Chapter 42

584 42 9
                                    


Nakatayo ngayon si Maia sa harap ng Carmona Building. Hindi nga nagsisinungaling ang driver sa kanya, totoong sarado na ito at mula sa labas ay mararamdaman ang mabigat na awra dito. Hindi niya iyon pinagtuunan, kung may dapat siyang intindihin, iyon ay ang nobyong si Tyron na naghihintay sa kanya.

Madilim, tahimik at wala nang katao-tao sa paligid. Nasa dulong parte na kasi ito ng Ermita at tanging mga construction worker lang ang namamalagi rito tuwing umaga.

Naglakad si Maia papunta sa likod ng building na gaya ng sinabi ni Tyron. Gamit ang flash light sa kanyang cellphone ay nakita niya ang mga nakatambak na bakal, mga gamit pang-kumpuni at ilang mga sasakyang nilamon na ng kalumaan.

Pinasadahan niya ng tingin ang buong paligid at tanging kadiliman lamang ang bumati sa kanya. Wala siyang makitang Tyron, ni hindi rin niya madama ang presensya nito sa lugar na ito.

"Tyron?!" sigaw niya. Wala siyang narinig na sagot, tanging mga kuliglig lang ang tumugon sa kanya.

"Tyron! Nandito na ako. Lumabas ka na!" pag-uulit niya.

Subalit, wala talaga. Nagkaroon tuloy siya ng pagdududa kung tama nga ba ang lugar na kanyang pinuntahan.

Para makasiguro ay sinubukan na naman niyang tawagan ang binata. Ngayon lamang niya ito naisipan dahil sa sobrang pagkasabik kanina.

Nang i-dial niya na ang numero ni Tyron ay narinig na niyang nag-ring sa kabilang linya. Pero, hindi lang niya roon narinig iyon, dahan-dahan siyang napaharap sa likuran nang marinig din ang nagri-ring na cellphone ni Tyron.

Isang lalaki ang tumambad sa kanya. Matangkad at hanggang dibdib lang siya nito. Hawak nito ang cellphone na may ilaw ang screen habang tumutunog. At ang higit na nakapagpakilabot sa kanya ay ang maskarang suot nito.

Mabilis siyang napaatras at napaapak sa putik. Nanginginig ang mga tuhod na napasandal sa abandonadong kotse sa kanyang likuran.

Hindi siya makahinga nang maayos habang nakatitig.

"Sa wakas, nagkita na tayo..." malamig na tinig ng lalaki.


Tila nanigas si Maia sa kinatatayuan. Halos magbara na rin ang lalamunan niya labis na kaba at takot.

"Kaya ka nabubuhay ay para bigyang kahulugan ang kamatayan. Tutulungan kitang maunawaan ang buhay sa paraang hindi ka mabubuhay."

Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang magsumiksik sa utak niya ang linyang iyon.

"P-please..." tanging sambit ni Maia.

Pagkatapos alisin ng lalaki ang hood na nakatakip sa ulo nito ay may kung anong patalim itong dinukot sa tagiliran.

Bago pa man ito makalapit kay Maia ay nilakasan na ng dalaga ang loob upang takbuhan ito. Pero, masyadong mabagal ang paghakbang niya dala na rin ng emosyon kaya hindi siya agad nakalayo.

Nahawakan siya sa ulo. Sinabunutan siya at sapilitang hinila pabalik kung saan sila unang nagkaharap.

"Ma-maawa k-ka na-na!" utal na sabi ni Maia habang kinakaladkad.

Hindi siya pinakinggan sa halip ay padabog na inumpog sa sasakyan.

"Ako si Domino, ang tutulong sa 'yo upang maunawaan ang buhay!"

Nasa aktong hahawakan na siya ni Domino nang may makapa siyang bakal sa ilalim ng kotse. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon at mabilis na hinataw ang lalaki sa kaliwang bahagi ng ulo. Nagtagumpay siya nang matumba iyon. Hindi niya akalaing magagawa niya ito pero mas lalo siyang nabuhayan nang makitang nahilo si Domino.

Pinilit ni Maia na makatayo. Ihahakbang na sana niya ang kaliwang paa para makatakas nang hawakan iyon ni Domino na dahilan ng kanyang muling pagbagsak.

"Hindi mo ko matatakasan!" sabay tarak ng patalim sa paa ni Maia.

Napasigaw si Maia sa sobrang sakit. Agad na tumagas ang pulang likido sa paa ng dalaga. Ang kaninang pursigidong mabuhay ay tuluyan ng nawalan ng pag-asa nang muling tumayo si Domino.

"Hu-huwag, pa-parang awa m-mo n-na..." pagsusumamo niya, subalit wala sa kilos ni Domino na pakinggan ang sinasabi niya.

Nagpunta na sa likuran niya ang lalaking tila sabik nang tuldukan ang kanyang buhay. Walang sabi-sabi ay itinapat na nito ang patalim sa leeg ng dalaga habang nakasabunot sa buhok.

Walang nagawa ang pagpalag ni Maia nang simulan nang igalaw ni Domino ang kutsilyo na parang naghahasa lang. Damang-dama niya ang nanunuot na kirot. Napatirik din ang kanyang mga mata habang nangingisay samantalang sinasabayan naman ito ng pagsirit ng dugo sa dibdib niya.

"Do you know my name, if I saw you in heaven~"

Bago siya tuluyang mawalan ng malay ay narinig niya pa ang kantang iyon.

Nang masiguro na ni Domino na wala nang buhay si Maia ay may kung ano na namang bagay ang kinuha nito sa bulsa. Isang laso, hindi kulay pula kundi kulay ube na may nakasulat ding Domino.
Itinali nito ang laso sa kaliwang paa ng dalaga at saka isinuksok ang patalim sa tagiliran.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon