February 17, 2017 Friday 8:12 PM
Tahimik, subalit may mangilan-ngilang hikbi na maririnig sa maliit na chapel na kinalalagyan ng mga labi ni Mike at Jenny. Dahil batid ng pamilya ng mga ito na magkasintahan ang dalawa, ipinagsabay na ng mga ito ang burol.
Dumagsa rin ang mga kakilala, kaklase at kaibigan ng mga kaawa-awang mga biktima.
Hindi rin nawala ang grupo nila Jake na ngayon ay nasa isang sulok. Kanina pa sila nakaupo ngunit ni isa sa kanila ay walang nagsasalita. Lalo pang bumigat ang pakiramdam ng magkakaibigan nang muling humagulgol ang ina ni Mike sa harap ng kabaong. Halos yakapin na ng matandang mistisa ang ataul ng kanyang anak. Kulang na lang ay atakihin na ito sa puso at hindi na muling dumilat pa.
Hindi na nakatiis si Jake kaya nagpasya siyang lumabas muna, habang nakakakita kasi siya ng umiiyak ay mas lalo siyang nasasaktan para sa kanyang kaibigan.
Iniwan niya sina Hans sa table nila. Hindi na rin siya pinigilan ng mga ito at hinayaan na lang siyang mapag-isa.
Paglabas niya sa chapel, agad siyang sumandal sa pader at itinakip ang mga palad sa mukha. Naalala niyang muli ang lahat ng pinagsamahan nila ni Mike. Ang pagka-cutting nila noon, sabwatan tuwing may examination, pagdadamayan nila noong may nakaaway silang anak ng isang mayamang negosyante, at higit sa lahat, 'yong mga panahong tinulungan niyang mangyari ang matagal nang ninanais ni Mike; ang makatalik si Jona.
Si Jona, isa pa si Jona sa iniisip ni Jake ngayon. Bumalik na naman ang mga tanong kung bakit at ano ang dahilan sa pagpaslang kay Jona.
Sino, sino ang pumapatay? Bakit mga kaibigan niya pa? Anong motibo? May kasalanan ba sila? May susunod ba kina Mike? Kung meron, sino?
Halos mabaliw siya sa kaiisip ng mga tanong na iyan.
Natigil lang siya nang may marinig siyang lalaki na nagsasalita sa likod ng itim na Montero Sport na nakaparada. Hinanap niya iyon, nakita niya ang lalaking nakasandal habang hawak ang cellphone.
"Dapat lang sa kanila 'yon, pagdusahan nila ang ginawa nila," tinig ng lalaki.
Pamilyar kay Jake iyon, kung hindi siya nagkakamali ay ito ang kasintahan ni Maia; si Tyron.
"Masyado kasi silang mayayabang, buti nga sa kanila."
Hindi maipaliwanag ni Jake kung ano ang mararamdaman sa kanyang mga narinig. Basta bigla na lamang nagsarado ang mga kamao niya at nagsimulang mag-apoy ang galit. Dumagdag pa ang mga sinabi noon ni Hans tungkol kay Tyron. Hindi siya sigurado sa naiisip niya, pero hindi niya magawang pigilan ang kanyang sarili. Nadadala na siya ng emosyon na nagtulak sa kanya para lapitan at sunggaban si Tyron.
"Walang hiya ka!" buong galit na sigaw ni Jake habang papalapit. Napahinto si Tyron at saka inilagay ang cellphone sa bulsa. Litong-lito sa inaakto ni Jake.
Bago pa man makapagsalita si Tyron ay dumapo na ang kanang kamao ni Jake sa pisngi niya. Muntik na siyang matumba sa lakas ng suntok na natanggap. Pero, hindi pa roon nagtatapos ang lahat.
Hinawakan siya ni Jake sa kuwelyo at saka muling niregaluhan ng isa pang suntok.
Walang kaalam-alam si Tyron kung bakit ito ginagawa ni Jake sa kanya. Nais niya sana itong tanungin subalit masyadong agresibo si Jake kaya hindi rin siya makapagpaliwanag.
"Kaya pala nawala ka no'n!"
Sisipain pa sana ni Jake si Tyron subalit may pumigil sa kanya sa likuran. Hinatak siya ng kung sino palayo.
"Tama na 'yan, Tolentino!"
Saka lamang natigil si Jake nang awatin siya ni Detective Domingo na hindi niya alam kung bakit bigla na lamang itong lumitaw.
![](https://img.wattpad.com/cover/116000771-288-k904893.jpg)