Chapter 48

604 40 20
                                    


Pagkatapos magpaalam sa mga magulang ni Maia ay sabay-sabay na umuwi ang magkakaibigan. Nakasakay sila ngayon sa loob ng taxi habang kanya-kanyang bitbit ng pusa. Nagtataka nga sa kanila ang driver kung bakit may dala silang pusa na hiyaw nang hiyaw.

"Huwag ninyong bibitawan 'yan, hindi puwedeng mawala sa inyo ang mga pusa na 'yan," paalala ni Jake sa tatlo habang nakaupo sa front seat at nakalagay sa hita niya ang pusang kulay itim.

"Sigurado ka bang epektibo 'to?" nag-aalangang tanong ni Hans sa likod.

Sandaling nilingon ni Jake ang mga kasama sa likuran.

"Nasabi ko na sa inyo ang dahilan, takot siya sa pusa." Tiningnan pa nito si Rayne na hinihimas-himas pa ang ulo ng hawak niyang pusang puti.

"Tama si Jake," pagsang-ayon ni Rayne.

"Sure kayo na pusa 'yong dahilan kung bakit siya napahinto no'n? Baka naman nakatapak lang siya ng bubog?" dugtong pa ni Hans.

"Hans naman." Sinaway siya ni Patty.

Napakamot na lang si Hans sa ulo at saka tumahimik.

"Puwede bang doon na lang kayo sa condo ko matulog? Para sabay-sabay na tayong pupunta bukas sa burol ni Maia?" tanong ni Jake.

"Baka hindi ako payagan," sagot ni Rayne.

"Sige na, Rayne. Sumama ka na, para lang din 'to sa kaligtasan nating lahat," sabi ni Jake sabay tingin sa kanilang dinadaanan.

"Sige na, sis. Sama ka na, ako na lang bahalang magdahilan kay Tita," gatong ni Patty.

Napatango na lang si Rayne.

"Okay, pero, puwede bang dumaan muna tayo sa amin? Para makakuha na rin ako ng susuotin ko at makapagpaalam na rin?"

"Sige," ani Jake.

"Bro? Maipapasok ba natin 'tong mga pusa na 'to sa condo mo?"

"Akong bahala, kilala ko ang guwardiya roon," kampanteng sagot nito.

Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay isang katahimikan na ang bumalot sa kanila. Tanging mga pusa na lang ang maririnig sa loob ng taxi.

At dahil maganda ang daloy ng trapiko ngayon ay nakarating na rin sila sa barangay nila Rayne. Pasado alas-sais na ng gabi nang bumababa sila sa sasakyan.

Kumagat na ang dilim nang maglakad sila papasok patungo sa tirahan ni Rayne. Katulad ng madalas madaanan ng dalaga, sa mga ganitong oras ay makikita sa gilid-gilid ang mga nakatambay, mga binatilyong katatapos lang maglaro ng basketball at ang mga nagtitinda.

Habang naglalakad ay alerto ang mga mata ni Jake. Para siyang body guard na tingin nang tingin sa gilid at sa likod.

"Okay ka lang?" biglang tanong ni Rayne sa binata.

"Sinisiguro ko lang na wala si Domino rito," sagot ni Jake.

Pinagpatuloy nila ang paglalakad sa kahabaan ng barangay.

Nang makarating na sila sa tapat ng bahay nila Rayne ay naabutan nilang nakabukas ang gate. Papasok na sana sila sa loob nang muling sumagi sa isipan ni Rayne ang binatang si Dom. Napahinto siya sa paghakbang at saka sinipat ang kaharap na bintana. Bukas na iyon, mula roon ay may isang lalaking nakadungaw. Nakasandal ang ulo nito sa haligi ng bintana at madarama ang lungkot sa mukha nito.

Napatingin din ang mga kaibigan niya sa direksyon kung saan siya nakatingin.

"Sino siya, bes?" tanong ni Patty habang seryoso lang ang dalawang lalaki sa likod nila.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon