Pasado alas-siyete na ng gabi nang makarating ang magbabarkada sa birthday party ni Jona. Pagpasok pa lang nila sa gate, tanaw na agad nila ang ilang mga dumalo na nasa pool na may kanya-kanyang hawak na bote, mapababae man o mapalalaki.
"Pool party ba ito? Hindi tayo na-inform ni Jona," ani Patty na sinusuyod ng tingin ang paligid.
"Nakakita ka lang ng mga tao sa pool, pool party na agad?" sabi naman ni Maia.
Ilang sandali lang, natanaw na nila si Jona na papalapit sa kanila. Nakasuot ito ng red dress na hindi aabot sa tuhod. Talagang kumorte ang katawan nito dahil sa pagka-fitted ng suot niya.
Kinawayan naman sila nito at parang model na naglakad patungo sa kanila.
"Hello!" ani Jona.
"Hi, Jona. Happy birthday!" bati ni Rayne.
Binigyan nila ng malapad na ngiti ang dalaga. Samantalang si Jake ay walang imik na nakatingin lang sa ibang direksyon.
"Jake?" Kinalabit pa ni Jona ang binata para kunin ang atensyon nito.
"Ahm, hello. H-happy birthday sa 'yo, Jona," ani Jake.
"Okay ka lang?" tanong ni Jona.
"Naku, badtrip kasi 'yan sa traffic kanina." Si Hans na ang sumagot.
"A, gano'n ba?"
"Ahhh, Jona. Gutom na ko, anong pagkain sa loob?" Umatake na ang pagiging patay-gutom nitong si Patty.
"Ay, oo nga pala. Tara sa loob, kumain muna kayo."
"Patay gutom talaga 'to si Patty," sabi ni Rayne.
"Sssh ka lang." Siniko pa ni Patty ang kaibigan.
Pumasok na sila sa loob ng malaki at magarang bahay ni Jona. Dahil halos lahat naman ng bisita ay nasa pool, mas pinili nilang tumambay na lang sa sala.
Tulad ng inaasahan ni Patty, maraming pagkain ang inihanda ni Jona. Sama-sama silang kumain, doon na rin nila inumpisahan ang pag-iinom.
Kilala nila si Jona, kamag-aral nila ito noong nasa senior high school pa lamang sila. Nahiwalay nga lang ang dalaga sa kanila nang tumuntong sila ng kolehiyo. Kahit kailan, wala silang nabalitaan na nagkanobyo ito. Masyado kasi itong pihikan pagdating sa mga lalaki. Kaya nagtataka sila kung bakit bigla na lang nanligaw itong si Jake kay Jona. Tama si Jake. Malandi itong si Jona. Panay ang pakikipag-flirt nito sa kung sino-sinong lalaki lang. Kung minsan nga, sinasabihan nila si Jake na itigil na ang panliligaw sa dalaga dahil alam nilang wala naman siyang ibang mapapala rito kundi sakit ng ulo. Baka paglaruan lang siya nito. Pero, matigas ang ulo nitong si Jake. Desidido siyang mapasagot si Jona kahit pa mukha na siyang tanga minsan.
Samantala, mag-isa si Jake ngayon. Lumabas siya at mas piniling magpahangin sa tapat ng gate. Kanina pa siya hindi mapakali sa hindi malamang dahilan. Nagtataka na nga rin ang mga kaibigan niya kung bakit hindi man lang niya magawang lapitan si Jona gayong nanliligaw siya sa dalaga.