Chapter 34

606 40 28
                                    


"You look wonderful, Rayne," ani Dom kay Rayne sabay pasok ng dalawang kamay sa magkabilang bulsa.

"Ha? I-ikaw nga ang wonderful diyan, marunong ka rin palang pumorma," pabirong tugon ni Rayne.

Sumilay ang malapad na ngiti ni Dom na siya namang kinailang ni Rayne kaya idinako na lamang niya ang paningin sa ibang direksyon.

"I'm sorry kung ito ang napili kong lugar, dito kasi tayo unang nagkakilala, kaya gusto ko ay dito ko rin ibibigay sa 'yo ang bagay na nais kong ingatan mo," sabi ni Dom sa malamig na tinig.

Naalala ni Rayne ang mga araw na iyon. Mag-isa siyang nakaupo sa parke nang bigla siyang kausapin ni Dom. Hindi siya kumakausap ng mga taong hindi niya kilala kaya bigla niyang iniwan ang binata noon.

"Hindi pala 'yon ang unang araw ng pagkakaibigan natin kasi iniwan mo ko," dugtong ni Dom sabay ngiti ulit.

"Sorry, nahihiya kasi ako noon," depensa ni Rayne.

"It's okay, ang importante ay kung ano ang meron tayo ngayon."

Ano na nga ba ang mayroon sa kanila ngayon? Pagkakaibigan lang naman pero kung magsalita at kumilos itong si Dom sa araw-araw nilang pagkikita ay tila higit pa sa pagkakaibigan ang namamagitan sa kanila. Bagay na kinababahala ni Rayne dahil baka iba ang pagkakaunawa ni Dom sa lahat ng ipinapakita niya.

Kung para sa kanya ay normal lang ang bawat pagtugon niya, iba naman ang natatanggap na kahulugan ng binata.

"Dom? Ano ba ang pag-uusapan natin, tsaka, ano 'yong ibibigay mo?" Umupo si Rayne upuang yari sa kahoy na nasa gilid ng puno.

Bago sumagot ay tumabi muna sa kanya si Dom. Bahagyang nagkadikit ang mga balikat nila subalit pasimple agad na inilayo ni Rayne ang kanya.

"Halos kalahati ng buhay ko ay inilaan ko sa pagiging duwag. Mas pinili kong mapag-isa o maging kakaiba sa paningin ng iba, dahil ang sabi sa akin noon ni ama, kapag naiiba ka, espesyal ka. Pero hindi pala iyon gano'n, dahil habang nananatili kang naiiba, uulanin ka ng panghuhusga." Nakatingin lang sa malayo ang binata habang nagsasalita.

Hindi maunawaan ni Rayne ang nais nitong iparating. Pero aminin man niya o hindi, mas lalo siyang naging interesado sa mga susunod pang sasabihin ni Dom.

"Dominique ang tawag sa 'kin ng kaibigan kong matalik na namayapa na. Sabi niya sa 'kin, ako lang daw ang kilala niyang Dominique na duwag. Pero alam mo ba, mas gusto ko pang maging duwag kaysa makasakit."

Napakaseryoso na ng mukha ni Dom nang humarap ito kay Rayne.

"Paano mo ba nasasabing duwag ka?" tanong ni Rayne.

"Noong elementary ako, suki ako ng pambu-bully. Binabatukan na ako't lahat-lahat, hindi man lang ako gumaganti. Hanggang ngayong college. Ayaw ko silang patulan, dahil kapag nagagalit ako, hindi ko na nakikilala ang sarili ko."

"Dom, kailangan mo rin maging matapang minsan, kailangan mo ring matutunan kung paano mo ipagtatanggol ang sarili mo." Hinawakan pa ni Rayne ang binata sa balikat.

"Kaya nga inuumpisahan ko nang maging matapang sa harap mo ngayon," ani Dom. Napatitig si Rayne sa mga mata nito upang hanapin doon ang kahulugan sa sinabi nito.

"What do you mean?" nagtatakang tanong niya.

"Lagi akong kinakabahan kapag kausap at nakikita kita. Magaling lang akong magtago ng nararamdaman kaya hindi mo nahahalata. Pero sa mga sandaling ito, magiging matapang ako para sa 'yo."

Unti-unting lumilinaw ang paksa ng pag-uusap nila sa mga tagpong ito. Hindi na rin napigilan ni Rayne ang kaunting kaba at pagkabahala. Alam na niya. Batid na niyang ang usapang ito ay patungo na sa masakit na katotohanan.

"Rayne, alam kong hindi ako malakas. Hindi rin ako perpekto at mas lalong hindi ako ang lalaking hinahanap mo. Pero, nais kong patunayan sa 'yo na kaya kong maging matapang para sa 'yo. Handa akong magbago maprotektahan ka lang. Rayne... matagal na kitang gusto. Let meー"

"Dom. Hindi puwede." Pagpuputol ni Rayne.

Napatayo siya sa kinauupuan. Kitang-kita niya sa mga mata ni Dom ang pagiging totoo sa mga sinasabi nito.

"B-bakit naman? H-hindi ba puwedeng bigyan mo ako ng chance na mapatunayan ko ang sarili ko? Hayaan mong ligawan kita," pagsusumamo ni Dom at saka hinawakan ang magkabilang balikat ng dalaga.

"Sorry, Dom. May iba akong gusto. Ayaw kitang paghintayin sa wala, ayaw kong sayangin mo ang oras mo sa babaeng kahit kailan ay hindi kayang suklian ang mga efforts mo."

Kasabay ng kaba at tensyon na nararamdaman ni Rayne ang pagpatak ng kanyang luha. Naaawa siya kay Dom. At ang pagkaawa na iyon ay hindi niya mapapayagang maging dahilan para pilitin niyang mahalin ito.

"Wait. Ito, ito, sa 'yo ito. Tanda 'yan ng pagmamahal ko sa 'yo. I-ingatan mo 'yan, a." Inilagay ni Dom ang isang singsing sa palad ni Rayne subalit agad din naman itong ibinalik sa kanya.

"No. Stop."

"Bakit?"

"Hindi kita kayang mahalin, Dom."

Tila isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Dom nang marinig ang sinabi ni Rayne.

"D-dahil ba ganito lang ako? Dahil ba mahina ako? Dahil ba weird ako?"

"Dom, hindi! Ayaw kitang paasahin. Ayaw kong masaktan ka lang sa bandang huli dahil ang pagmamahal ko ay nakalaan lang sa iisang tao."

Halos mabutas ang puso ni Dom dahil sa mala-kutsilyong katotohanan na tumutusok.

"Rayne, please. bigyan mo ako ng chance." Hinawakan na nito si Rayne sa dalawang kamay.

"Hindi pinipilit ang pag-ibig. kailangan mong maghintay ng taong para sa 'yo." Bumitaw siya.

"Kaya ba naghihintay ka rin sa kanya kahit alam mong wala namang pag-asa?"

Lalong nagbagsakan ang mga luha ni Rayne sa sinabi ni Dom. Nanikip ang dibdib niya sa sobrang sakit nang maalala si Jake. Hindi niya alam kung paano nalaman ni Dom ang tungkol doon, basta isa lang ang nasisiguro niya ngayon, tama si Dom.

"Oo," matatag niyang sagot.

"Kung oo, hayaan mo rin akong maghintay sa 'yo kahit alam kong wala namang pag-asa."

"Please stop! Magkaiba ang sitwasyon natin!"

"Paanong magkaiba?"

Nananatili pa ring kalmado si Dom kahit bakas naman ang kirot sa mukha nito. Habang si Rayne, magkahalong lungkot at inis ang nadarama niya. Lungkot dahil sa dalawang katotohanang hindi magiging sila ni Jake at hindi niya maaaring pagbigyan si Dom. Inis dahil makitid ang pag-iisip ng lalaking nasa harap niya ngayon.

"Dahil siya, hindi niya alam na nasasakatan ako habang umaasa sa kanya. At ako, nararamdaman kong nasasaktan ka dahil umaasa ka sa 'kin! Dom, nasasaktan din ako kapag may taong nahihirapan nang dahil lang sa isang katulad ko!"

"Pero umasa na ko, Rayne. Umasa ako na baka puwede tayo base sa mga kilos at pakikitungo mo sa 'kin. Kung ayaw mo akong masaktan, dapat noon pa lang ay hindi mo na ako pinapakisamahan, pinasilip mo sa 'kin ang pag-asa pero isinara mo rin."

Tunog paninisi na ang naririnig ni Rayne ngayon. Lalo siyang nainis pero mas nangingibabaw pa rin ang awa.

"Sorry, Dom. Sorry. Hindi ko akalain na iba ang kahulugan sa 'yo ng lahat ng pinapakita ko."

Rumagasa pa ang mga luha sa pisngi ni Rayne. Hindi na niya kaya pang kausapin pa ang binata kaya mas pinili niyang iwan na lamang ito. Tinalikuran niya si Dom at saka nag-umpisang naglakad. Ngunit hindi pa man siya nakalalayo ay isang linya muna ang pinahabol ni Dom.

"Rayne! Hindi mo alam ang puwede kong gawin pagkatapos ng lahat ng ito. Huwag mo sanang pagsisihan ang desisyon mo!" sigaw ni Dom sa palayong si Rayne.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon