Lumabas ng sasakyan si Mendes para hanapin ang bata. Kailangan niyang malaman kung sino ang nagpabigay ng mga larawan. Subalit, ilang ulit na siyang lumingon-lingon pero wala na sa paningin niya ang hinahanap.
"Paandarin mo," utos ni Mendes kay Jake nang muling pumasok sa kotse.
"Sandali, hindi mo ba ite-turn over 'yang mga pictures na 'yan diyan sa istasyon n'yo?" tanong ni Jake.
"Hindi na!"
Pinaandar na ni Jake ang sasakyan at saka umalis doon. Marahan lang ang pagpapatakbo ni Jake para madali nilang ma-check ang madaraanan nila.
"Nasaan na ba 'yong batang 'yon? Hayy, kainis!" padungaw-dungaw sa bintanang sabi ni Mendes.
"Detective! Siya yata 'yon?" napalingon si Mendes sa direksyon kung saan nakaturo ang daliri ni Jake.
"Ihinto mo!" utos nito.
Nagmamadali siyang lumabas ng sasakyan at saka naglakad palapit sa batang nakatayo sa harap ng nagtitinda ng tusok-tusok.
"Boy?" tawag ni Mendes sabay hawak sa balikat ng bata.
"Bakit po?" tugon ng bata.
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Mendes.
"Ikaw 'yong nagbigay sa 'kin nito 'di ba? Kanino 'yon galing? Natandaan mo ba ang mukha?"
Ilang segundong nakatitig sa kanya ang bata na halatang inaalam ang totoong pakay ni Mendes.
"Lalaki po siya na matangkad, tapos..."
"Tapos ano?" Bahagya pang umupo si Mendes para pantayan ang bata.
"Nakasakay po siya sa sasakyan, bigla niya lang po ako hinila tapos binigyan niya ako ng pera tapos binigay niya po 'yon, abot ko raw po sa kotse n'yo tinuro niya po."
"Natandaan mo ba ang mukha?"
"Hindi po, maskara po siya."
Napahawak na lang sa noo at napabuga ng hangin si Mendes.
"Hayy, gano'n ba? Sige, sige, salamat."
Tumayo na siya at pinasadahan ng tingin ang paligid. Hinimas pa niya ang ulo ng bata bago niya iyon iwan.
Napapailing siyang bumalik sa sasakyan at walang ganang isinandal ang likod sa upuan.
"Ano raw?" tanong ni Jake.
"Kumpirmadong galing kay Domino ang mga larawan dahil ang sabi ng bata, nakamaskara at nakasakay daw ng sasakyan ang nag-abot sa kanya, sinuhulan pa nga raw siya," paliwanag niya.
"Teka, bakit parang talamak na yata 'yang galawan ng Domino na 'yan? Sa harap pa mismo ng istasyon ninyo?"
"Tsk! 'Yon nga ang iniisip ko, e.
Malakas ang kutob ko na may backer siya.""Hindi kaya nandiyan lang sa loob ng istasyon n'yo si Domino?"
"Kaya nga nagdadalawang isip akong hingin ang tulong nila, kina Domingo lang talaga ako komportable," ani Mendes.
"Saan na tayo?" Muling pinatakbo ni Jake ang kotse.
"Umuwi ka na muna, aasikasuhin ko muna 'tong sasakyan na 'to," sagot ni Mendes na tila nanghihinayang sa salamin ng kanyang sasakyan na nagkandabasag-basag.
"Sige, salamat."
"Tawagan mo ko kapag may problema."
---***---
Binalot ng hikbi, iyakan at paghihinagpis ang apat na sulok ng kuwartong kinalalagyan ng mga labi ni Maia. Nakatakip ng kulay berdeng tela ang katawan nito na mukha lang ang nakalabas. Nasa gilid ang mga magulang nito na labis ang pagdurusa sa sinapit ng anak. Ilang minuto nang tumatangis ang mga ito, kulang na nga lang ay mapatid na ang ugat sa leeg ng mga ito dahil sa ilang ulit na pagsigaw ng pangalan ng dalaga.
Sa dakong pinto naman, magkakatabi sina Hans, Rayne at Patty. Humihikbi at basang-basa ang mga pisngi.
"Ahm, Patty? Rayne? Uhm, labas muna tayo," pag-anyaya ni Hans sa dalawa.
Nais niya munang bigyan ng privacy ang mga magulang ni Maia.
Tumango lang sa kanya ang dalawang dalaga at sumunod na rin. Umupo sila sa upuang nasa gilid ng hallway. Napapayakap na lang si Rayne kay Patty samantalang nakatitig lang sa sahig si Hans.
Dahil sa panibagong pangyayari, lalong pinanghihinaan ng loob si Rayne. Pakiramdam niya, siya na ang isusunod. Paranoid siya, aminado siya roon. Hindi kasi niya kayang iwaglit sa isipan niya ang mga bagay na ito.
"Hans? Rayne? Tinawagan ko sina Papa kanina, pinaalam ko ang nangyayari sa atin ngayon. B-baka nais n'yo sumama sa 'kin, dadalhin ako ni Papa sa Batanes, doon sa tiyahin namin," sabi ni Patty na siyang nagpaisip sa dalawa.
"Alam na ng family mo? Patty?" tanong ni Hans.
"Oo, noong una kay Mama ko lang sinabi. Pero, masyado na kasing malala ang sitwasyon, kaya nag-aalala na ako baka isa na sa atin ang susunod. Sumama na kayo sa 'kin." Hinawakan pa ni Patty ang kamay ni Rayne.
"Buti ka pa alam na ng family mo, ako hindi pa. Wala silang alam na may koneksyon ang lahat ng biktima sa atin. Ayoko sabihin, natatakot ako na baka doon magsimulang gumulo ang pamilya namin," ani Hans.
"Pero, Hans. Kailangan mong sabihin, paano kung pati pamilya mo idamay na ni Domino?" nag-aalalang sabi ni Patty.
Umuling ang binata rito.
"Kapag umalis tayo, baka paghinalaan tayo ng mga pulis," sabi naman ni Rayne.
"Bakit naman? Iiwas lang naman tayo sa kapahamakan, a?"
"Ikaw na nagsabing malala na ang sitwasyon. Kaya lahat ng anggulong puwede nilang silipin ay sisilipin nila. Kung bigla tayong mawawala sa kalagitnaan ng lahat ng nangyayari, baka naman sa atin matuon ang atensyon nila, may kaugnayan tayo sa mga naunang biniktima ni Domino kaya hindi 'yan malabo." Pinunasan pa ni Rayne ang luha sa pisngi.
"Tama si Rayne, Patty," pagsang-ayon ni Hans.
Napabuntong-hininga na lang si Patty sabay sandal.
"E, anong gagawin natin? Hintayin na lang nating mamatay tayo?"
"Bastaー"
Hindi na nadugtungan pa ni Hans ang sasabihin nang matanaw nilang paparating si Jake. May bitbit itong malaking kahon ng karton.
"Guys!" bungad sa kanila ni Jake.
"O, Jake? Tumawag ka kanina sa 'kin sabi mo uuwi ka muna sa condo mo?" pagtataka ni Hans.
"May naisip akong paraan," ani Jake sabay lapag ng karton sa harap nila.
"Jake, ano 'yan?" tanong din ni Patty. Tahimik lang si Rayne habang nakatingin sa binata.
"Ito nga 'yong naisip ko, makatutulong 'to sa proteksyon natin." Umupo si Jake sa harap ng karton at binuksan iyon.
Nang silipin iyon ni Hans ay napasalubong na lang ang kanyang kilay nang mapag-alamang...
"Seriously, Bro? Mga pusa?"
