Four days later...
Maagang umalis ng bahay si Rayne, ito kasi ang itinakdang araw ng enrollment nila sa Azrovin University. Pagdating niya roon, kakaunti pa lang ang mga estudyante.
Malayo pa lang ay tanaw na niya ang kaibigang si Patty na papasok sa gate ng eskwelahan nila. Mag-isa lang ito, himalang hindi kasabay si Hans na kalapit lang din naman ng tirahan nito.
"Patty!" tawag ni Rayne habang nakaupo sa upuang mahaba na gawa sa semento. Agad na napatingin sa kanya si Patty at saka lumapit.
"Aga mo, a," ani Patty.
"Bakit hindi mo kasabay si Hans?" ani Rayne.
"Hindi ko na hinintay, maliligo pa lang, e." Tumabi pa kay Rayne ang nakasimangot na si Patty.
"Badtrip?"
"Hindi."
"E, bakit ganyan ang mukha mo?"
"Nakakainis kasi si Hans, sabi niya kagabi sabay raw kami pero na-late naman ng gising."
"Parang hindi ka na nasanay ro'n."
"Hindi na talaga ako sasabayー" nahinto ang sasabihin ni Patty nang ilang ulit siyang kalabitin ni Rayne sa tagiliran at may kung sinong tinuturo sa bandang gilid ng gate.
"Si Mike," ani Rayne.
"O, ano ngayon?"
"Hindi mo ba nababasa ang sagutan ni Jona at Jenny sa facebook dahil kay Mike?"
"Nababasa ko, natatawa na nga lang ako sa kanila, e," sabi ni Patty.
"Kawawa naman si Jenny, 'no?"
"Tanga kasi niya, magtatapos na lang tayo ng college pinagtitiisan pa rin niya 'yang si Mike. Dami naman iba diyan."
"Kasalanan din naman ni Jona 'yon, ang hilig niya manggulo ng relasyon. Mabuti na lang talaga hindi natin gano'n ka-close si Jona, baka mahawa tayo," natatawang sabi ni Rayne.
"Napansin ko nga rin, mula nang mag-college tayo, medyo umiiwas na rin si Jenny sa 'tin, baka iniisip niya siguro na lalandiin natin boyfriend niyang payatot."
"Loka ka talaga. Maiba nga tayo, anong balita kay Jake?" pag-iiba ni Rayne sa usapan.
Tinitigan naman siya ni Patty na tila nanunukso bago magsalita.
"Para-paraan, a. Hmm, si Jake? Wala pa rin. Huli nating kausap sa kanya no'ng birthday pa ni Jona, 'di ba? Walang reply sa mga text," saad ni Patty.
"Hindi nga rin nagre-reply sa 'kin, ano na naman kayang drama no'n? Ang seryoso naman niya kay Jona para magmukmok ng apat na araw." Napapailing na lang si Rayne.
"So, inggit ka?"
"No. Bakit naman ako maiinggit?"
"Aba, ewan ko sa 'yo."
Idinako na lang ni Rayne ang tingin sa malayo. Ayaw niyang makita ni Patty na totoong nai-insecure siya kay Jona.
"Tara na nga, mag-enroll na tayo," ani Rayne at nauna nang tumayo. Kinabigla naman ito ni Patty subalit agad na ring sumunod.
Lumipas pa ang mga sandali, nahuling dumating si Hans at Maia sa paaralan nila. Pero si Jake? Ni hindi nila nasilayan ang kahit anino nito. Nakapag-enroll na lang ang magbabarkada pero wala pa ring paramdam ang kaibigan nilang naging kakaiba ang kilos noong mga huling araw nilang nakasama.
Hanggang sa sumapit ang gabi, hindi maalis sa isip ni Rayne kung ano na nga ba ang kalagayan ni Jake ngayon. Hindi niya maiwasang mag-alala lalo pa't may history ang binata ng pagpapakamatay limang taon na ang nakalilipas. Wala silang kaalam-alam sa dahilan ni Jake noon kung bakit ginusto nitong mag-suicide, hanggang sa mga oras na ito ay nananatili pa ring tanong ang mga katanungan sa insidenteng iyon.
Lalong bumilis ang tibok ng puso ni Rayne nang sumagi ang nakaraan sa isipan niya. Posible kayang gawin ulit ni Jake iyon? Lalo na sa nangyayari sa kanila ni Jona ngayon?
Bakas ang pag-alala sa mukha ni Rayne hanggang sa makauwi siya sa bahay nila. Hindi na nga niya nagawang kausapin ang mga kapatid na abalang nanonood sa sala, dali-dali siyang nagtungo sa sariling kuwarto at saka muling nag-isip kung ano ang maaari niyang gawin.
"Jake... ano ba nangyayari sa 'yo? Iyan ba talaga ang epekto nang ma-basted ng katulad ni Jona?" bulong niya sa sarili.
Wala na siyang magagawa kundi ang tawagang muli ang binata at magbaka-sakaling sasagutin siya nito.
"Jake... sumagot ka!" ani Rayne habang pinakikinggan ang pag-ring sa kabilang linya.
Mayamaya lang...
"Jake! Nasaan ka ba? Nag-alala na kami sa 'yo!" Magkahalong pagkasabik at kaba ang nadarama ni Rayne nang sagutin ang tawag niya.
"Hindi ako si Jake..." Malamig at malumanay na boses ang narinig ng dalaga mula sa kabilang linya. Ngunit kakaiba ang tinig na iyon, tila limang boses na pinaghalo-halo dahil sa mala-robot na narinig niya, sa ibang salita, parang edited. Pero hindi na pinansin ni Rayne iyon, ipinagpalagay na lang niyang mahina ang signal.
"Tumigil ka nga! Nasaan ka ba? Pupuntahan kita... I mean, namin pala!"
"Domino..." Nagkasalubong ang kilay ni Rayne.
"Ha? Ano bang pinagsasabi mo?"
Hindi na narinig pang muli ni Rayne ang misteryosong tinig na iyon nang maputol na ang linya. Sinubukang tawagan ulit ng dalaga ang numero ni Jake subalit out of coverage area na ang naririnig niya.