"So, ano nang plano mo?" tanong ni Hans kay Jake.
Nasa pinakadulong table sila ng isang Korean restaurant kung saan malayo sa mga tao. Matapos nilang magkita kanina sa waiting shed ay napagdesisyon nilang magpunta rito upang makapag-usap nang maayos.
Alam na ni Hans ang lahat. Napapailing na nga lang siya habang nagkukuwento si Jake kanina na medyo maluha-luha pa. Maging siya ay naguguluhan din sa mga nagaganap, para bang pinipilit ng tadhanang ipasok lahat ng suliranin sa maikling panahon lang.
"Ewan ko. Ako lang yata ang pulubing may condo." Isang kunwaring ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Jake.
"Mabuti na lang at hindi nalaman ng daddy mo na naimbitahan ka pala sa isang imbistigasyon, dahil kung nalaman niya 'yon, nako, siguradong itatakwil ka na no'n."
"Nakikinig ka ba? Tinakwil na nga ko 'di ba?" Napakamot na lang sa ulo si Hans.
"Sorry naman. E, ano palang balita ro'n sa imbistigasyon sa pagkamatay ni Jona?"
Ipinatong ni Jake ang dalawang kamay sa lamesa bago pinag-isa.
"Ang gulo. Feeling ko kagagawan talaga 'to ni Jenny, e. Gumaganti na siya, malaki ang kasalanan ko sa kanya, baka ako na ang sunod."
"Gago ka ba? Huwag ka nga magsalita ng ganyan, ang isipin mo ngayon, paano ka makakatulong na malutas ang kaso. Para na rin mawala na 'yang guilty mo sa sapilitan mong panliligaw kay Jona."
"Hans, kinabahan ako. Baka ilabas na ni Jenny ang nude pictures ko." Napayuko na lang si Jake nang maalala ang bagay na iyon. Oo nga pala, hindi pa pala tapos ang problema niya roon. Hindi pa rin pala siya ligtas sa posibleng gawin ni Jenny lalo pa't ngayong wala na si Jona.
"Ikaw naman kasi, e, bakit ka ba kasi may gano'n? Tagal na nating magkaibigan pero hindi ko alam na gano'n pala trip mo," ani Hans na napasandal na lang sa upuan.
Hindi na nakapagsalita si Jake. Nagsisisi na siya. Kung bakit ba naman kasi napakapabaya niya sa buhay niya noong maayos pa ang lahat.
"Sa tingin mo ba kaya talagang pumatay o magpapatay ni Jenny ng tao?" Inangat ni Jake ang tingin sa tanong na iyon ni Hans.
"P-pero, siya lang ang kilala kong may galit sa 'min, wala nang iba," matatag niyang sabi.
"Kasi kung talagang kaya niyang pumatay ng tao, bakit hindi niya pa ginawa noon? Tsaka mukha namang takot din si Jenny kasi tingnan mo, kung talagang desidido siya, bakit napatagal ang pamba-blackmail niya? Ilang ulit ka rin niyang binigyan ng chance."
"Oo nga, pero... basta magulo."
Tumingin-tingin muna si Hans sa paligid kung may makakarinig ba ng kanyang sasabihin.
"Alam mo, Jake, kanina ko pa 'to naiisip," pabulong na sabi ni Hans na bahagyang inilapit ang mukha sa kaibigan.
"Ang alin?" nagtatakang tanong nito.
"Ewan ko lang, a, bigla ko lang kasi itong naramdaman kaninang umaga no'ng pumutok ang balita. Hindi kaya, may kinalaman 'yong Tyron na isa rin sa mga lalaki ni Jona?"
Sinubukang alalahanin ni Jake ang pangalang iyon subalit hindi niya matandaan kung may kakilala ba silang Tyron.
"Ha? Sinong Tyron?" tanong niya.
Ngayon lang na-realize ni Hans na hindi pala ito kilala ni Jake dahil wala siya noong mga sandaling nakausap nila si Tyron.
"Umuwi ka kasi no'ng birthday ni Jona, e. Si Tyron, nakilala namin no'ng mismong pauwi na kami, wala kaming masakyan dahil iniwan mo kami tapos siya ang nag-volunteer na isakay kami sa sasakyan niya," saad nito.
"O, tapos?"
"Isa siya sa mga lalaking naging kalandian ni Jona. At medyo bitter nga siya, e. No'ng pinag-uusapan namin si Jona na umiiyak parang masaya pa siya, mukhang may lihim 'yon na galit kay Jona." Biglang namuo ang kuryosidad ni Jake dahil sa narinig niya.
"Sigurado ka ba diyan?" naiilang na tanong ni Jake.
"H-hindi ako sure, sinasabi ko 'to kasi baka isa ito sa dapat ding imbistigahan."
"Teka, nasabi ba sa inyo kung saan siya nakatira, pati buo niyang pangalan?"
"Ba't naman niya sasabihin? Hindi naman namin siya in-interview," ani Hans. "as in nakilala lang namin siya on the spot, no choice kami that time, iniwan mo kasi kami."
Hindi muna nagsalita si Jake. Nadagdagan na naman ang iniisip niya. Nagkakandabuhol-buhol na ang mga ideya sa utak niya.
"Pero, puwede ring si Mike. Hindi mo na siya ma-contact, 'di ba? Baka bina-blackmail na rin siya ni Jenny kaya hindi siya nagpapakita sa 'yo ngayon." Lalo siyang naguluhan sa sinabi nitong si Hans.
"Hindi, hindi puwedeng si Mike. Matangkad na lalaki ang suspect," pagtutol ni Jake.
"Malay mo naman."
"Ginugulo mo utak ko, e!" Napalakas ang pagkakasabi ni Jake kaya nagambala ang ibang kumakain sa kalayo nilang table. Napatingin sa kanila ang mga iyon. Nginitian na lang ni Hans ang mga iyon bilang paghingi ng pasensya.
"Hindi ba tayo o-order?" pag-iiba ni Hans ng usapan.
"May pera ka?"
"Ikaw mayaman diyan, e."
"Kinuha nga wallet ko, 'di ba?"
"Tsk. Gutom na ko, sama ka na lang sa 'kin, lamon tayo sa bahay."
Natapos na ang pag-uusap ng dalawa. Lumabas na sila roon at sinimulang mag-abang ng masasakyan patungo kina Hans. Sasama na lang siya rito kaysa naman bumalik siya sa condo unit niya. Mas mainam na ito, kahit paano ay may makakausap siya, medyo tanga nga lang nang kaunti.
Panay ang punas nilang dalawa sa noo nila gamit lang ang kamay dahil sa mga butil ng pawis. Mukhang pahirapan ang makasakay ngayon base sa mga jeep na nakikita nilang halos nakasabit na ang ibang pasahero.
"Wala tayong masakyan, sanay ka bang maglakad?" tanong ni Hans kay Jake habang nakatayo sila sa gilid ng kalsada.
"Hindi," tipid niyang sagot.
"Kunsabagay, gabi-gabi kang may nasasakyan."
Hindi na pinansin ni Jake ang sinabi ni Hans. Dinukot na lang niya sa bulsa ang kanyang cellphone nang maramdaman niyang nag-vibrate ito.
Tiningnan niya ang screen ng cellphone at nabatid niyang may nag-text.
"Nakamaskara ang pumatay kay Ms. Jonalyn Alcantara. Katulad na katulad sa maskarang sinabi mo at base sa witness na nakausap namin kanina, matangkad din. Wala ka na ba talagang naalala na iba pang may galit sa biktima? Malaki kasi ang posibilidad na kilala kayo ng suspect. Bukas ng umaga magpunta ka ulit dito." Mensahe mula kay Mr. Domingo.
Napatingin siya kay Hans. Hindi naman nakuha ng kaibigan niya ang tingin na iyon.
"O, bakit?" tanong ni Hans sa kanya.
"Iniimbitahan ulit ako ni Mr. Domingo sa station nila," sagot niya.
