya kinausap si Maria dahil alam naman niyang mas lalo lang siyang ma-i-stress dito. Kilala niya ito, madalas nitong gawing katawa-tawa ang ilang bagay kahit alam nitong hindi naman dapat.
Nanatiling magaan ang awra sa loob ng sasakyan habang nasa byahe sila hanggang sa maihatid na ni Maria si Maia.
---***---
"O, ano? Game?" tanong ni Careon habang nakahawak sa nakabukas na pinto ng kanyang kotse.
Iniimbitahan nito ang mga kasamahan sa advance celebration para sa kaarawan nito kinabukasan. Wala kasi silang oras bukas kaya naisipan ni Careon na ngayon na lang nila idaos.
"Hindi ako puwede, pinauuwi na ako ni Mahal, e," pagtanggi ni Mendes. Sa kanilag apat, ito lang ang bukod tanging may kasintahan.
"Sige na, Mendes. Minsan lang naman 'to. Stress tayo sa trabaho natin kaya siguro naman ay may karapatan naman tayong mag-relax man lang," pangungumbinsi ni Mr. Domingo.
"Oo nga, sumama ka na. Hindi mo ba naiisip na maiinggit ka bukas kapag nagkuwentuhan kami kung gaano kami kasaya?" Inakbayan ni Kalaw si Mendes.
"Hindi talaga puwede, e. Baka mag-away na naman kami."
"Birthday ko, o. Alam mo namang ngayon lang tayo may time, e," gatong pa ni Careon.
Napakamot na lang sa batok si Mendes. Tiningnan niya ang tatlo, bakas sa mukha ng mga iyon ang pagtatampo lalong-lalo na si Careon. Kaya naman, hindi na siya nagsayang pa kaunting pag-iisip, mabilis siya nagdesisyon. Bahala na kung mag-away sila ng kanyang nobya basta't mapagbigyan lang ang katrabaho.
"Sige na, sige na."
Agad na gumuhit ang malapad na ngiti ni Careon.
"Tara na! Let's fight!" ani Kalaw.
Labag man sa kalooban ni Mendes ay pumasok na rin siya sa loob ng sasakyan.
"Kapag inaway ka ni GF, pakita mo lang ang muscle mo," pagbibiro pa ni Careon at saka dahan-dahang pinatakbo ang kotse.
Nagtawanan ang lahat maliban kay Mr. Domingo. Hindi naman siya KJ, sadyang malalim lang talaga ang kanyang iniisip.
---***---
Alas-onse na ng gabi ngunit ramdam na ramdam pa rin ang traffic. Nakailang topic na nga sila sa kanilang kuwentuhan pero hanggang ngayon ay nasa Barangay Tambo Parañaque pa rin sila. Sa Multi National lang naman ang uuwian ni Careon, kaunting tiis na lang.
"Kapag ako naging presidente, papagawa ako ng isang milyong fly-over, letseng traffic 'to," pagmamaktol ni Kalaw sa tabi ni Careon.
"Kapag nag-go na, dumiretso ka pa-Zapote," utos ni Mr. Domingo sa likuran.
"Ha? Anong gagawin natin sa Zapote?" nagtatakang tanong ni Careon.
"Hindi naman sa Zapote, 'yong way lang. Shortcut tayo sa Kabihasnan tapos tagos na tayo ng pa-Sucat, tapos kaunti na lang nandoon na tayo sa Multi National," dagdag pa ni Mr. Domingo na sinamahan pa ng paggalaw ng kamay habang nagpapaliwanag.
"Alam na alam, a! Nagbago ka na talaga, gumagala ka na yata!" natatawang sabi ni Kalaw sabay lingon.
"Okay, noted, turo mo na lang kung saan ako liliko," sabi ni Careon.
Mayamaya lang, umandar na rin ang mga sasakyan. Dumiretso sila sa direksyong sinabi ni Mr. Domingo. Medyo mabilis ang daloy ng trapiko dito dahil iilang sasakyan na lang ang dumaraan.
Hindi nagtagal, tinuro na ni Mr. Domingo ang lilikuan ni Careon. Agad nitong kinabig ang manebela pakaliwa. Mabuti na lamang at may alam na alternatibong daan si Mr. Domingo kaya napadali ang kanilang byahe.
"Sandali! Tabi mo muna," utos ni Mr. Domingo kay Careon.
"Bakit?" sagot nito at bahagyang binagalan ang takbo ng sasakyan.
"Iihi lang ako."
"A, akala ko kung ano." Itinabi ni Careon ang sasakyan sa tapat ng eskuwelahan bago mag-Mcdo.
Pagbaba ni Mr. Domingo ay agad siyang nagpunta sa gilid ng poste. Nilingon-lingon niya ang paligid. Kaunti na lang ang tao. Medyo madilim pa.
Binuksan na niya ang zipper at saka pinakawalan ang tubig sa katawan. Pagkatapos ay tiningnan niya muna ang mga kasama. Maglalakad na sana siya patungo sa sasakyan nila nang may mapansin siyang isang kulay itim
na van na paparating.Nagtaka siya sa bilis ng pagtakbo ng van na iyon. Nakita rin nila Careon ang sasakyang iyon na pumarada pa sa harapan nila. Nanlaki ang kanilang mga mata nang iluwa ng van ang apat na mga lalaking nakaitim, may hawak na mahahabang baril at nakamaskara ng katulad sa killer na si Domino.
Kumaway pa ang isa sa mga iyon, at ilang sandali lang...