Sa kalagitnaan ng tahimik na hapon ay nagising si Rayne mula sa ilang oras na pagkawala sa reyalidad. Damang-dama niya ang simoy ng hanging nanggagaling pa sa labas ng bintana. Bago kumilos, napatitig pa siya sa kisameng may iba't ibang imahe ng mga anghel na may hawak na malaking tinidor.
Dahan-dahan siyang bumangon. Hindi maipinta ang mukha niya dahil sa sakit pa rin ng ulong nararamdaman na tila tumitibok. Sinuyod niya ng tingin ang buong kuwarto. Wala siyang ideya kung nasaan siya. Basta ang alam niya lang, nasa loob siya ng silid na maraming librong naka-display sa mga dingding.
"Gising ka na pala." Napadako ang atensyon niya sa lalaking nagsalita na nakatayo sa gilid ng pinto.
"Dom? Nasaan ako?" tanong niya habang nakaupo pa rin sa kama.
"Nandito ka sa kuwarto ko. Nang himatayin ka kanina, dito kita dinala dahil walang tao sa bahay ninyo," sagot ng binata at lumapit pa ito nang kaunti.
"Walang tao sa bahay namin?" Hindi siya kumbinsido noong una kaya dumungaw siya sa bintana na kaharap lang din ng bahay nila. Natanaw niyang tahimik nga roon at nakakandado ang gate.
"Kaninang umaga, nakita ko sila na umalis. Nagtaka nga ako kung bakit hindi ka kasama. Basahin mo ang text messages sa 'yo, marami na yatang text sa 'yo ang mga magulang mo." Tinuro pa ni Dom ang ibabaw ng drawer kung saan naroon ang pouch ng dalaga na kinalalagyan ng cellphone nito.
Pagtingin ni Rayne doon, mayroon nga siyang labing isang mensahe mula sa ina niya. Nang mabasa niya ang nakalagay roon ay saka niya lang naalala kung anong araw ngayon.
"Oo nga pala," bulong niya.
Sa sobrang abala niya sa mga kaganapan ay nalimutan niyang dadalaw pala sila ng pamilya niya sa puntod ng kanyang lola. Death anniversary kasi nito pero dahil nga inumaga siya ng uwi, hindi na rin siguro nakapaghintay pa ang mga magulang niya.
"Alam kong nagugutom ka na kaya naghanda ako ng meryenda sa baba," ani Dom.
"Salamat. Pero nakakahiya naman sa mga magulang mo, baka anong isipin nila," ani Rayne, pero ang totoo, naiilang siya sa binata.
Batid niya noon pa man na may pagtingin ito sa kanya. Hindi naman siya manhid para hindi iyon maramdaman.
"Pumasok na si Papa, si Mama naman ay umalis para magpa-check up. Si Lyka lang ang kasama natin dito." Ang tinutukoy nito ay ang bunso nitong kapatid na babae.
Napatango na lang si Rayne. Marahan siyang tumayo. Napapahawak pa siya sa ulo niya dahil sa kirot.
"Pagod ka, puyat at wala pang kain kaya ka hinimatay." Sandaling napahinto si Rayne sa narinig niya.
"Paano mo nalaman?"
Tumitig muna si Dom sa kabuoan niya bago magsalita.
"Ibinubunyag ka ng kilos at hitsura mo," sabi ng binata.
Kakaiba ang pakiramdam ni Rayne kay Dom sa mga sandaling ito. Hindi niya maipaliwanag. Parang hindi siya komportable na ewan. Parang may mali na merong tama. Basta magulo. Naninibago siya sa awra ni Dom. Kapag nagsasalita kasi ang binata ay tila may kung anong nakapaloob lagi roon na kakaiba. Sabayan pa ito ng kataka-takang mukha nitong madalang lang magkaroon ng ekspresyon.
"Tama ka nga. Pagod ako at nagugutom na rin," pagkompirma niya.
"Tara?"
Nginitian lang niya ito bilang tugon. Lumabas sila ng kuwartong iyon. Pero bago sila makababa, isang kuwarto pa ang nakapukaw ng pansin ni Rayne. Naakit kasi siya sa disenyo ng pinto. Ngayon lang siya nakakita ng katulad ng nasa harapan niya ngayon.
Isang babaeng may anim na kamay at nakahubad ang nakaukit sa pintong binahiran pa ng barnis.
"Mahilig ako sa mga disenyong hindi kinahihiligan ng nakararami," sabi ni Dom.
"Ikaw ang nag-ukit niyan?" namamanghang tanong ni Rayne.
"Oo," sagot nito.
"E, 'yong nasa kisame mo? Ikaw rin ang gumawa?"
Lumapit si Dom sa pinto at hinawakan ang door knob.
"Oo, ako rin."
Napapatango na lang si Rayne. Hindi niya akalain na may talento pala sa art ang taong akala niya lang noon ay isang weird at may sariling mundo.
"Tingnan mo ang loob," sabi ni Dom at dahan-dahan nitong tinulak paloob ang pinto. Nauna itong pumasok at sumunod naman ang dalaga.
Inilibot ni Rayne ang paningin niya sa buong kuwarto. Lalo siyang namangha. Ang gaganda ng mga paintings na narito. Sa palagay niya ay ito ang imbakan ni Dom ng mga artworks.
Naglakad siya palapit sa mga obrang nakasandal sa pader habang ang iba naman ay nakadikit sa dingding. Hindi makuha ang kahulugan ng mga paintings na iyon, basta ang alam niya lang, nakagagaan ito ng pakiramdam kung pagmamasdan nang mabuti.
"Ang galing mo naman," pabulong niyang pagpuri kay Dom.
Nanatili lang sa pintuan ang binata habang isa-isa niyang sinusuri ang mga paintings. Hanggang sa makita niya ang isang bukod tangi. Madilim ang pagkakapinta at ang mas nakapagpabuhay muli sa damdamin niya ay ang mukhang nakapagitna sa frame.
Isang kulay puting maskara. Maskarang may malapad na ngiti. Maskarang kahawig na kahawig sa misteryosong nais kumitil ng mga buhay nila.
Napalunok si Rayne. Dumaloy na naman ang takot sa buo niyang pagkatao. Habang nakatitig doon ay siya namang pagkabog ng dibdib niya. Para siyang nagkaroon ng phobia sa mga maskara. Kusang umaandar ang pangamba at pagkabahala sa tuwing maiisip niya ito.
"Ayos ka lang?" Ikinabigla ito ni Rayne nang hawakan siya ni Dom sa balikat.
"O-oo, gutom lang ako," pagkakaila niya. Subalit bakas sa kanyang mukha ang nadaramang pilit niyang itinatago.
"Mabuti pa kumain ka na," wika ni Dom.
"M-mabuti pa nga." Nauna nang lumabas si Rayne sa kuwartong iyon.
Bumaba na sila sa sala at dumiretso naman si Dom sa kusina para kumuha ng maiinom. Nakahanda na rin ang mga pagkain sa lamesa. Kauupo pa lang ni Rayne nang may pumasok na babae na sa tingin niya ay mas bata sa kanya. Nagkatinginan sila. Isang malapad na ngiti ang iginawad nito sa kanya.
"Hello, ate Rayne!" Magkakilala sila. Subalit hindi gano'n kalapit sa isa't isa.
"Hi, Lyka," tugon niya.
Umupo si Lyka sa upuang kaharap niya.
"Kumusta na ang pakiramdam mo, ate? Nahihilo ka pa ba?"
"Hindi na, salamat sa inyo, a."
"Wala 'yon, magkatapat naman ang bahay natin. Sigurado ako kung ako 'yong nasa kalagayan mo, tutulungan din ako ng pamilya mo."
Natuwa na lang si Rayne kay Lyka. Parang ang bait-bait nito at mukhang masayahing tao. Malayo sa ugaling madalas pinapakita ni Dom.
"Salamat talaga," pag-uulit ni Rayne.
"Basta kapag may kailangan ka, puwede kaming makatulong ni Kuya." Hinawakan pa ni Lyka ang kamay ni Rayne.
Napansin naman ni Rayne ang nakatali sa kanang kamay ni Lyka. Bigla siyang napaisip. Biglang sumagi sa isipan niya ang mga laso na nakuha sa bangkay nina Jona na kakulay at kasukat naman ng lasong nasa kamay ng kaharap niya ngayon. Ang pagkakaiba lang, walang nakasulat dito.
