Chapter 21

647 52 17
                                    


Two hours later...

Hindi mapakali si Jake sa kinuupuan. Kanina pa siya lingon nang lingon sa kung saan-saan. Naguguluhan na nga sa kanya si Rayne na kanina pa siya pinagmamasdan.

"Jake? Okay ka lang?" biglang tanong ng dalaga sa kanya.

Bago siya sumagot ay sinubukan niya ulit suyurin ang paligid.

"Hindi..." tipid niyang tugon.

"Bakit? Gusto mo sayaw na lang tayo?" pag-aaya ni Rayne.

Pero.

"Rayne, may nakita akong lalaki kanina na nakamaskara, 'yong maskara niya ay katulad na katulad doon sa maskarang ginamit noong pinatay si Jona, malakas pakiramdam ko na nandito 'yong killer! Isusunod na niya ako!" Tinanggal niya pa ang half mask na suot niya.

"Ha? Si-sigurado ka?" naguguluhang tanong ni Rayne.

"Oo, mukha ba akong nagbibiro?" May kaunting inis sa tinig ni Jake.

"A-anong gagawin natin? 'Nu ba 'yan?!"

"Kailangan ko na umalis dito." Tatayo na sana si Jake nang may pumigil sa kanya sa likod.

"Hep! Kararating lang namin," sabi ng boses babae.

"Maia? Ano 'yan?" Nabigla si Rayne nang makitang may ka-holding hands si Maia na lalaki. Matangkad ang lalaki at hindi maikakaila ang kaguwapuhan nito. Kilala ito ni Rayne. Ito ang lalaking pa-cool noong kaarawan ni Jona.

"Sino 'yang kasama mo?" tanong ni Jake.

Ngumiti muna sa kanila si Maia bago nagsalita.

"Ay, oo nga pala, hindi mo pa pala siya kilala. Meet my boyfriend, Tyron," buong pagmamalaking wika ni Maia.

"Kailan pa?" Salubong ang kilay ni Rayne nang tapunan niya ng tingin ang binata.

"Kahapon lang, humabol kami sa valentines," sagot ni Tyron.

Tumayo si Jake. Humarap siya sa binata at pinagmasdan ito mula ulo hanggang paa.

"Jake, boyfriend ko 'to," gumitna si Maia sa pag-aakalang may gagawing hindi maganda si Jake.

"Bakit, brad?" tanong ni Tyron.

"Jake?" sabi naman ni Rayne.

"Ahm, nice to meet you..." pag-iiba ni Jake.

Nakahinga nang maluwag ang dalawang dalaga. Kilala kasi nila si Jake, lahat ng gusto nitong pag-trip-an ay talagang pinagti-trip-an niya.

"Nice meeting 'you din, brad." Isang pilit na ngiti lang ang pinakita ni Tyron.

"Okay, okay, sayaw muna kami, inggit kami ro'n sa dalawa, e," ani Maia na tinuro pa si Hans at Patty habang sinasabayan ang lovesong.

Umalis ang dalawa, napapailing na lang si Rayne kay Maia. Ni wala nga silang nabalitaan na nagpaligaw siya kay Tyron tapos magkasintahan na pala sila.

"Uuwi na ko." Nabigla na lang si Rayne nang maglakad palabas si Jake.

Tinanggal niya ang suot na maskara at saka sumunod sa binata. Halos matapilok na rin siya sa pagmamadali maabutan lang si Jake.

"Jake, wait!" sigaw niya sabay hawak sa braso ni Jake.

"Bumalik ka na sa loob, kailangan ko nang makaalis dito. Kanina pa ako kinakabahan, Rayne," ani Jake nang harapin niya ang dalaga habang nakatayo sila sa harap ng bar.

"Delikado kung mag-isa ka, Jake. Ikaw na rin nagsabi na baka nandito na 'yong killer, e," buwelta ni Rayne.

"Ano bang magagawa mo?" sarkastikong ganti nito.

Sandaling napahinto si Rayne sa narinig.

"I know, wala akong magagawa.
P-pero, ibig kong sabihin, sabay-sabay na lang tayo. Hindi ka naman mapapahamak kung nasa loob ka dahil maraming tao ro'n."

"Iyon na nga, e. Ang daming tao, kaya hindi ko alam kung sino sa kanila ang sasaksak sa 'kin o babaril sa 'kin. Kaya mabuti pa, umuwi na lang ako," pagmamatigas niya.

"Please..."

"Huwag ka nang makulit, kaya ko sarili ko."

"Ihahatid na lang kita."

Nagkasalubong ang kilay ni Jake sa sinabi ni Rayne.

"Are you stupid?" Hindi na niya hinintay na makasagot ang dalaga. Pinagpatuloy na lang niya ang paglalakad. Subalit, sadyang makulit itong si Rayne. Hindi niya tinantanan ang binata hanggang sa unti-unti na silang makalayo sa bar.

"Bahala ka! Ihahatid kita sa sakayan!" ani Rayne habang pilit na pinapantayan si Jake.

"Bahala ka sa buhay mo."

Paliko na sila sa isang eskinitang walang katao-tao, tahimik na rin ang paligid at tanging mga nagkalat na basura na lang sa gilid ang makikita sa daan. Hindi naman madilim, pero hindi rin naman gano'n kaliwanag.

Ngayon lang na-realize ni Jake na hindi siya dapat dito dumaan. Hindi siya sanay sa mabaho. Dahil sa pagmamadali, dala na rin ng kabang nararamdaman at samahan pa ng pamimilit ni Rayne, hindi na tuloy niya namalayan na dito na pala siya dinala ng kanyang mga paa.

Ilang saglit pa, kapwa sila napahinto ni Rayne nang biglang may lumabas na tao sa likod ng poste. Nanlaki ang mata ni Jake, nagsimula na ring pumatak ang ilang butil ng pawis niya sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Napahawak naman si Rayne sa braso ni Jake.

"O, fuck!" bulalas ni Jake nang tumambad sa kanila ang kanina lang ay hinahanap niya sa venue.

Dahan-dahan siyang napaatras, maging si Rayne ay nagsimula na ring ihakbang ang mga paa pabalik.

Nakatayo lang sa harap nila ang lalaking nakamaskara habang nakatukod sa semento ang dulo ng samurai na hawak nito.

Muli itong kumaway at pagkatapos ay inilagay nito ang kanang kamay sa dibdib at saka sandaling yumuko.

Hindi na nagsayang ng oras si Jake at Rayne. Agad silang kumaripas pabalik sa dinaanan nila kanina. Samantala, naglakad lang ang misteryosong lalaki. Ikinukumpas pa nito ang hawak na samurai sa hangin at paminsan-minsa'y umiikot-ikot na parang sumasayaw.

Binilisan pa ng dalawa ang pagtakbo, pero sadyang nakadikit sa kanila ang kamalasan ngayon nang makatapak si Rayne ng lata. Nadapa ito at saka lumagapak ang puwet sa semento na siyang nagpahinto sa kanilang dalawa.

"Tumayo ka!" natatarantang sabi ni Jake dito.

"Jake! Nandiyan na siya!" Namilog ang mata ng dalaga nang makitang palapit na ang killer sa kinaroroonan nila. Hindi na iyon basta naglalakad, tumatakbo na ito na parang nagdya-jogging lang.

"Shit! Takbo!" ani Jake na nagdadalawang isip na lumapit kay Rayne. "Rayne! Dalian mo!"

"Jake, hintayin mo ko!" Kaunti na lang! Maaabutan na sila.

"Rayne!!!"

Malapit na...

"Jake!!!"

Pero... buong akala ni Rayne ay mamamatay na siya. Nagkaroon ng pagkakataon si Jake na makalapit sa kanya nang biglang napahinto ang misteryosong lalaki sa pagtakbo. Hindi nila alam kung bakit, basta nakita na lang nila iyon na nakatingin sa isang pusang nasa gilid.

Agad na inalalayan ni Jake ang dalaga. Bago makaalis sa lugar na iyon ay sandali nilang nilingon ang humahabol sa kanila. Naguguluhan sila sa lalaking iyon kung bakit hindi iyon makadaan nang dahil lang sa isang pusa. Pero gano'n pa man, hindi nila iyon inisip pa, ang mahalaga ay ang makatakas sila.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon