Chapter 59

1K 53 19
                                    


March 6, 2017 | Sunday 6:16 PM

Ito na ang gabing pinakahihintay ng lahat ng miyembro ng kapatiran. Ang gabi ng paghahandog at pagbabasbas para sa bagong supremo na uupo.

Dahil pribado ang mangyayari ngayong gabi, sa isang tagong venue sa Taguig napili ng mga supremo na ganapin ang seremonya.

Maraming dumalong miyembro na mabibigat at maningning ang pangalan sa bansa. Nagpunta sina Senator Hestia Montecarlos, Senator Leonardo Lopez at Senator Protacio Ibarra. Hindi rin pahuhuli ang mayor ng maynila na si Carmela De Alfonso kasama ang pamilya nito. Kapag tumingin ka naman sa kaliwang banda ng venue, makikita ang magkakasamang sikat na artista at atleta sa Pilipinas. Sa hanay ng mga artista ay naroon si Mandy Dela Cruz, Loriley Alonzo, Jack Crost, Lord Dela Fuente, Kim Wong Un, Peter Jay Cragie, at ang Fil-Am na si Nai Tinblock. Sa hanay naman ng mga atleta ay makikita sina Jeremy Tolentino, Vick Santos, Laine Mariano, Eron Bautista, Elaira Jose, at si Encee Meneses. Kasama pa ang ilang mayayamang negosyante na nanggaling pa sa iba't ibang panig ng Pilipinas at ang iba nama'y lumuwas pa galing ibang bansa.

Sila, sila ang mga taong lihim na nagtatago sa likod ng Adam Societas. Idinikit nila ang kanilang pangalan sa kapatiran para makamtam ang kapangyarihan sa lipunan, kasikatan at kayamanan.

Nagsimula ang Adam Societas noong taong 1776 ika-una ng Abril. Una itong itinatag ni Adam Dominus sa Israel. Sa paglakad ng panahon, kumalat ang lihim na samahang ito sa buong mundo. Hindi sila naniniwala sa katotohanang may isang lumalang na nasa itaas, sa madaling salita, para sa kanila ay walang Diyos. Ang tangi nilang kinikilala ay ang lalaking nakasaad sa libro ng kapatiran na si Luciano Renus. Nang mamatay si Adam Dominus ay isa na rin ito sa kinilalang Diyos ng Adam Societas. Layunin ng samahang ito na palaganapin ang satanismo sa bansa, paniwalain ang lahat na ang tanging Diyos ay si Luciano Renus at si Adam Dominus lang. Isa pa sa isinusulong nila ay ang layuning baguhin ang mundo na nakadepende sa sistema nila, nais nilang paikutin ang mundo sa pamamagitan ng kayamanan at kapangyarihan.

Taong 1974 naman palihim na itinatag ang Adam Societas sa Pilipinas. Pinangunahan ito ng ama ni Edwardo na si Eddie Licentria kasama ang apat na sinaunang supremo. Si Edwardo ang magmana ng trono na hanggang ngayon ay inuupuan pa rin niya.

Organasido ang venue. Mayroong entablado at sa gilid nito ay may hindi naman kaliitang kampana. Sa gitna ng entablado ay may isang altar kung saan makikita ang iba't ibang uri ng simbolo ng kanilang kapatiran.

Nakasuot ng kulay itim ang lahat ng dumalo maliban lamang sa apat na supremong nakaupo sa bandang gilid na suot ang kulay pula at mahabang kasuotan na may hood. Sa gilid naman ng mga ito ay nakatayo ang isang lalaking naka-half mask gamit ang itim na tela at hawak ng dalawang kamay nito ang isang punyal.

Mayamaya lang, may isang lalaking lumabas sa gilid ng stage at kinuha ang microphone at nagsalita.

"Magandang gabi mga kagalang-galang na kapatid. Tayo po ay tumayo para sa isang panalangin."

Tumayo ang lahat at yumuko na sinundan naman ng pagpikit.

"Diyos ama, Luciano Renus, basbasan mo ang gabing ito, bigyang lakas ang bawat isa sa amin at maging gabay sa bawat tatahakin. Diyos anak, Adam Dominus, dalhin mo kami sa iyong kaharian, dinggin ang aming panalangin. Aming pagmamahal ay alay sa inyo, puso't kaluluwa ay para sa inyo, huwag n'yo kaming pababayaan, ngayon at magpakailanman," sabi ng lalaking nasa stage na sinabayan naman ng lahat.

Nagpalakpakan ang lahat. Ang iba'y nagbeso-beso pa at nagyakapan.

Ilang sandali lang ay may lumapit kay Edwardo at bumulong.

"Mawalang galang na punong supremo, pero wala pa po ang ihahalal, anong oras na," bulong ng lalaki kay Edwardo.

"Nasaan na ba sila?" pabulong din nitong tugon.

DominoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon