February 8, 2017 7:24 AM Wednesday
Pabalik na ng bahay si Rayne galing sa napakaagang pamamalengke kani-kanina lamang. Nakagawian na niya ito, hindi rin naman niya maaaring iasa ang gawaing ito sa dalawa niyang kapatid na lalaki dahil mabagal kumilos at ubod ng katamaran ang mga iyon.
Mag-isa siyang naglalakad bitbit ang mga pinamili papasok ng kanilang barangay. Tahimik at maaliwalas pa ang paligid dahil nagsisimula pa lang na sumilip ang araw sa silangan. Madarama rin ang haplos ng hangin na tila nagpapahatid sa kanya ng kapayapaan. Dahil doon, hindi niya namalayan ang kusa niyang pagngiti. Gustong-gusto talaga niya ang ganitong awra, nakagagaan ng kalooban. Ngunit, hindi pala ito pangmatagalan, ang nakapagpapa-relax na kapaligiran ay tila mabilis na sinapawan ng kaunting pangamba.
Matapos niyang lumiko sa unang kanto ay may naramdaman siyang kakaiba. Batid niya! Batid niyang may sumusunod pala sa kanya, ngayon niya lamang nadama nang marinig niya ang tunog ng nasaging lata mula sa likuran niya.
"Sino 'yan?" tanong niya sa kung sino. Ang weird ng umagang ito. Pasikat na ang araw pero parang malalim na gabi ang bumabalot sa paligid. Wala pang katao-tao sa labas, nakapagtataka.
Sinuyod niya ng tingin ang bawat gilid. Wala. Wala siyang nakita kaya ipinagpatuloy na lang niyang muli ang paglalakad, pero sa puntong ito, mas mabilis na.
"R-rayne!" sigaw ng lalaking tila nag-alinlangan pa siyang tawagin.
Parang kilala niya kung sino iyon. Dahan-dahan niya iyong hinarap at tumambad sa kanya ang lalaking nasa gilid ng poste. Nakasimpleng short at t-shirt lang ito, medyo maitim at may katangkaran at talaga namang madadala ka sa maamo nitong mukha.
Nakahinga nang maluwag si Rayne nang malamang si Dom ang taong iyon; ang wirdong lalaki na madalas ay nakikita niyang nakadungaw sa bintana.
"Hay... akala ko kung sino," sabi ni Rayne at walang ganang tumingin kay Dom.
"Bakit? Kinabahan ka ba?" tanong ng binata.
"Oo. Akala ko may sumusunod sa 'kin na holdaper, e." Bahagyang lumapit si Dom kay Rayne.
"Nakakatakot ba talaga ang bawat kilos ko?"
"Hindi naman."
"Mukha ba akong holdaper?"
Tiningnan ni Rayne ang binata sa mga mata.
"Hindi rin. Sorry, kinabahan lang talaga ako," ani Rayne.
"Okay lang. Ang importante, alam mo na kung sino ang sumusunod sa 'yo," ani Dom na binigyan pa ng isang makahulugang ngiti ang dalaga.
"Bakit mo ba kasi ako sinusundan? Tsaka, bakit kailangan mo pang magtago?"
"Nanggaling ako sa court nang matanaw kita, may nahulog kasi mula sa 'yo, hindi mo yata naramdaman." Dumukot si Dom sa bulsa niya at ipinakita kay Rayne ang isang bagay na nasa palad niya.
"Wah! W-wallet ko 'yan!" ani Rayne at saka kinuha sa palad ng binata ang pitaka.
"Kaya nga. Iyon ang dahilan kung bakit kita sinusundan."
"Salamat. Buti na lang nakita mo, hindi ko alam, butas pala ang bulsa ko," aniya nang mapagtantong punit pala ang bulsa ng paldang suot niya.
"Kung bakit ako nagtatago? Hindi na mahalaga. Kaya tara na? Sabay na tayo, magkatapat lang naman ang mga bahay natin," pag-aaya ng binata.
Napatango na lang si Rayne kay Dom.
Matagal na niyang kilala si Dom, pero dahil sa pagiging weird nito ay minsanan lang sila magkaroon ng mahabang pag-uusap. Masyado kasing mapili sa taong kakausapin itong si Dom. Swerte na nga siguro si Rayne dahil kahit paano ay kinakausap siya nito.
Kung ang pagbabasehan ay ang mga sinasabi ni Dom, masasabing tila ang dami nitong itinatago, parang lagi na lang may kalakip na misteryo ang bawat salitang bibitiwan nito. Mabait naman ito, sa lahat ng mga puwedeng kaibiganin ay si Rayne lang yata ang napili ng binata. Hindi rin alam ni Rayne kung bakit at ano ang dahilan. Sa tuwing mapapadungaw naman siya sa bintana ng bahay nila. natatanaw niya sa kabilang bahay si Dom
na nakadungaw rin. Nakangiti, kumakaway at tila may kung anong ipinahihiwatig ang maamo nitong mukha.Sanay naman si Rayne kay Dom, pinagpalagay na lang niyang may mga tao talagang katulad ni Dom na mas pinipiling gumalaw sa mundong siya lang din ang may gawa.
Magkasamang naglakad pauwi ang dalawa, ilang saglit lang ay nakarating na rin sila sa kanilang mga bahay.
"Thank you ulit, Dom," ani Rayne habang binubuksan ang gate nila.
"Ako ang dapat magpasalamat," sagot ni Dom.
"Magpasalamat saan?" nagtatakang tanong ni Rayne.
"Nevermind." Isang ngiti lang ang iginawad nito kay Rayne at saka naglakad palapit din sa gate. "magkaharap lang ang mga bahay natin, maging ang ating mga bintana, kapag may kailangan ka, dumungaw ka lang at makikita mo ko agad," dugtong pa nito.
Hindi malaman ni Rayne kung dapat ba siyang magpasalamat ulit o mas mainam na pagtuunan ng pansin ang sinabi ni Dom. Ito kasi ang unang pagkakataon na nagsabi ng ganito ang binata.
"A-e, sige," nag-aalangan niyang sagot.
Tuluyan na siyang pumasok sa loob. Hindi na niya nilingon pa si Dom.
Nagtungo siya sa kusina at inilapag ang mga pinamili sa lamesa. Hanggang ngayon, wala pa rin palang gising sa mga kapatid niya maging sa kanyang mga magulang din. Napabuntong hininga na lang siya. Mukhang siya na naman ang gigising sa mga ito. Pero bago iyon, nagpunta muna siya sa kanyang kuwarto. Ayaw niya munang buksan ang bintana dahil paniguradong naroon na naman sa katapat na bintana si Dom.
Idinako na lang niya ang tingin sa maliit na lamesang nasa gilid ng kama niya kung saan naroon ang kanyang cellphone na iniwan niyang naka-charge.
May isang mensahe kaya agad naman niya iyong binasa...
"T-totoo ba 'to?" Nanlaki ang mata niya. Hindi man sigurado kung may katotohanan nga ba ang nakalagay sa text ay mabilis pa ring dumaloy ang kaba sa kalooban niya.