"Mahilig ako magtali ng ribbon sa kamay," sabi ni Lyka nang mapansing nakatitig si Rayne sa kanyang kamay.
"A, gano'n ba? Cute nga, e." Isinawalang bahala na lang ni Rayne ang kanyang naiisip.
Hindi nagtagal, bumalik na si Dom dala ang isang large sige ng mineral water.
Sabay-sabay silang kumain sa iisang lamesa. May kaunting pag-aalinlangan man sa kalooban ni Rayne ay pinilit na lang niyang iwaglit ito sa kanyang utak.
Tahimik lang silang tatlo na minsa'y nagkakatinginan. 'Yong mga ngiti ng magkapatid, ibang kahulugan ang nagrerehistro kay Rayne. Gano'n pa man, pinagpatuloy na lang niya ang pagnguya. Itinuon na lang niya ang atensyon sa kanyang kinakain at mas piniling kalmahin ang sarili.
^~(^,,^)~^
Naglalakad ngayon si Detective Domingo sa hallway ng kanilang istasyon. Malayo pa lang ay alam na niyang magkakaroon na naman siya ng walang kakuwenta-kuwentang diskusyon sa taong makakasalubong niya ngayon.
Tanaw niya si Detective Morales. Himalang hindi kasama ang mga alipores nito. Napailing na lang si Mr. Domingo nang huminto ang lalaking matagal nang may inggit sa kanya. Bakas sa tindig ni Mr. Morales ang nag-aabang na pang-iinsulto.
Hindi na dapat iyon papansinin ni Mr. Domingo dahil alam niyang wala naman siyang mapapala rito. Subalit, sadyang mina-magnet siya nito at talagang inaakit siya para patulan ang walang kabuluhang mga sasabihin nito.
"Naninibago ako sa 'yo, Domingo." Mga katagang nagpahinto sa detective na nagtitimpi.
"Kung wala kang sasabihin na matino, huwag mo na ako kausapin," tugon ni Mr. Domingo na halatang sinasakyan lang ang sinabi sa kanya.
Ipinasok ni Mr. Morales ang dalawang kamay sa loob ng bulsa at saka sinuri ang pisikal na kaanyuan ni Mr. Domingo.
"Pumayat ka," ani Mr. Morales.
Bahagyang lumapit si Mr. Domingo rito at nagpakita ng isang matatag na tindig.
"Wala kang pake," anito.
"Nakakapayat ba ang kasong hinahawakan mo?" Seryoso ngunit matutunugan ang panghahamak sa tinig ni Mr. Morales na siyang nagpasalubong ng kilay ni Mr. Domingo.
"Oo, nakakapayat. Pero nakakataba ng utak. Sa tingin ko nga, kung malalagay ka sa sitwasyon ko, mababaliw ka. Mababa lang kasi ang kapasidad ng utak mo." Nanlaki ang mga mata ni Mr. Morales at inilapit ang mukha sa mukha ni Mr. Domingo na kulang na lang ay maghalikan na sila.
"Parang dati lang hindi ka pumapatol sa 'kin. May nagbago sa pagkatao mo, a. Tumapang ka na yata? Ano na bang pinagmamalaki mo?" buwelta ni Mr. Morales na pinakialaman pa ang kuwelyo ni Mr. Domingo.
"Ang kuting, may pangil at kuko rin. Kaya huwag mo kong susubukan. Hindi mo ako kilala." Napanganga na lang si Mr. Morales sa narinig niya.
Naiwan siyang nakatayo habang si Mr. Domingo ay tiningnan niya lang na papalayo. Ikinabigla niya ang sinabi ng taong dati-rati ay tahimik lang sa tuwing bu-bully-hin niya. Para sa kanya, malaki ang ipinagbago ni Mr. Domingo lalo na sa ugali. Naiisip niya nga na siguro ay lumaki na ang ulo nito dahil sa mga kasong napagtagumpayan nito. Pumapalag na ang taong walang ibang inaatupag noon kundi ang mga kasong hinahawakan
lang.Samantala, abala ang mga kasamahan ni Mr. Domingo nang pumasok siya sa loob ng section nila. Hindi niya pinansin ang mga iyon. Umupo lang siya agad sa upuan at saka tumitig sa kawalan.
"Domingo." Napalingon siya kay Mendes.
"Oh?" walang gana niyang sagot.
"Muli kong binalikan ang lahat ng mga impormasyong nakalap natin mula pa sa pagpatay kay Ms. Alcantara hanggang kina Mr. Hernandez at Ms. Manawag, mayroon akong mga napansin sa pagkakatali ng ribbon sa paa ng mga biktima. Maayos ang pagkakatali, talagang naglaan ng oras 'yong killer para lang maging maganda ang pagkakakabit ng mga ribbon. Kung ibang killer 'yon, malamang ay tatakas na 'yon agad. Malakas ang loob niya. Hindi siya natatakot na mahuhuli siya." Napasalubong ang kilay ni Mr. Domingo sa sinabi ni Detective Mendes. Napatingin din dito si Careon at Kalaw.
"Anong ibig mong sabihin?"
Kinaladkad pa ni Mendes ang upuan para lumapit.
"Kung masyado siyang kampante, ibig-sabihin lang nito ay mayroon siyang pinanghahawakan kaya siya matapang," anito at sandali pang nilingon ang mga kasamahan. "may sumusuporta sa kanya," patuloy niya.
Napatango na lang ang dalawa samantalang hindi naman kumbinsido si Mr. Domingo. Inayos nito ang kuwelyong ginulo ni Mr. Morales bago tumugon sa sinabi ni Mendes.
"Pero puwede ring may problema sa pag-iisip si Domino," dagdag pa ni Mr. Domingo.
"Malabo 'yan. Hindi kayang mag-organize ng isang plantsadong krimen ang taong may saltik sa utak. Nagawa niya tayong lituhin, naligaw niya tayo. Planado ang lahat." May tiwala sila kay Mendes. Sa kanilang grupo ay ito ang pinakamagaling pagdating sa profiling.
"Pero hindi rin ugali ng taong matino ang matakot lang sa aso. Kaya niyang pumatay ng tao tapos sa aso takot siya? May problema siya sa pag-iisip," ani Mr. Domingo. Napaisip ang tatlo sa narinig.
"Domingo, base kay Mr. Tolentino, 'di ba pusa 'yon?" biglang singit ni Kalaw.
Sandaling napayuko si Mr. Domingo.
"A, oo. Pusa pala 'yon." Napailing na lang si Mr. Domingo sa pagkakamali niya.
"Ayos ka lang ba? Parang kanina ka pa balisa at malalim ang iniisip?" Si Careon naman ang nagsalita.
"Ayos lang ako, h'wag n'yo ko pansinin."
Hindi na pinansin nila Mendes iyon. Pinagpatuloy na lang nila ang pag-uusap tungkol sa kaso.
"Tungkol naman sa pagiging takot ni Domino sa pusa, hindi natin maaaring ikonsidera na problema sa pag-iisip iyon. Sa palagay ko, malaki ang partisipasyon ng pusa sa buhay ni Domino. May phobia siya sa pusa, Domingo," pagpapatuloy ni Mendes sa isinasalaysay.
"May mga gano'n talagang tao. 'Yong kapitbahay nga namin dati sa Laguna takot sa paruparo, e." Sandali pang natawa si Kalaw sa sinabi.
Nagtataka naman si Mendes sa body language ni Mr. Domingo. Bigla itong naging malamya mula nang pumasok ito kanina. Parang may bumabagabag sa isipan nito. Hindi nila matukoy. Ngayon lang nila nakitang ganito si Mr. Domingo sa tagal na nilang magkakasama.
"Domingo, may problema ka ba?" Hindi na napigilan ni Mendes ang sarili na itanong ito.
"Maliit lang. Pasensya na. Hindi ako makapag-focus. Punta lang ako CR." Isang pilit na ngiti lang ang iginawad ni Mr. Domingo sa mga kasamahan at tuluyan na itong lumabas ng kanilang section.
"Pabayaan n'yo muna. Mukhang may problema na naman yata siya sa utol niya," ani Careon. Alam nito ang tungkol doon dahil dito madalas magkuwento noon si Mr. Domingo.
Tumayo si Mendes at sumandal sa dingding.
"Pero hindi tayo puwedeng magpa-petiks-petiks dito. Tatlo na ang namatay. At palpak tayo sa unang imbistigasyon." Napapailing na lang si Mendes.
"Tama si Careon, hayaan na muna nating ma-refresh ang utak ni Domingo. Wala rin naman siyang masasabing maayos kung magulo ang pag-iisip niya," ani Kalaw.
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Mendes at saka muling bumalik sa kinauupuan.
"Kung ano man ang problema niya, sana naman maayos niya na agad 'yon. Siya ang team leader natin, mahirap gumalaw kung wala sa ayos ang namumuno," ani Mendes.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay ibinalik na lang nila mga sarili sa kani-kanilang ginagawa. Hinayaan na lang muna nila si Mr. Domingo na mapag-isa sa kung ano man ang pinagdaraanan nito.