Ipinasok ni Jake ang kanyang ulo sa nakabukas na bintana ng sasakyan ni Tyron. Habang tinatawagan ni Hans ang numerong nag-text kay Maia ay naririnig nila na may nagri-ring mula sa back seat ng kotse. Litong-lito ang magkasintahan, dahil pati si Tyron ay nilamon na rin ng kuryusidad, binuksan niya ang pinto sa likod. Mula roon ay tumambad sa sahig ng kotse ang isang malapad na cellphone na tumutunog habang umiilaw.
Kinuha ni Tyron ang cellphone at takang-taka ang mukha niyang sinuri ito. Awtomatiko namang napalapit si Jake at saka inagaw ang cellphone at tinapunan nito ng makahulugang tingin si Hans. Iisa ang ideyang tumatakbo sa isip nila nang magtama ang kanilang mga mata.
"Bakit nasa loob ng kotse mo ang cellphone na ginamit na pan-text kay Maia?" Mararamdaman ang pag-aakusa sa tinig ni Jake. Gulong-gulo naman ang tatlong babae lalong-lalo na si Maia.
"H-hindi k-ko alam," pagtanggi ni Tyron na ilang ulit pang umiling.
Nagsarado ang kamao ni Jake at mabilis na dumapo sa pisngi ni Tyron na siyang nagpadikit dito sa gilid ng kotse.
"Sabi ko na nga ba!" Sinakal ni Jake si Tyron habang nanlilisik ang mga matang nakatitig.
Mabilis na umawat si Maia sa dalawa subalit masyadong malakas sa mga sandaling ito si Jake. Tumulong na nga rin si Rayne at Patty ngunit hindi pa rin umubra ang mga ito.
"Tama na!" sigaw ni Maia habang pilit na inaalis ang kamay ni Jake sa leeg ng kanyang nobyo.
"Jake! Stop!" ani Rayne na nagsusumikap na hilahin ang binata.
"Hans! Tawagin mo 'yong guard! O kaya tawagan mo si Mr. Domingo!"
Mula sa pagkabigla ay saka lamang natauhan si Hans dahil sa utos ni Jake. Dali-dali itong tumakbo sa entrance ng building para tawagin ang dalawang guwardiya na naroon.
"Wa-wala a-a-akong al-am!" sabi ni Tyron na ngayon ay pulang-pula na ang mukha.
"Huli ka na! H'wag ka nang magkaila!"
Kaunting minuto na lang ay malapit nang malagutan ng hininga si Tyron. Kaya, napilitan itong pumalag upang makawala sa pagkakasakal ni Jake. Sinuntok nito si Jake sa sikmura. Nagtagumpay ito nang mapaupo si Jake sa semento dahil sa sobrang sakit.
"Tama na please! Please!" Niyakap ni Maia si Tyron at bahagyang inilayo.
"Maia... lu-mayo k-ka diyan, ki-killer 'yan!" ani Jake na nakahawak sa tiyan habang namimilipit sa sakit. Nakaalalay naman sa kanya si Rayne samantalang hindi naman malaman ni Patty ang kanyang gagawin.
"Hindi ko alam sinasabi mo! Wala akong alam! Hindi akin ang cellphone na 'yan!" paninindigan ni Tyron. Dedepensahan pa sana niya ang kanyang sarili ngunit naalarma siya nang matanaw na paparating na ang dalawang guwardiya.
Natakot siya. Kaya ang tanging pumasok sa isipan niya ay tumakbo palayo. Binitawan niya si Maia at walang sabi-sabing umalis.
"Habulin n'yo 'yon!" sigaw ni Hans habang tinuturo si Tyron na tumatakbo.
Wala na si Tyron nang maka-recover si Jake, kaya ang pinagbalingan niya ay si Maia na ngayon ay napapahagulgol na lang.
"Siya ang pumatay kina Jona! Hindi mo siya kilala, Maia!"
"Jake, huwag mo na sigawan si Maia." Hinawakan pa ni Rayne ang binata sa braso.
"Hindi! Hindi 'yan totoo!" Pilit niyang pinaniniwala ang kanyang sarili na inosente ang kanyang nobyo.
"Tanga ka ba!? Hindi pa ba malinaw sa 'yo ang lahat? Sa tingin mo bakit mapupunta ang cellphone na ginamit para i-text ka? Ano 'yon? Gusto ka lang niyang i-good time? Huwag ka ngang tanga!" Gigil na gigil siya na kulang na lang ay pati si Maia ay sapakin na rin.
Ang cellphone naman ang pinagtuunan ni Jake. Kinalkal niya ito at nakita niya sa mga sent items ang anim na text na ipinadala kay Maia. Kumpirmado na talaga na ito ang ginamit ng killer, o ni Tyronーsa isip-isip ni Jake.
"Natawagan mo na ba si Mr. Domingo?" biglang tanong ni Jake kay Hans.
"Oo, pupunta na raw siya."
"Inosente si Tyron!" pagpupumilit pa rin ni Maia.
Lumapit nang kaunti si Jake sa dalaga.
"Mahal mo siya kaya mo siya pinagtatanggol!"
"Kung siya nga ang killer, ano naman ang dahilan niya? Wala?!"
"Siya ang tanungin mo!"
Hinarangan na ni Hans si Jake at unti-unting inilayo.
"Please! Tama na, o!" pakikiusap ni Rayne.
Ngunit hindi pa rin natahimik ang kalooban ni Jake. Hindi siya kontento sa nalaman niya kaya pumasok siya sa loob ng kotse ni Tyron upang mag-inspeksyon.
Habang pinapatahan ni Rayne at Patty ang kaibigang si Maia ay tumulong na rin si Hans sa paghahanap ng maaari pang magdiin kay Tyron sa mga kasong hanggang ngayon ay nananatili pa ring tanongーna malapit nang mabigyan ng sagot.
Hinalughog ng dalawa ang loob ng kotse. Sa sulok-sulok pati na rin sa mga drawer sa front seat. Wala silang nakita roon. Pero nang mapadako ang tingin ni Jake sa mga upuan ay tila may kung anong umakit sa kanya para pakialaman iyon. Una niyang inangat ang upuan sa driver seat, nabigo siya nang wala pa ring tumambad sa kanya. Sinunod naman niya ang katabing upuan, at kagaya ng inaasahan... mula sa ilalim ng upuan ay binati siya ng isang kulay puting maskara na nagpapakita ng malapad na ngiti. Mas lalo pang nanginig ang laman niya nang makita rin ang isang kutsilyo na katabi ng maskara. May kaunting bakas ang kutsilyong iyon na sa palagay ni Jake ay dugong natuyo.
"Hans!" tawag nito sa kaibigang nasa labas na tumitingin sa ilalim ng kotse.
"Bakit?" Kapwa sila nagkatinginan sa panibago pa nilang nadiskubre.
"Ito na 'yon!"
"Anong gagawin natin?" natatarantang sabi ni Hans.
Lumabas si Jake sa sasakyan at dali-daling hinila si Maia para ipakita ang ebidesya.
"Halika! Tingnan mo 'to!" Hawak niya ang kamay ng dalaga na halos kaladkarin na nito papunta sa kanang pinto ng kotse sa bandang unahan.
"Jake, ano ba! Nasasaktan si Maia!" Sinubukang pigilan ni Patty ang binata pero wala rin siyang nagawa.
Nang mailapit na ni Jake si Maia ay galit na galit niyang ipinakita sa dalaga ang maskara at kutsilyo.
"O, 'yan ang hanap mo, 'di ba? Ebidensya!"
Lalong napaiyak si Maia sa kanyang nasaksihan. Napaupo na lang siya at inalapat ang dalawang palad sa mukha. Agad namang inasikaso ni Rayne at Patty ang dalaga.
"Hindi mamamatay tao si Tyron! Hindi!" Biglang tumayo si Maia, hinawi niya ang kamay ng dalawa at saka tumakbo palayo.
"Maia!" sigaw ni Rayne at sumunod ito, gano'n din si Patty.