Makalipas ang halos isang linggo ay inihatid na rin sa huling hantungan ang mga labi ni Jenny at Mike. Katulad sa mga pelikula, gano'n pa rin ang eksena sa huling pagkakataong makakasama nila ang dalawa. Iyakan, hagulgol at yakapan ang makikita.
Mahirap man tanggapin ngunit kailangan nilang gawin. Gasgas man pero ito ang katotohanan.
Samantala, nakatanaw lang si Maia sa mga taong nasa ilalim ng tent habang iniiyakan ang puntod ni Jenny at Mike na kagagawa lang. Mas pinili niyang lumayo muna at tumambay sa gilid ng puno dahil hindi niya kinakaya ang mga emosyon doon.
Pinagmamasdan niya lang ang mga naroon habang pinapaikot ang cellphone sa kamay. Hindi alintana ang mga tuyong dahon na nagbabagsakan at patuloy lang sa pag-iisip ng kung ano-ano. Bigla ring pumasok sa isipan niya ang kanyang nobyo.
Hindi pa rin niya nakakalimutan 'yong mga pagkakataong magkasama sila ni Tyron sa loob ng kotse. Hanggang ngayon, mayroon pa rin siyang pagdududa sa binata kaya hindi niya muna ito kinakausap. Nakokonsensya na nga siya dahil pakiramdam niya, masama siya dahil iniisip niyang may ginagawang masama ang nobyo niya. Pero, kaya niya bang pigilan ang sinasabi ng kanyang isipan, kung pati ang kanyang kalooban ay tila bumibigay na rin?
Napapailing na lang siya. Siguro ganito na talaga ang epekto ng lahat ng mga nangyari. Kung tutuusin, wala naman siya dapat pakialam sa sinapit nila Jona, Jenny at Mike. Sino ba sila para kay Maia? Hindi naman niya ka-close ang mga ito. Nakikiramay siya dahil iniisip pa rin niya na kahit paano, naging bahagi ng kanyang buhay senior high ang mga iyon. Sadyang nababahala lang siya dahil napapansin niya rin na halos konektado sa isa't isa ang mga nabibiktima. Hindi malabong mangyari din iyon sa kanya dahil may koneksyon siya kina Jona.
Nakaahon lang siya mula sa malalim na iniisip nang tumunog ang hawak niyang cellphone. Hininto niya ang paglalaro nito at saka tiningnan kung sino ang nagpadala ng mensahe. Napasalubong na lang ang kilay niya nang mapagtantong hindi nakarehistro sa contact list niya ang number na nasa screen ng cellphone niya ngayon.
Nag-alinlangan siyang basahin ang nilalaman ng text. Pero nagsimula siyang maging interesado roon nang madagdagan ang mensahe ng lima.
Hindi siya nakatiis. Pinindot niya ang view button at saka bumungad sa kanya ang mga katagang nagpatayo ng kanyang balahibo.
"Kaya ka nabubuhay ay para bigyang kahulugan ang kamatayan. Tutulungan kitang maunawaan ang buhay sa paraang hindi ka mabubuhay." Nanlaki ang mata ni Maia matapos itong basahin.
Awtomatikong hinanap niya ang mga kaibigan na naroon din sa tent. Tila mas mabilis pa sa hangin ang biglang pagdaloy ng kaba sa dibdib niya.
Napatayo siya. Lumingon-lingon sa paligid at saka nagpunta sa kinaroroonan ng kanyang mga kaibigan.
Dahil ayaw niyang mabulabog ang pamilya ni Jenny at Mike na ngayon ay tahimik na nagluluksa pa rin, pasimple siyang lumapit sa likuran ni Rayne.
"Rayne..." bulong ni Maia.
Humarap sa kanya si Rayne at nagtatakang tumitig sa mga mata niya sabay hawak sa magkabilang pisngi.
"Maia, namumutla ka, okay ka lang?" nag-aalalang tanong nito.
Hindi sumagot si Maia sa halip ay hinila niya palayo si Rayne. Dinala niya ito sa tinambayan niya upang mas malaya niyang sabihin ang nais sabihin nang hindi na kailangan pang tansiyahin ang lakas ng boses.
"Teka, wait. Maia, ano ba nangyayari?" Naguguluhan si Rayne sa kinikilos ni Maia. Hindi ito mapakali.
"Rayne..."
"O? Ano ba? Kumalma ka nga muna." Hinawakan ni Rayne si Maia sa balikat para patigilin ito sa paggalaw.
"Rayne... ano, m-may nag-text sa 'kin, e," ani Maia. Dali-dali nitong binigay kay Rayne ang cellphone. Naitakip na lang nito ang mga palad sa mukha sa sobrang takot.
![](https://img.wattpad.com/cover/116000771-288-k904893.jpg)