Chapter 16

755 51 17
                                    


Napalapit nang kaunti si Jake nang makita ang lalaking bumangga sa kanya na nasa gilid ng kanyang kotse. Maging si Mr. Domingo rin ay tutok na tutok ang mga mata sa monitor kung saan naroon ang lalaking pilit binubuksan ang pinto ng White Toyota Vios ni Jake. Ang isa pa sa nakapukaw ng atensyon nila ay ang bawak nitong bagay.

"Teka..." sabi ni Jake na hindi na nakatiis at talagang inilapit na ang mukha sa monitor.

Kumpirmado. Ngayon alam na ni Jake kung kanino nanggaling ang maskarang nasa loob ng sasakyan niya.

Ilang sandali pa, nakita na lang nila na nabuksan na ng lalaki ang kotse ni Jake at saka dali-daling hinagis sa loob ang hawak na maskara. Sa palagay ni Mr. Domingo, mukhang planado ng suspect ang gagawin dahil nakasuot ito ng guwantes. Halatang-halata rin na alam nito kung nasaan nakatutok ang mga CCTV camera kaya nagagawa nitong iwasan ang mga iyon.

"S-sa kanya! Sa kanya pala galing 'yong maskara." Napalingon sa kanya si Mr. Domingo.

"Nasaan na 'yong maskara?" tanong nito.

"Wala na. Tinapon ko sa ilog. Hindi ko naman alam kung para saan 'yon, e. Basta, kulay puti 'yon tapos may balbas at bigote at nakangiti nang malapad."

"Hindi mo ba talaga namukhaan?"

"H-hindi talaga."

Muling ibinalik ni Mr. Domingo ang atensyon sa monitor. Matapos mailagay ng lalaki ang maskara sa sasakyan ay agad na itong naglakad palayo hanggang sa mawala na ito sa camera.

Doon na natapos ang pagre-review nila. Sinubukan na rin nilang humanap pa ng ibang anggulo para makilala ang lalaki ngunit talagang iwas na iwas iyon sa camera. May mga CCTV footage naman silang nakita na nasa loob iyon ng bar subalit sinadya ng lalaki na pumuwesto sa madilim na parte para hindi makilala.

Base rin sa napansin nila, nauna lang nang kaunti ang misteryosong lalaki kay Jake sa pagpasok sa naturang bar. Ang pagpasok at paglabas nito ay halos kinse minutos lamang ang pagitan.

Lumabas na sila ng silid na iyon. Bilang dagdag kooperasyon, binigyan pa sila ni Primo ng kopya ng CCTV bago sila ihatid sa labas ng bar.

Malalim ang iniisip ni Mr. Domingo habang tinatahak nilang muli ang daan pabalik sa istasyon. Totoo nga, hindi nga si Jake ang talagang nag-reply sa biktima kundi ang lalaking kanina lang ay nasa monitor. Walang kinalaman sa krimen si Jake. Malinis na ang pangalan niya.

"Wala ka bang natatandaan na may nakaaway itong si Ms. Alcantara na iba pa?" biglang tanong niya kay Jake sa likod. Napaisip naman ito na tila may sinisisid sa isipan.

"W-wala. Wala siyang nasabi sa akin bukod kay Jenny," sagot niya.

"Domingo, hindi ba't may pagkamalandi 'yang si Ms. Alcantara? Hindi kaya isa sa mga nilandi niya noon ang pumatay sa kanya?" Si Careon naman ang nagsalita habang nagmamaneho.

Napaisip si Mr. Domingo.

"Pero, kahit kailan walang sinabi sa 'kin si Jona na meron siyang nakaalitan kahit isa sa mga naging kalandian niya. Lahat ng mga 'yon ay nag-enjoy kay Jona kaya malabong gantihan siya ng mga iyon. Iyon ang sabi niya sa 'kin dati," saad ni Jake

"Gaano mo ka-close si Jenny Manawag?" tanong ni Mr. Domingo sa kanya.

"Hindi siya ang close ko kundi si Mike. Pero minsan nagkukuwento siya kaya may ilan akong alam sa buhay niya."

"Sa palagay mo, gaano siya kayaman?"

"Mayaman din siya. May negosyo ang mga magulang niya sa Cebu, may sarili din silang resort sa Tagaytay."

Tila may pumasok namang ideya sa utak ni Mr. Domingo.

"May kapatid ba siyang lalaki o close na pinsang lalaki?"

Sandaling napaisip si Jake sa tanong na iyon.

"Sa pagkakaalam ko, wala. Babae ang kapatid niya na mas matanda sa kanya. Pero wala akong nabalitaan na may mga pinsan siyang lalaki," sagot niya.

"Kung si Jenny Manawag ang nag-iisang may galit kay Jonalyn Alcantara, maaaring siya rin ang may pakana ng lahat. Noong una, hindi niya kaya na siya mismo ang gumawa ng hakbang para makaganti sa biktima kaya ka niya ginamit, ikaw ang plan A niya, mukhang ginawa na niya ang Plan B. Isa pa sa dahilan ay gusto ka rin niyang pahirapan bilang ganti sa pagtulong mong magkalapit ang boyfriend niya at itong si Jonalyn Alcantara," saad ni Mr. Domingo.

"Kung siya ang may pakana, anong kinalaman ng lalaking bumangga sa 'kin at nag-text kay Jona?" nagtatakang tanong ni Jake.

"Ikaw na rin ang nagsabi na mayaman si Jenny Manawag. May kakayahan siyang magbayad para patayin ang nais niyang patayin. Pero isa pa sa tinitingnan kong anggulo ay 'yong pamilya niya. Baka isa sa pamilya nilang lalaki ang gumawa no'n. Sa ngayon, blangko pa sa akin kung ano ang motibo ng lalaki sa paglalagay ng maskara sa kotse mo. Basta ang kutob ko rito, may kaugnayan si Jenny Manawag sa lalaking bumangga sa 'yo at dumukot ng cellphone mo." Nilingon pa nito si Jake sa likuran.

"Ibig-sabihin... kaya niya dinukot ang cellphone ko ay para i-text si Jona at ako ang madiin sa kaso." Napalunok pa si Jake.

"Exactly. Pero nagkamali siya ng ginawa. Pinatay niya ang biktima sa mga oras na mapapatunayang malayo ka sa pinangyarihan ng krimen. Masyado ring halata ang pagbangga niya sa 'yo, mukhang nagmamadali siya at hindi na niya naisip iyon."

Napahinto sa pagsasalita si Mr. Domingo nang tumunog ang cellphone niya sa bulsa. Agad niya iyong kinuha at sinagot ang kung sino mang tumatawag.

"Hello, Kalaw?" bungad niya sa kabilang linya.

"May good news, hindi ko man nahanap ang unang nakakita sa bangkay ng biktima pero meron akong nakausap, nakita niya raw kung paano patayin si Ms. Jonalyn Alcantara, may witness na tayo." Napatingin si Mr. Domingo kay Careon na abala sa pagmamaneho.

"Okay, pabalik na kami ng istasyon, isama mo siya roon."

"Okay, sige." Pinindot na niya ang end call.

"Anong sabi, Domingo?" tanong naman ni Careon nang mabakasan sa mukha ni Mr. Domingo ang kaunting sigla.

"May nahanap daw na witness si Kalaw," sagot niya.

"Talaga?"

"Oo, Careon. Unti-unti na nating mabibigyang linaw ang pagkamatay ni Ms. Jonalyn Alcantara."

Nakaramdam ng pag-asa si Jake. Dahil sa narinig niya ay lalong lumakas ang paniniwala niyang malapit nang mahuli ang pumatay kay Jona. Kaunting kapa na lang.

"Ikaw? Saan ka na?" biglang tanong ni Careon kay Jake na hindi man lang siya nilingon.

"Puwede na ba akong umuwi?" tanong ni Jake.

"Oo, pasensya na sa abala. Salamat sa mga impormasyon mo. Kung may mga nalalaman ka pa, puwede mo pa kaming tulungan." Si Mr. Domingo na ang sumagot.

"Mahalaga rin sa 'kin si Jona kaya tutulong ako, hahanap lang ako ng iba pang impormasyon," matatag niyang tugon.

"Salamat kung gano'n," ani Mr. Domingo at saka tumango lamang kay Jake.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon