Chapter 33

609 35 2
                                    


Wala nang katao-tao sa daan, tahimik at tanging huni na lamang ng mga kuliglig ang maririnig sa paligid. Subalit, hindi iyon nakaapekto para mangamba si Mr. Domingo.

Dala niya ang flashlight na itinututok pa sa mga sulok-sulok ng kadiliman. Hindi niya alam kung sino ang hinahanap niya sa lugar na ito basta't kusa na lamang siyang dinala ng kanyang mga paa rito.

Nang mahagip niya ng tingin ang kaliwang kalye ay napahinto siya sa paglalakad. May dalawang bata. Kumunot ang noo niya. Nagtataka at nalilito.

"Hoy! Gabing-gabi na. Bakit nasa labas pa kayo? Sino ba mga magulang n'yo?" Nilapitan niya ang mga iyon.

Nakatingin lang sa kanya ang batang babae habang nakatalikod naman ang batang lalaki.

"Inaaway niya po ako!" sumbong ng batang babae na bakas sa mukha ang pag-iyak.

Hinawakan ni Mr. Domingo sa balikat ang batang lalaki at dahan-dahan itong humarap. Napaatras siya nang makita ang mukha nito habang nanlalaki ang mga mata.

"Masaya po akong may nasasaktan," wika ng batang lalaki at saka biglang sinakal ang kapwa musmos.

Hindi na nagawang awatin pa ni Mr. Domingo ang mga ito. Sa sobrang pagkagulat ay parang napako siya sa kinatatayuan.

Nanigas siya habang pinanonood ang pananakit na ginagawa ng batang lalaki.

"Hindi ko po mapigilan!" Halos mamatay na ang batang babae sa sakal ng kapwa bata na nasa ibabaw niya.

Nagsimulang manginig ang mga labi ni Mr. Domingo. Ilang sandali lang, may kung anong bagay ang lumipad patungo sa mukha niya dahilan para muli siyang matauhan. Nang tanggalin niya iyon ay isang binatilyo naman ang bumungad sa kanya. Sa palagay niya ay teenager pa lamang ito.

Pero ang mas kinabahala niya ay ang biglang pagbabago ng paligid. Sinuyod niya ang buong kuwarto. Tama. Nasa loob siya ng kuwartong tanging flashlight lang niya ang nagsisilbing liwanag.

Napatingin din siya sa binatilyong nasa sulok habang nasisilaw sa pagkakatama ng liwanag sa mukha nito.

"Patayin mo ang ilaw. Sanay ako sa dilim," sabi ng binata.

Hindi niya iyon sinunod. Sa halip, hinanap niya ang pinto palabas.

"Wala kang makikitang pinto. Nasa loob tayo ng silid kung saan habambuhay ka nang nakakulong."

"Hindi!" pagtutol ni Mr. Domingo. Hindi siya nagpatinag sa sinabi ng binatilyo. Ngunit ang pagsisikap niyang makalabas ay nauwi lamang sa masaklap na katotohanan. Wala ngang lagusan. Puro dingding. Ni bintana ay wala rin.

"Para sa kanila ay mas
mainam nang ikulong kaysa makasakit."

Napahawak na lang si Mr. Domingo sa ulo niya. Sumandal siya sa dingding at paulit-ulit na umiling.

Sa kalagitnaan ng pagtataka ay naramdaman niyang sumisikip ang kanyang dibdib. Nahihirapan na siyang huminga. Damang-dama na rin niya ang namamasang likod dahil sa pawis na tila ipinaligo.

"Manahimik ka!" sigaw niya kasunod ng pagmulat ng mga mata. Napabangon siya at hinahabol ang paghinga.

Napabulong na lang siya ng pasasalamat nang mapagtantong isang mapaglarong panaginip lamang iyon.

Bumaba siya sa kusina para kumuha ng maiinom. Habang nilalagok ang isang baso ng tubig ay nagpupumilit na ring magsumiksik ang kahulugan ng kanyang panaginip.

"Senyales," aniya.

Naglakad siya sa sala. Pinindot niya ang switch na nakakabit sa pader upang magliwanag ang buong paligid.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon